Young actress Glaiza de Castro gets her biggest break so far as she recreates Sharon Cuneta's role in the TV remake of Kaputol ng Isang Awit.

Photo: Noel Orsal


Sine Novela na rin ng GMA-7 ang hit movie noon na Kaputol ng Isang Awit, na pinagbidahan nina Sharon Cuneta at Gary Valenciano. Sa katunayan, ipinalalabas na ngayon ang teaser ng susunod na afternoon soap opera ng Kapuso network.

 

Napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na ang magiging bida rito ay ang young actress na si Glaiza de Castro. Siya ang gaganap sa role na unang ginampanan ni Sharon, kaya masasabing ito ang biggest break ng young actress magmula nang lumipat siya sa Kapuso network.

 

Mukha namang bagay kay Glaiza ang role dahil required na marunong kumanta ang gaganap.

 

Si Glaiza na nga ang bagong ibini-buildup ng GMA-7 bilang Drama Princess pagkatapos nina Yasmien Kurdi at Nadine Samonte. Kapag nag-click sa mga manonood ang Kaputol ng Isang Awit, tiyak na magkakasunud-sunod ang projects niya at gaya nina Yasmien at Nadine ay posible rin siyang mabigyan ng break sa primetime.

 

Makakasama ni Glaiza sa Kaputol ng Isang Awit si Lovi Poe, na gaganap na kapatid ni Glaiza. Originally ay si Gary ang gumanap sa naturang role, pero napagdesisyon ng GMA-7 na gawing babae ang naturang character para mas magkaroon ng conflict.

 

Kundi walang magiging pagbabago hanggang sa start ng taping, si Marky Cielo uli ang makakapareha ni Glaiza. Nagkasama na sila noon sa Fantastic Kids, Asian Treasures, at Boys Nxt Door.



Maganda sana kung natuloy si Hero Angeles sa project na ito para ibang pareha naman ang napapanood ng tao. Kaya lang, may naging problema na naman yata sa negotiation ng kampo ng young actor sa GMA-7 kaya hindi siya natuloy.



Si Jolo Revilla naman ang love interest ni Lovi. First time nilang magsasama sa isang regular TV show at dahil nagkakaligawan in real life, hindi na mahihirapan ang direktor na paartehin sila sa mga kilig scenes.



Bago magtapos ang February ang simula ng taping ng Kaputol ng Isang Awit at ito ang papalit sa My Only Love nina Rhian Ramos at Mark Herras.