"Ang tanong, gusto ba ni Regine? Hindi ako dapat ang tinatanong diyan, kasi gusto ko na rin. Kaso, hindi naman ako ang mabubuntis. Alam na rin natin ang rason, kaya we might as well wait na lang kung ano ang nakalaan sa amin ni Reg," says Ogie Alcasid about possibility of parenthood with girlfriend Regine Velasquez (inset).

Photo: Noel Orsal


Pagod si Ogie Alcasid nang dalawin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Bubble Gang sa Filmex Studios sa Makati City dahil kagagaling lang nila ng kanyang kasintahan na si Regine Velasquez sa Hong Kong. Nag-show sila para sa ilang Overseas Filipino Workers doon, na ginanap sa Chater Road. More than 6,000 OFWs daw ang nanood sa nabanggit na show nila.



"Tuwang-tuwa sa amin ang mga Pinoy OFW!" bulalas ni Ogie. "Ang tingin nila sa amin [ni Regine], parang loveteam. Ayaw pa nga kaming pauwiin after the show. We really took time out to be with them. Kasi first time namin ni Regine together doon na nag-show."



Naitanong uli namin kay Ogie ang update ng patutunguhan ng relasyon nila ni Regine.



"Legal advice lang sa amin, it won't help if we'd talk about it," sabi ni Ogie. "Ganoon pa rin naman. Hindi pa ayos ang ilang legal matters. It's much better not to talk."



Pero marami ang parang nag-aalala sa kanila ni Regine. Unang-una, Regine is not getting any younger. Ang gusto ng marami, magkaroon na sila ng anak.



"Ay, gusto ko 'yan!" natatawang bulalas ni Ogie. "Ang tanong, gusto ba ni Regine? Hindi ako dapat ang tinatanong diyan, kasi gusto ko na rin. Kaso, hindi naman ako ang mabubuntis. Alam na rin natin ang rason, kaya we might as well wait na lang kung ano ang nakalaan sa amin ni Reg."



Naniniwala rin si Ogie na ang ganitong bagay ay hindi minamadali, kahit nga sinasabing sa punto ng biological clock ay may hinahabol si Regine.



PINOY IDOL JUDGE. Tiyak na rin daw ang pagiging isa sa mga official judges ni Ogie sa Pinoy Idol, na ang franchise ay ipinagkaloob na ng Fremantle Media sa GMA-7 pagkatapos ng ABC-5.



"Malaking karangalan kasi para sa akin na ako ang napili," sambit ng singer-comedian. "Alam natin ang international scope ng American Idol, so ito yung local counterpart. Nakatatakot lang kasi, wala sa culture natin yung tatanggap ng direktang criticisms. Ayoko ring makasakit ng kapwa, kaya hangga't maaari, aayusin ko rin ang judgment na ibibigay ko sa contetstants, if ever.



"But I'm looking forward to it," patuloy niya. "Lilibot nga raw kami sa iba't ibang regions sa Pilipinas for actual auditions, at kami mismo ang mamimili ng puwedeng maging finalists."



May schedule na nga raw at sa February ay mag-uumpisa na ang kick-off ng Pinoy Idol, na napag-alaman naming ihu-host ni Raymond Gutierrez. Hindi pa definite kung sino ang dalawang makakasama ni Ogie bilang jurors.



Natural, lalabas na he's taking the place of Ryan Cayabyab, na siya namang bagong Headmaster para sa Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN. Si Ryan Cayabyab at sina Pilita Corrales at Francis Magalona ang naging judges noon sa Philippine Idol na ipinalabas sa ABC-5.



"Challenge din sa akin," sabi ni Ogie tungkol sa pag-upo niya bilang isa mga judges. "I'm flattered para mapili ako as one of the judges. Ibig sabihin, I have the authority to pick the right ones.



"Pero iba yung level ng Ryan Cayabyab. Ryan is Ryan, kumbaga. Naroon na siya, and just to do something na unang task na naibigay sa kanya sa Philippine Idol noon, all I can say is I'm really flattered."