"Medyo nape-pressure ako. It's a make-or-break for me. Ayoko naman pong ma-disappoint ang GMA-7. At siyempre po, ganoon din sa mga fans ni Ms. Sharon," admits Glaiza de Castro after taking the lead role in the TV remake of Sharon Cuneta's Kaputol ng Isang Awit.

Photo: Noel Orsal


Sa February 13 na ang target date ng first taping day ng papalit sa afternoon series na My Only Love, ang Kaputol ng Isang Awit. Another Sharon Cuneta movie na gagawan ng TV remake, bida rito ang young actress na si Glaiza de Castro.



Sa pakikipag-usap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Glaiza sa telepono kahapon, February 8, sinabi ng young actress na may babaguhin sa orihinal na story ng Kaputol ng Isang Awit sa TV remake nito. Pero minabuti na lang ng PEP na huwag na itong isulat dahil baka ma-preempt ang magiging takbo ng kuwento.



Ayon kay Glaiza, hindi siya makapaniwala sa bagong project na ibinigay sa kanya ng GMA-7 at sa pagkakataong magampanan niya ang karakter na unang ginampanan ng Megastar.



"Nakakapanibago pong talaga kapag sinasabi po ng mga tao na, 'Ikaw si Sharon Cuneta,'" excited na sabi ni Glaiza. "Noong una nga po nilang sinasabi sa akin na may gagawin daw akong Sine Novela, sabi ko, ‘Sino, ako?' Tapos sabi nila, 'Ikaw si Sharon.' Talagang ako, ‘Ha?' Ayoko pa rin pong maniwala noon. Ayoko pa rin pong mag-expect hangga't hindi yung production mismo ang nagsasabi sa akin."



Nilinaw ni Glaiza na dalawa sila ni Lovi Poe ang mga bida sa Kaputol ng Isang Awit. Pero si Lovi yung may pagka-antagonist ang magiging role.

 

SHARONIAN. Aminado si Glaiza na hindi pa niya napapanood ang Kaputol ng Isang Awit dahil kakabigay lang sa kanya ng kopya nito. Pero ever since ay tagahanga na siya ng Megastar.



"Opo naman, fan po ako talaga ni Ms. Sharon Cuneta!" bulalas niya. "Kaya lang po, sa mga movies niya, karamihan lang po ng napanood ko yung '90s na po. Pinaka-favorite ko po sa lahat yung Madrasta. Siguro po sa ‘80s movies naman po niya, yung Dear Heart pa lang ang napanood ko."

 

Ang Dear Heart ang kauna-unahang pelikula ni Sharon.



Kuwento pa ni Glaiza, may sister daw siyang ang tawag nila dati pa ay Sharon. "Yung sister ko po, yun pong panganay namin, kahit dati pa po, ang tawag po namin sa kanya Sharon talaga. Kasi po, kamukha niya po. Noong malaman nga po niya na gagawin ko yung Kaputol, siya talaga yung nagsabi na dapat daw po, galingan kong talaga."



MAKE OR BREAK. Late last year ay pumirma na ng exclusive contract si Glaiza sa Kapuso network, although ang tumatayong manager pa rin niya ngayon ay si Manny Valera. Sa pagpirma ba niya ng exclusive contract ay ine-expect niya ang pagkakaroon ng project gaya ng Kaputol ng Isang Awit?



"Nag-e-expect po ako ng project, pero hindi ko po iniisip na ganito kalaki," sabi ni Glaiza. "Gusto ko nga po sanang dumating, primetime [show], pero hindi ko po inaasahan na ito pala, 'tapos bida pa po.

 

"Pero siyempre po, medyo nape-pressure ako. It's a make-or-break for me. Ayoko naman pong ma-disappoint ang GMA-7. At siyempre po, ganoon din sa mga fans ni Ms. Sharon."



Para kay Glaiza ang opportunity na ito ang maituturing na raw niyang pinakamalaking break sa showbiz career niya.



"Yung ipo-portray mo ang character ni Sharon Cuneta, parang napakalaking achievement na po. Sobrang overwhelming po ang feeling. Flattered po akong talaga," sabi ni Glaiza na hindi maitago ang katuwaan sa kanyang boses.

 

TV RATINGS. Aware si Glaiza na hindi lang ratings ng primetime shows ang palaging inaabangan. Alam daw niya na pareho lang din kahit afternoon shows pa ang ginagawa nila.



Bagama't sa March pa eere ang Kaputol ng Isang Awit, ayaw ni Glaiza na magpa-pressure pagdating sa rating.



Aniya, "Personally po, sa akin po talaga, ang priority ko pong talaga ay magawan ko ng justice ang role ko. Kapag kasi nagawan mo ng justice ang role mo, at binalikan mo siyang panoorin kahit tapos na, kahit sabihin pa na hindi ito nag-hit, masarap po ang pakiramdam.



"Tulad na lang po sa Still Life [indie film na pinagbidahan niya last year], kahit hindi siya ipinalabas sa mainstream at konting sinehan lang po ang napaglabasan, masasabi ko pong sobrang proud po ako sa ginawa ko dun.



"Siyempre po sa rating... Pero siyempre po, sino lang po ba naman ako? Sana lang po, ma-curious ang mga tao at subaybayan po nila," pahabol niya.



SECOND CHOICE. May mga lumalabas na balita na bago raw napunta kay Glaiza ang role sa Kaputol ng Isang Awit, kay Jolina Magdangal muna raw ito unang inalok. Ano ang masasabi ni Glaiza rito?



"Actually, kahapon ko lang po nakita yung write-up," sabi ng young actress. "Hindi ko po talaga alam na sa kanya pala unang in-offer. Pero may nagsabi rin po sa akin na pinapili po yata siya [Jolina] kung ano ang gusto niyang gawin. Kung yung Pinoy Idol po or yung Kaputol nga po.



"Pero siyempre po, gusto ko pong linawin na wala naman pong sulutan. At saka, hindi naman po kami ganoon kalakas," paglilinaw ni Glaiza.



Lalong wala rin daw problema sa kanya kahit hindi siya ang sinasabing original choice.



"Wala pong problema sa akin ‘yon. Ako po kasi, basta po trabaho, okay sa akin," sambit ng dalaga.

 

Bukod kina Glaiza at Lovi, kasama rin sa Kaputol ng Isang Awit sina Marky Cielo at Jolo Revilla.