"Masakit na dinouble dead ako sa kuwento, pero yun siguro ang tingin ng ABS management na magandang mangyari sa akin. Inuulit ko po, hindi po ako, not even Juday, chose the ending of Ysabella. That was how management regards our team-up siguro," says Ryan Agoncillo about the fate of his character in Ysabella, his soap opera with real-life girlfriend Judy Ann Santos.

Photo: Noel Orsal


Ayaw ni Ryan Agoncillo na sa pag-uwi nila ng kanyang girlfriend na si Judy Ann Santos sa January 24 mula sa U.S. premiere ng Sakal, Sakali, Saklolo (SSS) ay galit ang isasalubong sa kanya ng fans sa pag-aakalang pinili niyang mamatay sa ending ng Ysabella.



Nakarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang reklamo at pag-iingay ng fans, dahil twice namatay ang character ni Ryan sa teleserye. Inisa-isa rin nila ang last scenes ng teleserye, kung saan ang last frame ay sina Judy Ann at Derek Ramsey. Nagmukha raw promo ‘yon sa bagong soap nila na Habang May Buhay.



Si Ryan ang sinisisi sa naging ending ng kanyang character at ‘yon daw ang pinili niya, pero wala rin itong choice at in-inform lang sila kung ano ang magiging ending ng Ysabella.



Si Ryan din daw ang may gusto na last TV show na nila together ni Juday ang Ysabella at last movie na nila ang SSS. Nalaman naman ng PEP na walang new movie project na offer kina Ryan at Judy Ann ang Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN, kaya gagawin na nila ang pelikula sa Regal Entertainment at tatangapin ang offer ng OctoArts Films.



Wala ring project ang ABS-CBN kina Ryan at Judy Ann dahil paghihiwalayin nga sila pansamanatala. Si Judy Ann ay ipapareha kay Derek at si Ryan ay sa ibang contract star ng ABS-CBN itatambal.



Para mas maiparating sa fans ang gustong ipahayag, nagpatulong ang PEP kay Noel Ferrer, manager ni Ryan, na masagot ang reklamo ng fans. Ito ang pahayag ng TV host-actor:



"Hindi kami ang namili ng ending ng Ysabella. Ako pa ba ang tatangging magkatuluyan kami ni Juday sa kuwento? Imposible ‘yon! Preset na ang ending nung iprinesent sa amin. Masakit na dinouble dead ako sa kuwento, pero yun siguro ang tingin ng ABS management na magandang mangyari sa akin. Inuulit ko po, hindi po ako, not even Juday, chose the ending of Ysabella. That was how management regards our team-up siguro."



Sinagot din ni Ryan ang isyung ayaw na nilang magtrabahong magkasama ni Judy Ann, kaya wala silang naka-line up na projects.



Ayon kay Ryan, "It's not true that we don't want to work together anymore. We still have film commitments with Regal and OctoArts together. Funny, but after the successful SSS and Ysabella, ang ABS ang may planong paghiwalayin kami ng soap opera. To think na unlike Sa Piling Mo with Juday and Piolo [Pascual] and the new soap with Derek and Juday, wala pa kaming soap na kami talaga ni Juday ang tinatayaan. Not Krystala, dahil tatlo kaming ipinackage na leading men nina TJ [Trinidad] at Sid [Lucero]. And not Ysabella, which was sold as a Juday starrer with a triangle. In fairness to me, kailan kaya ako tatayaan ng ABS at magiging priority like other stars na sunud-sunod at maraming projects sa kanila?"



Pagdating ni Ryan mula sa Amerika, baka makakuha pa ng dagdag na sound bytes ang PEP sa isyung ito. Pero dahil talented at maraming options, hindi mawawala sa eksena ang TV host-actor. Sa ABS-CBN, may Pinoy Dream Academy siya, kaya lang ay sa June pa raw ito eere at magiging back-to-back ng Pinoy Big Brother Teen Edition 2.



Hindi rin alam ng PEP kung ano ang gagawin ni Ryan sa months na wala siyang ginagawa at medyo matagal ‘yon. Mabuti na lang daw at may mga pelikula silang gagawin ni Judy Ann.