Suportado ni Ara Mina ang desisyon ng kapatid na si Cristine Reyes na lumipat na rin sa ABS-CBN tulad niya. Bagama't hindi masyadong updated si Ara sa mga ginagawang hakbang ni Cristine sa kanyang career, tiwala naman siya sa kakayahan ng abugado ng kanyang kapatid.
"Sila kasi ng abugado ang nakikipag-meeting," simula ni Ara nang makapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "After matapos nung contract [with GMA-7], kung tapos na ang lahat, babalik na siya sa akin o kung anuman ang plano niya."
SISTER MANAGER. Si Ara kasi ang nagma-manage noon ng career ng kapatid bago ipinaubaya nang tuluyan sa GMA Artist Center.
"Pero kung magre-renew siya [ng contract with GMA-7], parang ako ang magiging co-manager niya ulit," paliwanag pa ni Ara.
Ngunit kinumpirma na ni Ara na hindi na pipirma ulit si Cristine ng kontrata sa GMA Artist Center.
"Oo, kasi parang ano, binigyan ko siya ng freedom. Hindi naman ganun kasi kadali. Ako, matagal kong pinag-isipan bago ko iniwan ang Bubble Gang. At saka nag-usap din kami ng manager ko. Hinahayaan niya akong mag-decide kung saan ako happy para in the end, hindi ko siya sisisihin, ‘di ba?
"Ganun din kay Cristine. Hinahayaan ko siyang mag-decide. ‘Take your time mag-decide,' sabi ko sa kanya. ‘May offer sa ‘yo ang ABS-CBN, may offer din ang GMA.'"
Isang soap nga raw na pagbibidahan ni Cristine ang offer ng GMA, ayon pa kay Ara.
"Pero so far, ah, ayoko siyang kulitin [na mag-decide agad], kasi baka magkaroon ulit kami ng conflict. Kasi the more nangungulit ako, nape-pressure siya."
Willing ba maghintay ang ABS-CBN na makapag-decide si Cristine? May balita na nagmamadali na ang ABS-CBN para maumpisahan ang inaalok kay Cristine, ang remake ng 1970's Alma Moreno-starrer na Eva Fonda, 16.
"They really want Cristine. Kailangan nilang maghintay," diin ni Ara.
Meanwhile, masaya si Ara sa kinahinatnan ng pagpasok niya sa Prinsesa ng Banyera.
"Nationwide, nasa top ten kami, kaya mae-extend for another season. ‘Tsaka, everywhere I go, ‘Cassandra' ang tawag sa akin ng mga tao. I guess, yung gusto talaga ng mga tao yung kontrabida. Kaya naging effective noon ang Amor Powers, e."
EX-BOYFRIENDS. Tinanong din namin si Ara kung ano ang reaction niya sa nababalitang relasyon ng ex-boyfriend niyang si Polo Ravales kay Jean Garcia.
"Naka-T-shirt na ako. Ayoko na ng polo," biro ni Ara.
Nagseselos ba siya?
"Hindi, I already moved on. Hindi ba may kanta, yung ‘I remember the boy, but I don't remember the feelings anymore?' Sa akin, I don't remember the feelings anymore... and I don't remember the boy anymore," sabay tawa ni Ara.
Ano'ng naramdaman niya nung mabalitaan niya na sina Polo at Jean na?
"Wala, maganda naman si Jean, e. ‘Tsaka sexy siya, ‘no."
Sino ba ang mas sexy sa kanila?
"Voluptuous ang katawan ko, siya pang-model.
"'Tsaka sanay na ako na, yung nga, ex ko nagkakaroon ng girlfriend na mas older sa kanila," biglang pasok ni Ara tungkol naman sa tila pattern ng love life ng kanyang mga ex-boyfriends.
Pero kanino ba mas matagal bago siya naka-move on, kay Polo ba o kay Jomari Yllana?
"Mas matagal kay Jomari. Mga one year yun, e."
FRIENDS NO MORE. Sa sinabi ni Ara kanina, tila hindi puwedeng mangyari na maging magkaibigan man lang sila ni Polo.
"Hindi," paniniyak ni Ara. "Pero kapag nagkikita kami, binabati naman niya ako. Kaya lang hindi ako convinced, kasi kung anu-ano pa ang sinasabi niya sa interview. Lucky charm daw niya si Jean. Sana huwag na lang siyang mag-comment ng ganun. Dapat wala nang ganun.
"In fairness to me, naging supportive ako sa kanya. ‘Di ba doon siya nag-boom? Nung nagpaseksi siya sa F&H [Folded & Hung], umingay siya nung umapir ako sa launching niya noon," tila may himig-panumbat na pagtatapos ni Ara sa aming kuwentuhan.
