Isa si Ian Veneracion sa mga artistang puwedeng magpalipat-lipat ng TV network. Kapag tapos na siya sa isang soap drama sa isang TV network, puwede na siyang magtrabaho sa kabila.
Katatapos lang ni Ian sa kanyang role sa Lastikman ng ABS-CBN kaya ngayon ay nasa GMA-7 na siya bilang kontrabida naman kay Robin Padilla sa Joaquin Bordado. Huling napanood sa Siete si Ian sa soap drama na Mga Mata ni Anghelita.
PLAYING BADDIE FOR BINOE. For the first time nga raw ay isang kontrabida ang role niya sa Joaquin Bordado. Ian plays Jerome, ang kapatid na may malaking inggit kay Joaquin (Robin Padilla).
Natutuwa si Ian dahil for the first time ay nakatrabaho na niya si Binoe. Never pa raw kasi silang nagkasama noon sa pelikula dahil magkaiba ang film productions kung saan sila nakakontrata.
"Noong active pa ang mga producer na gumawa ng action movies, halos nagkasabay kami ni Binoe sa paggawa ng mga big-budgeted action movies," pag-alala ni Ian.
"Binoe kasi was under Viva Films at ako naman, I was doing movies for Seiko Films, ‘tapos napunta ako sa OctoArts Films. Kumpara naman sa mga pelikulang ginagawa ko, mas malalaki ang mga pelikula ni Binoe. ‘Tsaka mas matindi ang action scenes niya. Plus, mas magaganda at mas sexy ang leading ladies niya!" sabay tawa ni Ian.
Nagbida si Ian sa mga action films na Alyas Baby Face, Kanto Boy 2, Ben Balasador, Bastardo, Kapag Nasukol ang Asong Ulol, Totoy Hitman, Guevarra: Sa Batas Ko Walang Hari, at Armadong Hudas.
Big honor ngayon kay Ian ang makasama si Binoe sa isang TV show. Yung hindi nga nagawa noon ng producers nila na mapagsama sila ay nagawa naman ngayon ng GMA-7.
"Before kasi, hindi naman kami puwedeng mapagsama sa isang movie. Pareho kasi kaming nagbibida ni Binoe noon. Ngayon, Binoe is still on top kaya okay lang na sumuporta naman ako sa kanya.
"The role that GMA-7
gave me is very challenging. Ngayon lang ako gumanap as a scheming kontrabida. Karibal
ko si Binoe rito kay Iza Calzado. May malalim na istorya ang character ko
na makikita rin nila sa mga future episode ng Joaquin Bordado," pahayag ni Ian.
NETWORK WAR IMMUNITY. Hindi apektado ang tulad ni Ian sa network war. Nagagawa niyang magpalipat-lipat ng TV network nang walang pumipigil o nagbabawal sa kanya.
"Okay lang naman kasi hindi naman tayo exclusive sa kahit anong network. ‘Tsaka, yung stature natin, hindi tulad ng kay Robin Padilla na pinag-aagawan talaga," ngiti niya.
"Kaya okay lang na magpalipat-lipat kami. Trabaho naman ang hanap namin. As long as may offer ako at okay naman, walang problema. Basta hindi lang nagsasabay. I have to finish one show bago ako magsimula sa isa pa. Para fair at mai-render ko naman ang services ko sa iba."
