Sa dinami-rami ng showbiz personalities na sumubok himukin si Gabby Concepcion na bumalik ng Pilipinas at umarte ulit, bukod-tanging ang FLT Films producer na si Mrs. Rose Flaminiano ang nakapagkumbinsi sa aktor pagkatapos ng 13 years. Kasabay na dumating ni Gabby si Mrs. Flaminiano kahapon ng madaling-araw, March 30.
Mas kilala si Mrs. Flaminiano sa showbiz bilang si Mommy Rose. Marami na rin siyang na-produce na malalaking pelikula sa industriya na pinagbidahan ng mga bigating artista gaya nina Rudy Fernandez at Robin Padilla. Ang huling pelikula na iprinodyus ni Mommy Rose ay ang life story ng boxing champ na si Manny Pacquiao na pinagbidahan ni Jericho Rosales.
GABBY'S NEW MANAGER. Pagkatapos ng interview ni Gabby sa The Buzz kahapon, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mommy Rose sa loob ng dressing room upang alamin ang mga detalye ng pagbabalik ng kontrobersiyal na aktor sa Pilipinas at muling umarte sa telebisyon at pelikula.
Paano nga ba na nakumbinsi si Gabby na bumalik na ng Pilipinas?
"Siyempre, meron akong convincing power, di ba?" birong seryoso ni Mommy Rose. "Sinabi ko sa kanya na guwapo pa siya, puwede pa siya sa pelikula. ‘Talaga bang guwapo pa ako, Mommy? Ako pa rin ba talaga ‘yung Gabby?'
"Sabi ko sa kanya, ‘Puwedeng-puwede ka pa, Gabby. Naniniwala ka ba sa akin?' ‘Gusto ko nang maniwala, Mommy. Sasama na ako sa ‘yo," sagot naman daw ni Gabby sa kanya.
Kailan nangyari ito?
Kuwento ni Mommy Rose, "Nung October 4 last year, nagkita kami sa Hawaii.' Tapos nagkaroon ng fight nga, yung kay Manny Pacquiao at Antonio Barrera. Nag-fight, then nung kuwan na yun...nag-Pasko, nag-Bagong Taon, doon ko lang siya natawagan. January 25, sabi ko pupuntahan kita. Isasama na kita sa Pilipinas.
"E, ngayon, sabi niya sa akin, ‘Sige, Mommy, magliligpit lang ako. Sasama ako sa ‘yo. Basta puntahan mo ako ng March 28. Kaya't narito kami. Diniretso ko siya sa ABS-CBN."
Kailan siya officially naging manager ni Gabby?
"Nung pinadala niya ako nung January 26. Tapos na siyang pumirma sa GMA."
Sa kauna-unahang live appearance ni Gabby sa The Buzz kahapon nakita ni Mommy Rose ang reception ng publiko tao sa aktor. Ano ang naramdaman niya bilang bagong manager ni Gabby?
"Syempre, natutuwa ako, maluha-luha rin ako," sabi niya. "Hindi ako napahiya sa kanya na siya'y talagang marami pa ring fans. Kasi nararamdaman ko, e. Mga kaibigan ko na dadalhin ko si Gabby, tuwang-tuwa sila. Kaya ultimo si Gabby, naluluha kanina dahil yung pagtanggap talaga sa kanya nung guests ninyo, mga audience, talagang doon mo makikita na... marami pa rin ang nagkakagusto sa kanya."
CONFLICT BETWEEN ABS-CBN & GMA-7. Nakipag-usap na rin ba si Mommy Rose sa ABS-CBN nung time na kinakausap na niya si Gabby sa Amerika?
"Oo, nag-usap na kami ni Malou [Santos, managing director ng Star Cinema] nung January ng taong ito," pagkumpirma ng film producer. "E, nakita ko naman na kuwan siya, si Malou, interesado sila kay Gabby. In fact, kahit sa GMA nakipag-usap din ako dahil doon sa pelikula sa abroad. Yung gagawin nila sa abroad kasi nakapirma si Gabby doon nung last September with Jolina ng isang picture contract. Pero sa abroad gagawin."
Sino ang nakipag-negotiate kay Gabby para sa GMA-7 movie niya?
"Isang kaibigan 'ata niya sa Amerika," sagot ni Mommy Rose.
Hindi kaya magkaroon ng conflict ngayong may kontrata siya sa Star Cinema at the same time, meron din sa GMA Films?
"Ah, walang problema, iho-honor namin," paniniguro niya. "Ako naman, sinabi ko iho-honor namin. Kaya lang, nagkataon yung script, hindi niya [Gabby] talaga gusto. ‘Tsaka kung maghihintay pa siya, naroon na raw yung cruise, kailangan na raw dumating si Gabby. Sabi ni Gabby, ‘Kung hindi ko naman gusto...' Alam mo naman si Gabby, siyempre gusto naman niya yung maganda dahil comeback niya, e.
