Yasmien Kurdi feels the pressure in doing the TV adaptations of Kris Aquino's Tasya Fantasya and Sharon Cuneta's Babangon Ako't Dudurugin Kita. "Ang hirap sa remake, pressure siya kasi laging iko-compare sa original," says Yasmien.

Photo: Noel Orsal

"First time akong mag-a-announce na tuloy po ang Tasya Fantasya, first Sunday ng April," sagot ni Yasmien Kurdi nang tanungin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa kanyang mga upcoming projects.

Excited ang young actress na ibalitang gagampanan niya ang naging role ni Kris Aquino sa 1994 movie na Tasya Fantasya. "Sobrang excited ako kasi iba ang role ko dito, sobrang comedy," paglalarawan ni Yasmien nang makausap siya ng PEP sa The Launch ng Tree House Production, isang cause-oriented event ng mga banda na pinangungunahan ng Hale.

Sa katunayan, nakausap na rin daw ni Yasmien si Kris ukol dito. Kuwento niya, "Dati po pelikula ito ni Ms. Kris Aquino. I told her na ire-remake ko nga yung Tasya Fantasya. Sobrang tuwa siya, ganyan, ‘Talaga? Ire-remake mo yung Tasya?' Sabi niya, ‘O, sige, galingan n'yo na lang.' Kasi yung version daw nila, hindi nila trip masyado. So, pressure talaga."

Nagkasama sa pelikulang Happy Together sina Yasmien at Kris.

Bukod sa leading man niyang si Rainier Castillo, hindi pa sigurado si Yasmien kung sinu-sino ang iba nilang makakasama sa Tasya Fantasya. Malalaman daw niya ito sa gaganaping pictorial para sa programa ngayon, March 4.

"I don't know kung same cast pa rin or tatanggalin lahat. Dati kasi si Gladys Reyes, I don't know kung tatanggalin siya kasi buntis siya. Pero hindi ko talaga alam kung ano'ng mangyayari sa pictorial," paliwanag ni Yasmien.

PRIMETIME SOAP. Bukod sa Tasya Fantasya, malugod ding ibinalita ng StarStruck alumna na kasali siya sa papalit na soap opera sa Marimar, ang Babangon Ako't Dudurugin Kita, which will start on March 24.

Dahil sa dalawang remakes ang magiging projects ni Yasmien, nakakaramdam daw siya ng pressure sa pagganap sa kanyang mga role na gagawin.

Para kay Yasmien, "Ang hirap sa remake, pressure siya kasi laging iko-compare sa original. Like sa Babangon Ako't Dudurugin Kita, remake siya na film dati ni Ms. Sharon Cuneta and Christopher de Leon, Bembol Roco, and Hilda Koronel. Ngayon, gagampanan ko yung Salve, ang role ni Ms. Sharon Cuneta. 'Tapos si JC [de Vera] si Bembol Roco; si Marvin Agustin si Christopher de Leon; and Angelika dela Cruz, siya si Hilda. 'Tapos ngayon naman, Tasya Fantasya din. So, yun, medyo pressure lang talaga."

AFTERNOON DRAMA PRINCESS. Dahil sa sunud-sunod na projects niya sa afternoon Dramarama ng GMA-7, binabansagan ngayon si Yasmien bilang Princess of Afternoon Teledrama, kapartner ang sinasabi namang Prince of Afternoon Teledrama na si JC de Vera.

Ano naman ang pakiramdam ni Yasmien nang malaman niyang ganito ang tawag sa kanya.

"Nagulat ako!" sagot ni Yasmien. "Nung sa presscon 'tapos biglang yun nga yung binigay sa aming title. Ako, parang, ano yun, nakakagulat. I mean, hindi ako ganun kasanay na marinig yung ganun na title. Medyo nakakapanibago. Pero ngayon, parang ayos lang kasi parang palagi na kasi. Bahala na sila kung anong tawagin nila."

SINGING CAREER. Sa patuloy pang pag-uusap, nabanggit din ni Yasmien na kagagaling lamang niya kamakailan sa California para sa pagpro-promote ng kanyang second album na Love Is All I Need.

Aniya, "Mayroon akong bagong single, ang ‘Take It or Leave It,' sa second album ko pa rin. May ilalabas pa rin akong mga bagong singles, e, hindi ko lang masyadong [maasikaso] kasi grabe talaga yung schedule."

Naghahanda na rin daw 19-year-old singer-actress sa kanyang magiging third album. Ayon kay Yasmien, nag-iipon pa siya ng kanyang mga komposisyon na maaaring isama sa kanyang gagawing third album.