Sanay nang humarap at mag-perform sa maraming tao si Geoff Taylor, produkto ng Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN 2 dahil marami na siyang concert na nasalihan.
Di katulad noong hindi pa niya naranasang maging contestant sa PDA
ay sobrang kinakabahan siya kapag nasa stage na at kumakanta.
"Hindi ko po talaga kaya noon na humarap sa maraming tao. Every time na nagpi-perform ako sa school namin, nanginginig ako," sabi ni Geoff sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kagabi, sa mini-presscon ng upcoming concert niya na Feel-Ahh na gaganapin sa Pila Covered Court on March 14.
Special guest niya rito si Chx Alcala at ang baguhang aktor at commercial model na si Rodney Pablo.
Dagdag pang kuwento ni Geoff, "Actually ang kinakanta ko noong high school pa lang ako ay rap. ‘Pag rap kasi, ‘pag kumanta ka, magalaw ‘yan, e. So, hindi halata ang nginig ng kamay. ‘Pag pinakanta na ako ng love songs, nakikita yung kamay ko na nanginginig. Pero ngayon, hindi na ako gano'n. Wala nang nerbiyos every time na nagpi-perform ako sa stage."
PAINFUL FIRST LOVE. Sa ngayon ay loveless si Geoff. Pero nagkaroon na rin naman siya ng girlfriend na umabot na sa pito. Una niyang sinubukang makipagrelasyon noong nasa high school pa lang siya. At hinding-hindi niya makakalimutan ang unang karanasan sa pag-ibig, dahil naging masaklap ito.
"Yung naging girlfriend ko nung high school, hindi ko siya nahahalikan, hindi ko siya nayayakap, at kahit hawak lang sa kamay, ayaw niya.
"Nung nasa college na kami, magkaiba kami ng school. Every Saturday na lang kami nagkikita after ng classes namin. ‘Tapos may nagkuwento sa akin na nabuntis siya ng iba. Isipin ninyo, 'pag kami ang magkasama, pa-Maria Clara-effect pa siya sa akin, yun pala mabubuntis siya ng iba? Sobrang sakit talaga ng ginawa niya sa akin. Two months kong iniyakan yun," pag-alaaala pa ni Geoff.
Pagkatapos maloko sa pag-ibig, naging playboy na si Geoff.
"Kung kani-kanino na ako nakipagrelasyon na parang gusto ko lang gumanti
kasi galit ako sa naging girlfriend ko. Pero ngayon, nagbago na ako. Hindi na
ako gano'n. Kaya nga wala akong girlfriend ngayon."
"GAY EXPERIENCE." Ang kaibigan at naging kasamahan ni Geoff sa PDA na si Jay-R Siaboc ay umamin na naranasan na niyang matikman ng isang bading noong nasa probinsiya pa siya. Guwapo si Geoff at mestizo pa, kaya hindi kataka-takang maraming bading ang nag-iilusyon sa kanya.
May bading na rin kayang nakatikim kay Geoff?
"Sa totoo lang po, wala pa," sagot niya.
"Kahit mamatay man ako ngayon, wala pa po talaga akong nasamahang bading. Kung may bading man na magsasabi na may nangyari sa amin o naging kami, humarap siya sa akin para malaman namin kung sino ang nagsasabi ng totoo. Handa kong patunayan sa kanya na walang katotohanan ang sinasabi niya."
Aminado naman si Geoff na may bading nang nag-offer sa kanya ng material na bagay may mangyari lang sa kanila.
"Teacher ko po siya. Ang offer niya sa akin ay isang scooter, pero hindi ako pumayag."