Pagkatapos ng isang linggong pagkawala ay nagbalik na sa Sunday musical variety show ng GMA-7 na SOP si Regine Velasquez kanina, March 2. Nagbigay rin ng kanyang statement ang Asia's Songbird sa programa kung saan sinabi niyang mananatili siyang Kapuso.
Matatandaang sa live presentation ng SOP noong February 17 ay nag-iyakan si Regine at ilan sa mga kasamahan niya sa naturang musical variety show. Hindi man binanggit sa programa mismo kung ano ang dahilan ng kanilang pag-iyak, nahulaan ng marami na nagpaalam na ang singer-actress sa SOP at sa GMA-7. (Click here for the article about Regine's farewell on SOP.)
THE BUZZ INTERVIEW. Kinumpirma ito ni Regine mismo nang mag-guest siya nang live sa The Buzz ng ABS-CBN noong sumunod na Linggo, February 24. Hindi na siya sumipot sa live presentation ng SOP. (Click here for Regine's The Buzz interview.)
Pero taliwas sa inaasahan ng marami na tuluyan na ngang magiging Kapamilya si Regine, sinabi ng Asia's Songbird sa interview sa kanya ni Boy Abunda na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung lilipat nga ba siya o hindi ng TV network.
Ikinuwento ni Regine na nang minsang mag-guest siya sa Sharon ay nabanggit niya na interesado siyang gawin ang Betty Le Fea. At nang ialok na sa kanya ang naturang role ay tinanggap niya ito. Ito ang dahilan kung bakit nagpaalam si Regine sa GMA-7.
Pero inamin ni Regine na sumama ang loob niya sa lumabas na balita na idine-deny ng ABS-CBN na in-offer sa kanya ang lead role sa Pinoy version ng Colombian telenovela na Betty La Fea.
Itinanggi rin ni Regine na may P25 million offer sa kanya ang ABS-CBN.
Bagama't interesado pa rin si Regine na gawin ang Betty La Fea, ipinalagay niya na hindi na interesado ang ABS-CBN na kunin siya dahil sa pagde-deny ng isang executive diumano ng Kapamilya network na may offer sa kanya.
Pagkatapos ng interview ni Regine sa The Buzz ay iba't ibang reaksiyon ang narinig mula sa entertainment press at sa mga manonood. May mga nagsasabi na namamangka sa dalawang ilog si Regine at ginagamit lang daw niya ang ABS-CBN para magpapresyo ng malaki sa GMA-7. Pero meron din namang nagsasabi na mas mabuting manatili na lang sa GMA-7 sa Regine pagkatapos siyang i-deny ng ABS-CBN.
REGINE'S STATEMENT. Sa kabila ng mga reaksiyong ito ay nanatiling tahimik si Regine. Hanggang sa nagpahayag siya kanina sa SOP at sinagot ang katanungan ng lahat: Lilipat nga ba siya o hindi?
Si Regine ang nagbukas ng SOP kanina sa pagkanta ng "This Is My Now." Bago magsimula ang segment na "Constellation of Stars" ay humarap sa gitna ng entablado ang Asia's Songbird upang ihayag ang kanyang tunay na saloobin sa mga kontrobersiyang kinasuungan niya nitong mga nakaraang linggo.
Narito ang kumpletong pahayag ni Regine sa SOP:
"I am standing before all of you now para sa akin ninyo po marinig mismo ang tunay na nararamdaman ko sa nakaraang linggo po. Marami po ang nagtanong sa inyo kung bakit kami nag-iyakan a few weeks back dito sa SOP.
"It's true that I wanted to say goodbye to SOP, sa mga hindi lang katrabaho kundi sa mga itinuturing ko pong malapit na kaibigan at mahalaga po sa puso ko. Naiyak po ako noon dahil pagkatapos ng maraming taon na pagsasama namin, nahihirapan po akong magpaalam sa kanila.
"Why did I want to say goodbye? Well, because I wanted to try other venues as a performer. It so happened na yun pong gusto kong gawin na project ay nandun po sa kabilang istasyon [ABS-CBN]. It's not that I'm not happy here in GMA. Hindi po ‘yon ang rason.





