"Sa ngayon, nasa taping mode pa kami ni Marian. Pero alam kong pagpasok namin sa church, and just like any actors, we'll get into our characters. Kailangang tunay na emosyon na ang maramdaman namin. Up to the end, naging malapit sa akin ang character ni Sergio," explains Dingdong Dantes about his wedding scene with Marian Rivera (inset) in Marimar.

Photo: Noel Orsal

Present ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng wedding scene nina Marimar Aldama (Marian Rivera) at Sergio Santibañez (Dingdong Dantes) na ginawa sa San Agustin Church, Intramuros, Manila, kahapon, March 10.

 

Si Dingdong ang una naming nakita kaya binati namin siya ng "Congratulations" at "Best wishes." Pagkatapos nito ay kinamayan namin siya.

 

Doon namin napansin na nanlalamig ang mga kamay ni Dingdong, parang ninenerbiyos, parang totoong kasal nila ni Marian ang nangyayari. Binibiro pa sila ng staff na bawal silang magkita habang hindi pa ginagawa ang wedding ceremony dahil ‘yon daw ang pamahiin.

 

Okay na kay Dingdong na dito na lang sa Pilipinas kinunan ang final episode ng Marimar at hindi na sa Mexico. Mas maganda raw kung kasama nila lahat ang mga nakasama nila sa telenovela. Bukod dito, nakita at napanood din sila ng mga fans na talaga namang sumugod sa San Agustin Church at walang tigil ang sigawan tuwing nakikita sila ni Marian.

 

Dapat ay hindi na ninenerbiyos si Dingdong dahil pitong beses na siyang ikinasal sa pelikula at sa telebisyon. Ikinasal na siya kina Tanya Garcia, Maricar de Mesa, Iza Calzado, at sa iba pang aktres na hindi na niya matandaan.

 

Pero ayon kay Dingdong, iba ang kasal nila ni Marian.

 

"Iba ito, peak at climax ito ng love story nina Marimar at Sergio," sabi ng young actor. "Ito lang ang pinakagusto ni Sergio, ang makumpleto at maging masaya ang kanyang pamilya. The ultimate na ito at mixed feelings ako. Natutuwa, dahil alam kong marami sa sumubaybay sa amin ang masisiyahan, at nalulungkot din na after eight months, matatapos na ang Marimar.

 

"Sa ngayon, nasa taping mode pa kami ni Marian. Pero alam kong pagpasok namin sa church, and just like any actors, we'll get into our characters. Kailangang tunay na emosyon na ang maramdaman namin. Up to the end, naging malapit sa akin ang character ni Sergio," pahayag ni Dingdong.

 

DYESEBEL. Hanggang sa Biyernes, March 14, na lang sa ere ang Marimar. Sa araw na ‘yon, ihihiwalay na rin ni Dingdong si Sergio at magsisimula na siyang pag-aralan ang character ni Fredo sa Dyesebel.

 

Hindi pa niya alam kung ano ang gagawin ni Direk Joyce Bernal at ng staff para ‘pag nakita siya ng tao, hindi na si Sergio ang maisip nila kundi si Fredo na.

 

"On my own, starting next week, mag-aaral na akong gumanap na Fredo at magagamit ko rito ang natutunan kong skills sa Atlantika. Kating-kati na akong lumangoy, pero dahil taga-lupa ako [sa Dyesebel], baka minimal lang ang mga eksena kong lumalangoy," lahad ni Dingdong.

 

Ano ang mae-expect ng fans nila ni Marian sa Dyesebel?

 

"Ako, personally, naniniwalang hindi pa nae-explore ang capacity namin as a team. Iba rin ang requirements sa Marimar sa magiging requirements ng Dyesebel. Kung drama ang Marimar, light romance, fantasy, at comedy ang Dyesebel. Naniniwala akong mag-e-enjoy kami sa light moments. Mas okay sa amin na parang naglalaro lang kami at hindi mabigat ang mga eksena, as playful as we are in real life," pahayag ni Dingdong.

 

Sa pagkakaalam ng PEP, next week na ang storycon ng Dyesebel at sa March 30 or 31, pupunta na sila sa Palawan para mag-shoot ng pilot week ng naturang telefantasya. By April, ibabalik ng GMA-7 ang tambalan nina Marian at Dingdong bilang sina Dyesebel at Fredo na.

 

Samantala, gaya ni Marian, sunud-sunod din ang dating ng endorsements kay Dingdong. After Bench Body, Medicol naman ang ilalapit at ibebenta niya sa consumers at marami pang susunod dito.

 

May rasong mag-celebrate ng kanyang 10th year sa showbiz si Dingdong sa April. Pero noong kausap siya ng PEP, wala pa siyang plano at inuuna yata ang selebrasyon ng relasyon nila ni Karylle at ang birthday nito.