"Kaya sabi niya, ‘Mommy, sige kung ano ang gusto mong gawin ko porke ikaw ang manager ko, gagawin ko.' E, nakipag-usap ako kay Malou, nagbigay si Malou ng sunud-sunod na pelikula."
Nagtampo raw ang supposed to be kasama ni Gabby sa pelikula sa GMA Films na si Jolina Magdangal dahil sa pagba-back out nito na gawin ang project. Kasunod nito, lumabas ang balitang marami rin daw demands si Gabby. Ano ang reaksiyon dito ni Mommy Rose?
"Ah, hindi. Hindi ako naniniwala doon," sabi niya. "Ganun lang siguro dahil nga, siyempre ang hinihingi ni Gabby, matinong script. Ang gusto niya kung comeback niya, comeback niya talaga. Yung pagbabalik niya, like si Robin Padilla noon at si Maricel [Soriano]. Robin at Maricel yun.
"Medyo nagtampo si Maricel sa akin noon dahil ang gusto niya, ‘Maricel Soriano and Robin Padilla' [sa billing]. Komo comeback ni Robin kaya nagdesisyon ako na ‘Robin Padilla and Maricel Soriano' na hanggang ngayon ay sana mapatawad naman ako ni Maricel Soriano doon. Dahil yun kasi ang parang naramdaman ko noon kay Robin, porke comeback niya, dapat mauna ang pangalan niya sa billing. Ganun din ang nararamdaman ko for Gabby. Pero walang demands si Gabby."
Wala rin bang dapat ipagtampo ang kampo ni Jolina, lalo na ang ama nito na si Mr. Jun Magdangal, kay Gabby?
"Ang pagtatampo lang niyan, e, bakit hindi natuloy. Yun lang ‘yon," sambit ng manager ni Gabby.
Hindi kaya magkagulo sa schedule ni Gabby kapag gumagawa na siya ng teleserye sa ABS-CBN at saka naman ipagagawa sa kanya ang commitment niya sa GMA Films?
"Hindi, kasi ang movie niya sa GMA gagawin sa abroad ‘yon, not in the Philippines. Siyempre yung sa akin, dito sa Pilipnas. Kaya kung gagawa siya ng pelikula sa GMA, abroad. Nakalagay yun sa kontrata, 100 percent.
Dagdag pa niya, "Basta iho-honor namin. Basta maganda ang script, gagawin niya ‘yon."
Bukod sa GMA Films, may offer din ba na show for TV si Gabby mula sa Kapuso network?
"Oo,
teleserye din at meron ding pelikula," pag-amin ni Mommy Rose. "Kanya
lang, medyo sabi sa akin ng GMA, kausapin naming maigi. Pagdating
ko...kasi I was in Ilocos that time, pagdating ko tinawagan ko sila.
Hindi na nga ako nakatawag dahil si Malou, nagsara na kami."
ABS-CBN IS GABBY'S PRIORITY. Dahil may network war, posible na mag-uunahan sa schedule ni Gabby para sa kanyang first movie appearance pagkatapos niyang umalis ng bansa noong 1995.
"Hindi, mauuna talaga ang ABS-CBN," giit ni Mommy Rose. "Alam ng ABS-CBN may pinirmahan si Gabby [sa GMA Films]. Pero ako, bilang manager, uunahin ko ang ABS-CBN dahil kailangan na naming mag-shoot dahil naayos na namin ang script ng first movie ni Gabby sa Star [Cinema]."
Hindi naman kaya maipit niyan ulit si Gabby dahil sa dalawang commitment niya sa pelikula?
"Hindi naman siguro. Wala akong makitang magkakaproblema dahil makakuha naman lahat ‘yan sa magandang usapan," sagot niya.
Sino ang makakasama ni Gabby sa kanyang first movie project sa Star Cinema?
"Si Claudine Barretto" diretsong sagot ni Mommy Rose. "Pero untitled pa, e. Si Maryo J. [de los Reyes] ang magdidirek."
More or less, ano ang takbo ng istorya?
"Mahina ako sa istorya, pero love story," sagot ng film producer at talent manager.
Sa April 20 daw ang simula ng shooting ni Gabby para sa pelikula niya with Claudine.
Ilan ang gagawin niya sa Star Cinema at ABS-CBN?
"Yung teleserye niya, meron siya for two years at saka yung kanyang pelikula, bale apat yun for two years."
Ibig bang sabihin nito ay tuluy-tuloy na ang pananatili dito sa Pilipinas ni Gabby?
"Actually, hindi pa kami nag-uusap kung siya mag-i-stay dito. Pero tingin ko, mag-i-stay siya rito. Maaaring bisitahin niya ang pamilya niya sa Amerika, ‘tapos balik siya rito. Nag-e-enjoy naman siya."




