Child actor Jairus Aquino gets his biggest break to date as he leads the young cast of ABS-CBN's new action-adventure series, Kung Fu Kids.

Photo: Noel Orsal


Halatang isa sa mga paborito ngayon ng ABS-CBN ang child actor na si Jairus Aquino dahil hindi siya nawawalan ng proyekto sa Kapamilya network. Pagkatapos siyang mapanood sa Lastikman, kung saan gumanap siya bilang batang Vhong Navarro, heto't muli siyang mapapanood sa Kung Fu Kids.

 

Kasama ni Jairus sa Kung Fu Kids sina Paul Salas, Kristoffer Dangculus, Joshua Dionisio, Jane Oneiza, Joseph Andrei Garcia, at Eliza Pineda. Ginagampanan dito ni Jairus ang role bilang si Lembot.

 

"Hikain po akong bata dito sa Kung Fu Kids. Kaya po Lembot ang name ko ay dahil lalambot-lambot po ako. Kaibigan ko po rito si Chubby [Joseph Andrei], pero sidekick ko rin po siya," kuwento ni Jairus sa kanyang role sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Kung Fu Kids na ginanap sa Studio 1 ng ABS-CBN kahapon, January 22.

 

Pinaghandaan daw nina Jairus ang kanilang roles sa Kung Fu Kids.

 

"Nag-aral po kaming lahat ng basic Kung Fu," sambit ng child actor.

 

Eight years old pa lang si Jairus pero may crush na siya—ang kasamahan niya sa Kung Fu Kids na si Jane.

 

"Mabait po kasi si Jane at maganda pa. Sa Kung Fu Kids po, type ko po siya pero ang type naman po niya ay si Uragon [Paul]," sambit ni Jairus.

 

Nagseselos din daw si Jairus kapag nakikita niyang magkasama sina Paul at Jane.

 

May mga nagsasabi na mas sikat na ngayon si Jairus kesa sa kaibigan niyang si Makisig Morales, na nakasama niya noon sa Super Inggo, kung saan nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Mas marami raw kasing project si Jairus kesa kay Makisig. Katatapos nga lang ding mapanood sa pelikula ni Sen. Bong Revilla na Resiklo si Jairus.

 

"Hindi po totoong mas sikat na ako kesa kay Makisig. Pareho lang po kaming sikat," napaka-inosenteng pahayag ni Jairus.

 

Sa ngayon ay may sariling kotse na si Jairus, isang Toyota LT. Nakuha niya raw ang ipinambili niya rito mula sa kinita niya sa Lastikman.

 

"Dati po kapag may lakad ako, yung kotse ng daddy ko ang ginagamit namin. Pero ngayon po nakabili na ako ng sarili kong kotse. Pero second-hand lang po yun," kuwento ni Jairus.