"Hindi na lang namin ito pinapansin. Hindi kami nagpapaapekto, there are even more serious problems to take care of than showbiz issues," says Marjorie Barretto about persistent rumors about her and Caloocan City mayor Recom Echiverri (inset).

Photo: Noel Orsal


Sa pagtakbo at pagkakahalal ni Marjorie Barretto bilang konsehala ng Caloocan City, isa sa isyung pumutok at pinag-uusapan pa rin hanggang ngayon ay ang pagkakaroon diumano nila ng affair ng mayor ng naturang lungsod na si Recom Echiverri. Ito rin daw ang dahilan kung bakit nakipaghiwalay si Marjorie sa komedyante na si Dennis Padilla.



Inakala noon na isa lamang itong black propaganda upang sirain ang pangalan nina Marjorie at Mayor Echiverri, pero ang ipinagtataka ng marami ay kung bakit hindi pa rin mamatay-matay ang isyung ito tungkol sa kanila.



Sa pakikipag-usap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Marjorie sa ABS-CBN compound, iginiit niyang wala siyang dapat ipaliwanag tungkol sa mga naglalabasang balita sa kanila ng mayor ng Caloocan.

"There's nothing to clear and I don't owe anybody an explanation. Wala rin dapat iklaro si Mayor Recom, wala siyang dapat ipaliwanag o klaruhin dahil nadamay nga lang yung tao," pahayag ni Marjorie.

Sinabi rin ng kapatid nina Gretchen at Claudine Barretto na hindi naaapektuhan ang responsbilidad nila bilang public servants ng Caloocan. Para kay Marjorie, mas maraming importanteng problema at mga bagay na dapat nilang unahin kaysa sa isang balita na wala naman daw katotohanan.



Nang tanungin kung personal niyang kilala ang maybahay ni Mayor Echiverri, umoo naman si Marjorie.



"Of course, I know her. Magkakilala at nagkikita kami paminsan-minsan," sabi ng dating aktres.

Kinumusta rin namin kay Marjorie ang relasyon nila ni Dennis.

"Kami ni Dennis, when we see each other, we're okay. Sa ngayon matagal-tagal na rin kaming hindi nagkikita, pero hindi kami magkagalit. He can see our children anytime he wants. When it comes to sustento, I don't ask money from him," pagtatapos ni Marjorie.