Nagmamadaling umalis si Polo Ravales sa presscon ng Manay Po 2: Overload na showing on April 16. Pupunta pa raw kasi ito sa shooting ng isa pa niyang ginagawang pelikula. Tiyempo namang inabangan siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong lumabas na siya ng function room ng Imperial Palace at sinimulang tanungin tungkol sa latest na intrigang kinasasangkutan niya.
May binitawan kasing salita ang dating kasintahan ni Polo na si Ara Mina. Nag-react kasi si Ara sa sinabi dati ni Polo sa isang interview kunsaan sinabi niyang ang nali-link sa kanya ngayong si Jean Garcia ang siyang lucky charm niya.
Hindi ito tinanggap ng mabuti ni Ara at nagpasaring sa dating kasintahan.
"Ewan ko kung bakit siya nagre-react," simula ni Polo nang kapanayamin ng PEP. "At ang tagal na ng isyu sa amin. Mas gusto ba niya na siya ang lucky charm ko?" may himig sarkastikong tanong ni Polo.
Nagugulat na lang daw siya na kung bakit nare-react si Ara. Maliit na bagay lang para pansinin ang sinabi niyang iyon noon. At para kay Polo, nagkaroon naman daw ng closure ang relasyon nila ni Ara. One year nang mahigit.
Nagbitaw pa si Ara na ang kanyang mga ex ay mahihilig sa mga babaeng mas matatanda pa sa kanila. Tulad nga ni Jomari Yllana na girlfriend ngayon si Pops Fernandez, at si Polo na ngayon ay nali-link kay Jean.
Pero girlfriend na nga ba ni Polo si Jean?
"Hindi ko naman girlfriend si Ms. Jean. At saka wala naman yun sa age, nasa pag-uugali," depensa ni Polo.
Curiously, bakit Ms. Jean ang tawag ni Polo sa aktres?
"Nirerespeto ko kasi siya," esplika ni Polo.
"'Tsaka swak kami ng ugali. Parang siya yung babaeng ako. Parang soulmate talaga kami. Hindi kasi kami showbiz pareho."
Samantala, sobrang na-challenge si Polo sa kanyang role bilang isang closet gay sa unang Manay Po. At sa sequel nito, para sa kanya, mas malaking hamon ang role niya.
"Sa part two, open na ako pero hindi kasing loud na gay ni John [Prats]. Ang malaking difference talaga dito sa sequel ay yung mas comfortable na kami ngayon with our roles."
