"I don't want to be his wife. Gusto ko nang tapusin ang kaugnayan ko sa kanya, kaya pursigido akong ipa-annul ang aming kasal," says Snooky Serna about estranged husband Niño Mendoza, whom she married after her union with Ricardo Cepeda ended.

Photo: Edward dela Cuesta


Totoo pala ang balita na nagiging favorite tambayan na ni Snooky Serna ang Music 21 Plaza sa Timog Ave., Quezon City, at doon nga siya natiyempuhan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, January 28.



May mga bagong isyu na naman kay Snooky, gaya ng nakita raw sila ng ina niyang si Mila Ocampo na nagka-casino.



"That's not true," tanggi agad ng aktres. "May nakakita sa amin sa Hotel Sofitel at nakunan nga kami ng pictures ni Mommy, pero wala kami sa loob ng casino. It was the cafe inside Hotel Sofitel, at napadaan kami doon dahil mayroon kaming kausap na alahera, at ang napagkasunduan, doon nga magkikita.



"So my Mom and I just went there to have a drink. Nagulat na lang kami nang lumabas ang isyung nagka-casino pa raw kaming mag-ina. Akala nga raw ng mga tao ay naghihirap na kami, nagpe-pedicab, and all that... Pero swear to God, kapatid, hindi kami nagpunta sa Sofitel para mag-casino o mag-gambling. Ni hindi kami pumasok sa casino," tuloy-tuloy na paliwanag ni Snooky.



Nakilala raw kasi ang ina ni Snooky noon pa bilang gambler. Ito raw ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkandahirap-hirap sila at nagipit nang husto.



"Hindi naman ikinaila ng Mommy ko 'yan, pero matagal na siyang hindi nagka-casino. Wala na nga kaming kapera-pera, magsusugal pa siya? Aaminin ko na ang isa sa diversion ng Mommy ko ngayon ang magpunta sa Market! Market! at mag-bingo. Magkano lang ba ang itinataya doon? After a few rounds, umuuwi na si Mommy.



"Wala na kaming pera para maglustay pa sa sugal. It's more of paglilibang na lang, na parang nanood siya ng sine. Ganoon," paliwanag ulit ng dating child actress.

 

NEW GMA-7 PROJECT. Unti-unti na ring nakababangon si Snooky dahil sa magandang ipinamalas niya sa taping ng La Vendetta. Zero absence, zero late daw sa taping ng nabanggit na teleserye si Snooky hanggang sa huling araw.



"Malaki ang utang na loob ko sa GMA-7," sambit ni Snooky. "They gave me a new lease in life, kung tutuusin. In fact, kinausap na ako ni Ma'am Wilma [Galvante, SVP for Entertainment TV] that I'm included na in a new soap na mag-uumpisa ang taping this February.



"Sinabi sa akin ng GMA executives, malaki raw ang role ko sa Kaputol ng Isang Awit as the mom of Glaiza de Castro and Lovi Poe. Halos from start to finish, nandodoon daw ako, and they want to be assured that I will be fully cooperating.



"Pinaghahandaan ko ngayon pa lang ang role. Talagang salamat sa tiwala. They congratulated me for the good behavior I've shown and the professionalism I displayed while doing La Vendetta," patuloy ng aktres.



CHANGING RELIGION. Meanwhile, nagpa-convert na si Snooky from being a Roman Catholic to Iglesia ni Cristo (INC). Marami raw siyang realizations lately that made her decide to join INC.



Aniya, "Kanya-kanya naman kasing paniniwala 'yan, and I'm speaking for myself. Mas gusto ko na talaga yung discipline na itinuturo sa INC.



"It's difficult to tackle religion in public. Laging pinagmumulan 'yan ng debate. Basta ang masasabi ko lang, mas peaceful, mas maayos ang buhay ko ngayon. Nasa akin naman talaga 'yon, at hindi dahil lang sa religion. But I must say, nakatulong talaga sa akin ang pagiging part ng Iglesia ni Cristo."



ANNULMENT CASE. Napag-alaman naming all-out ang support ng INC sa pagpa-file ng annulment case ni Snooky laban sa huli nitong pinakasalan, ang musikero na si Niño Mendoza.



"Nasa Quezon City Regional Trial Court na ang case, at tinutulungan ako financially and legally ng INC. Inilapit ko kasi sa kanila ang tungkol sa problema kong ito, at alam nila ang gusto kong ipaglaban," sabi ng aktres.



Napag-alaman namin na ang isa sa ibinigay na dahilan ni Snooky para mapawalang-bisa na ang kasal nila ni Niño ay ang pagiging battered wife diumano nito noong nagsasama pa sila.



"Nakasampa na ang kaso, at totoong isa 'yon sa mga dahilan," lahad niya. "Pero bahala na ang korte doon. Basta paninindigan ko ang statements ko dahil yun naman ang totoo.



"Tumatawag-tawag pa rin si Niño sa akin, expressing how much he loves me raw. At ipaglalaban daw niya para hindi mapawalang bisa ang kasal namin. But I made up my mind. I don't want to be his wife. Gusto ko nang tapusin ang kugnayan ko sa kanya, kaya pursigido akong ipa-annul ang aming kasal," mariing sabi ni Snooky.