Malaking tulong sa career ng young actress na si Sheena Halili ang napasama siya sa top-rating series ng GMA-7 na Marimar. Dahil sa nasabing teleserye ay mas lalo siyang napansin at nakilala ng publiko. Gumaganap siya rito bilang Monica, ang best friend ng kontrabidang si Angelika played by Katrina Halili.
"Masaya po ako na naging part ako ng Marimar," ani Sheena sa
panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong March 7 sa
Cheese Cake, Tomas Morato, Quezon City.
"Nung binigay po sa akin yung Marimar, nung tinext ako na, 'Uy
kasama ka sa Marimar,' wala naman sa isip ko na malaki yung role ko. Sabi
ko, 'Baka naman ilang taping days lang ako diyan, wala na naman ako.'
"'Tapos nung nalaman ko pa na si Katrina ang makakasama ko, dun medyo
naging palagay ako. Sabi ko magiging okey yung akting ko. Gamay ko na kasi sa
trabaho si Katrina.
"Kasi ‘pag ibang mga artista ang nakakasama ko, inaamin ko na medyo
nahihirapan akong umarte. Meron kasing ibang mga artista na hindi nagpapahawak,
yung hindi nakikipag-eye-to-eye."
Sabay na pumasok sa showbiz sina Katrina at Sheena. Pareho silang produkto ng first batch ng artista-search noon na StarStruck. Pero mas maraming naging shows si Katrina kesa kay Sheena, kaya naman mas sanay nang umarte si Katrina.
"Si Katrina, tinuturuan niya akong umarte, bilang mas marami nang
experience sa acting kesa sa akin," kuwento pa ni Sheena kung gaano
ka-helpful ang ka-batch niyang si Katrina.
COMPLETELY OVER RAINIER. Sa ngayon ay loveless si Sheena. After her
failed relationship with StarStruck batchmate Rainier Castillo ay hindi
pa ulit siya nakikipagrelasyon. Kumusta na ba sila ni Rainier, may
communication pa rin ba sila ng kanyang ex-boyfriend?
"Honestly, wala kaming communication ni Rainier. Ni hindi kami nagti-text-an sa isa't isa. ‘Pag nagkikita ‘tapos nagha-‘hi!' siya, nagha-‘hi'
rin ako." Civil lang daw sila sa isa't isa. Batian ‘pag binati, dedmahan naman
‘pag dinedma.
Honest din sa pagtatapat ni Sheena na hindi naging maganda ang paghihiwalay
nila ni Rainier.
"Nasaktan kasi talaga ako. Parang hindi ko lang talaga deserve yung
nangyari noon na parang hindi tama. Hindi maganda," may hinanakit pang
nasabi niya.
"Hindi ko na matandaan, basta masakit. Hindi ko lang po siguro alam kung ano talaga yung dahilan kung bakit kami naghiwalay," may kalabuang pagpapaliwanag ni Sheena, as if merong masakit na alaalang ayaw nang balikan.
Si Rainier kasi ang first boyfriend ni Sheena kaya talagang dinamdam nang husto
ng dalagang Kapampangan ang paghihiwalay nila.
"Marami akong pinagdaanan nung kami pa ni Rainier. Maraming may ayaw sa
akin. Pero pinaglaban ko yun dahil mahal ko siya noon. Hindi ko sila
inintindi."
Usap-usapang isa sa dahilan ng hiwalayan nila ni Rainier noon ay dahil against
ang parents niya sa binata. May katotohanan ba ito?
"Naku, hindi po. Yung parents ko, gusto naman po siya para sa akin. Siguro
naman ang magulang kapag may napansin na pangit, aayaw rin naman yan, ‘di ba?
Sinuportahan naman ako ng parents ko noon," tukoy pa ni Sheena tungkol sa
lipas nang relationship niya with Rainier.
Masasabi ba niya na mas malaki ang fault ni Rainier kesa kanya sa hiwalayan
nila?
