"Hindi pa rin niya totally tanggap kung sino at ano ako. Hanggang ngayon, ang thinking niya, mahirap pa kaming maging close tulad ni Mommy [Dolly Anne Carvajal]. Tanggapin muna niya nang husto kung ano ang anak niya, di ba?" says IC Mendoza.

Photo: Courtesy of Viva Artist Agency


Natatawa na lang si IC Mendoza sa mensaheng gustong iparating na naman ng kanyang estranged father. Kamakailan lang ay nagkausap ang Daddy niya at ang kapatid ni IC via long distance at kinukumusta raw siya nito.



"Tinanong niya ang sister ko kung kumusta raw ang career ko. Kasi nababalitaan niya na marami na raw akong offers na pelikula at mga guestings. Sagot naman ng sister ko, okay naman at masaya ako sa career ko. Humirit ba naman ang daddy ko na pag-ingatan ko raw ang mga kinikita ko kasi balang-araw ay makakapagpatayo na ako ng sarili kong parlor! 'Kaloka, di ba? Imagine, napaka-stereotype ng tingin ni Daddy sa mga bakla. Tingin niya mga parlorista lang ang mga bakla! ‘Kaloka!" sabay malakas na tawa ni IC nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Viva office last December 10.

 

Inamin ni IC na kahit na nag-uusap na sila ng kanyang ama, hindi pa rin daw siya totally kumportable rito. It will take more time daw para maging close sila bilang mag-ama.



"Hindi naman ako masisisi, di ba?" rason niya. "Sino ba ang nawala sa buhay namin? Ako naman, I try na maging close sa kanya pero iba kasi ang gusto ni Daddy for me. Hindi pa rin niya totally tanggap kung sino at ano ako. Hanggang ngayon, ang thinking niya, mahirap pa kaming maging close tulad ni Mommy [Dolly Anne Carvajal]. Tanggapin muna niya nang husto kung ano ang anak niya, di ba?"



Pumirma ng managerial contract si IC sa Viva Artist Agency. Maganda raw ang pinag-usapan nila at handa na raw si IC sa mga magiging projects niya sa 2008.



"Natutuwa naman ako at pumayag silang hawakan ako. Noon ko pa naman feel ang Viva, pero ngayon lang nila ako napansin talaga! Nadaan din sa pagpapapansin!" sabay tawa niya.



"Pero I am looking forward sa pakikipagtrabaho sa kanila in many projects. Alam ko na hindi nila ako pababayaan."



Sa January 2008 ay sisimulan ni IC ang shooting ng sequel ng blockbuster hit na Manay Po sa Regal Entertainment. Natutuwa siya dahil kasama na naman siya sa Part 2 nito kung saan gumaganap siyang barkada ni John Prats.