Representative Bienvenido Abante and Senator Aquilino Pimentel criticized Star Cinema's Sakal, Sakali, Saklolo—topbilled by Judy Ann Santos and Ryan Agoncillo (in photo, with the rest of the cast)—of ethnic discrimination in one of its scenes.

Photo: Courtesy of Star Cinema


Lumikha ng malaking isyu sa ilang tabloids ang diumano'y panlalait sa mga Bisaya sa isang eksena ng Sakal, Sakali, Saklolo (SSS), ang pelikulang pinagbibidahan nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo at kasalukuyang ipinalalabas sa 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF). Sa naturang eksena, pinagalitan ng lola ang yaya ng kanyang apo dahil pinapalaki raw itong Bisaya. Nasundan pa ito nang ang ina naman ng bata ang nagsabi sa katulong na dapat ay turuan niyang managalog ang alaga.



Dahil dito, hinamon ni Rep. Bienvenido Abante ng House Committee on Public Information ang mga Bisaya na maghain ng pormal na reklamo sa MMFF kaugnay ng panlalait diumano sa kanila sa SSS.

Hiningan din ng paliwanag ni Rep. Abante ang Star Cinema at ang director ng SSS na si Direk Joey Reyes kung bakit nilait diumano ang mga Bisaya sa pelikula nina Juday at Ryan. Pag-aaralan din daw ng pulitiko kung may pananagutan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) tungkol sa isyu.



Bukod kay Rep. Abante, sumali na rin sa isyu si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel at binalaan naman ang mga scriptwriters, producers, at iba pa na may kinalaman sa paggawa ng pelikula at TV shows na maging maingat sa mga eksenang makakasakit ng damdamin at kultura. Hindi na raw dapat maulit ang ganitong eksena sa ibang pelikula, ayon sa Senador. Ang naturang eksena ay nagpapahiwatig daw na ang hindi marunong mag-Tagalog ay hindi maituturing na Pinoy.



Binagsakan din ng sisi ni Senador Pimentel ang MTRCB na dapat daw ay sinala muna nila ang SSS bago inaprubahan. Pero sa huli, wala namang balak si Pimentel na kasuhan ang producer ng pelikula.



Sinubukan naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na kunin ang pahayag ng kampo ng Star Cinema tungkol dito. Isang mapagkakatiwalaang source ang nakausap namin at nagpahayag na ayaw na raw patulan ng Star Cinema ang isyu.



Dagdag pa ng aming source, mamarapatin na lamang nila ang manahimik para huwag nang lumaki ang gulo. In the first place, tanggapin man o hindi ng mga pulitikong bumabatikos sa eksena sa SSS tungkol sa mga Bisaya, hindi pa rin maitatanggi na nangyayari talaga ito sa tunay na buhay.



‘Tulad ng Star Cinema, mas pinili rin ni Direk Joey na huwag nang magbigay ng pahayag sa reaksiyon ng dalawang pulitiko.