"Siguro may kasalanan din ako kung bakit ginawa niya yun. Siguro rin
na-realize niya na hindi niya ako talaga mahal. Siguro hindi rin talaga kami
para sa isa't isa."
Kung noon ay talagang mahal ni Sheena si Rainier, ngayon ay walang-wala na raw
talaga siyang nararamdaman sa dating boyfriend.
"Wala na po talaga akong feelings sa kanya," deklara ni Sheena. "Kung mahal ko naman yung isang tao, bakit hahayaan ko pa na hindi ko siya
pansinin? Bakit hindi ko siya lapitan, 'di ba?"
Paano niya ibinaon sa limot ang pag-ibig niya kay Rainier?
"Hinarap ko talaga lahat ng sakit. Iniyak ko lahat. Nung sinabi ko na
'tama na,' tama na talaga.
"Kasi may ibang girls na kapag nakipag-break sa boyfriend nila, para maka-move on, hahanap ng iba. Ako talaga hindi. Kung kelan na lang dumating, okey na yun. At least nakita ko naman na kahit single ako, masaya ako.
"Parang...dumarating naman sa akin yung mga ipinagdarasal ko sa Diyos. May
pamilya naman ako, may career ako ngayon, ‘tapos nakakapag-aral ako noon sa
Angeles University Foundation. Tourism ang kinukuha ko noon. Tumigil lang muna
ako ngayon kasi Sunday na lang ang free day ko. Unlike dati pagkagaling ko ng
taping, tanggal lang ako ng makeup, ‘tapos diretso na ako ng school. Ngayon
hindi ko na talaga maisingit sa schedule ko ang pag-aaral," kuwento pa ni
Sheena kung paanong napalitan naman ng magandang blessings ang pagkawala ng
love life niya.
Dahil nga sinabi ni Sheena na hindi niya na mahal si Rainier, ibig bang sabihin
nito na kahit halimbawang gumawa pa ng move si Rainier na makipagbalikan sa
kanya ay hinding-hindi na talaga niya ito tatanggapin?
"Tinatanong din ng mommy ko ‘yan, e. Ayokong
magsalita nang patapos. Yun ang sinasabi rin ng mommy ko na huwag akong
magsalita ng patapos kasi hindi ko raw alam ang kapalaran ko. Pero dahil tapos
na yung sa amin [ni Rainier], naka-move on ako. Okey na yun, tama na
yun."
NEW LOVE? Nali-link ngayon si Sheena kay Arthur Solinap, ang gumaganap na asawa niya sa Marimar. Pero ayon sa dalaga ay hindi naman daw ito nanliligaw sa kanya.
"Nagsu-sweet-sweet-an lang siya sa akin. Tulad kahapon na may lagnat ako,
binigyan niya ako ng gamot, 'O, uminom ka na ng gamot, yan ang sinasabi ko sa
‘yo', ganyan-ganyan. ‘Tapos sabi niya, 'O, ano ba ang gusto mo?' ‘Tapos binili
niya ako ng salad.
"Pero hindi ko iniisip na seryoso yun, parang barkada lang talaga kami ni
Art, e.
"Sinasabihan ko rin siya na, 'Uy, best friend lang tayo,
ha,' ginagano'n ko siya. Inuunahan ko na, na parang ayoko pang
makipag-boyfriend."
Ano ba ang ideal guy niya, yung tulad ba talaga ni Rainier, na medyo maliit at cute?
"Hindi po, e. Actually, ang gusto ko nga po ay yung matangkad. Yung tall,
dark, and handsome.
"May nanliligaw naman po sa akin na ganun, kaya lang nag-aaral pa siya.
Sabi ko sa kanya, mag-aral na muna siya," pabitin na tapos ni Sheena about
the latest sa kanyang love life. Hindi na lang nagbigay pa ng detalye ang
dalaga tungkol sa non-showbiz suitor niyang ito.
