"Si Ploning, yung mga sinasabi ng tao sa kanya, wala siyang pakialam. Kaya parang dun kami nagkakapareho, e. Yung okay lang kung ano'ng sabihin ng mga tao sa akin, basta huwag lang yung pamilya ko na yung naaapektuhan sa mga sinasabi laban sa akin," says Judy Ann Santos about her character in Ploning.

Photo: George Gil Fernandez


Ayon kay Judy Ann Santos, emotional ang pelikula niyang Ploning na ipalalabas na sa April 30. Kasama niya rito ang ilan sa pinakamahuhusay na actor at aktres sa bansa—Gina Pareño, Mylene Dizon, Meryll Soriano, Ces Quesada, Eugene Domingo, Tessie Tomas, Tony Mabesa, Crispin Pineda, Ketchup Eusebio, Joel Torre, Ronnie Lazaro, at Beth Tamayo.

 

"Ang masasabi ko lang, sa dami naming artista dito na sobrang beterano, powerhouse cast siya, pero walang nagsapawan. Yung ginawa lang nila kung ano yung kailangan sa character nila, nagbigayan lahat," kuwento ni Juday sa PEP (Philippine Entertainment Portal.)

 

Ipinagmamalaki rin ng aktres na nakakaiyak ang kanilang pelikula kahit walang sampalan o sigawan.

 

"Kasi, karamihan ng mga pelikulang ginawa ko, may eksenang nagsisigawan, may eksenang nagsasampalan, confrontation... Dito wala. Wala talaga, so magtataka kayo na paano ninyo sasabihing nakakaiyak kung walang confrontation scenes? Paano ninyo sasabihing nakakaiyak kung walang sampalan? So, parang sa akin, sa point of view ko, maiiyak kayo kasi nga maganda yung story," paliwanag niya.

 

Emotions from within daw ang pagbabasehan ng dramatic scenes ng movie nila na idinirehe ng first-time movie director na si Dante Nico Garcia, ang best friend ni Juday.

 

"Oo, yung mata lang yung magsasalita. Kung makikinig silang mabuti, at magbabasa silang mabuti sa mga dialogues namin, mararamdaman nila nang todo-todo yung bawat eksenang makikita nila," lahad niya.

 

JUDAY & PLONING. Ang kabuuan ng karakter ni Ploning ay niyakap ni Judy Ann nang buong-puso. Si Ploning raw kasi ang klase ng tao na gagawin ang lahat ng gusto nitong gawin, ngunit titiyakin nitong walang ibang taong masasagasaan o masasaktan.

 

Tulad ni Juday sa tunay na buhay, si Ploning ay gumagawa ng mga bagay na ikaliligaya niya nang walang inaagrabyado o natatapakang ibang tao. Pareho rin silang matibay at matatag, na hindi alintana ang sasabihin o paninira ng ibang tao basta't hindi nasasaktan ang sinuman sa kanyang pamilya o mga malalapit na kaibigan.

 

Pero kung may pagkakapareho sila, may mga pagkakaiba rin sina Judy Ann at Ploning. Isa na rito ay ang pagiging tahimik at kimi ni Ploning, na kabaligtaran naman ni Judy Ann.

 

"Maingay ako, e!" natatawang sabi ng aktres. "Si Ploning, yung mga sinasabi ng tao sa kanya, wala siyang pakialam. Kaya parang dun kami nagkakapareho, e. Yung okay lang kung ano'ng sabihin ng mga tao sa akin, basta huwag lang yung pamilya ko na yung naaapektuhan sa mga sinasabi laban sa akin."

 

At tulad ni Judy Ann, naiintriga rin si Ploning "Nang bonggang-bongga!" tawa ni Juday.

 

Dahil kasi nagmahal at naghintay si Ploning, na-misinterpret ito ng mga tao at inakusahan na siya ng kung anu-ano. Si Judy Ann daw dati, mas apektado ng mga initriga at kontrobersiya. Pero nabago niya na raw ito.

 

"Kasi parang matanda na ako para diyan, di ba?" sabi niya. "Kung pagtutuunan ko pa ng pansin yung mga intrigang hindi naman talaga totoo, wala namang mangyayari sa akin."

 

Kaya nga ngayon, manhid na si Judy Ann sa mga intriga lalo pa nga't hindi na mabilang ang mga krisis at kontrobersiya na dumating sa buhay ng young superstar.

 

DREAM ROLE. Naitanong ng PEP kay Judy Ann kung may dream role pa ba siya. Halos lahat na yata ng klase ng papel sa pelikula at telebisyon ay nagampanan na niya.

 

"Alam mo, ‘yan din ang tinatanong ko sa sarili ko, e," sagot ni Juday. "Ano pa ba yung gusto kong gawin? Hindi kasi masyadong creative yung utak ko when it comes to mga roles. Pero may naisip akong isang character na napanood ko, yung Wicker Park [2004 film starring Josh Hartnett], yung character nung isang babaeng kontrabida dun. Na at the end, mare-realize mo na, ‘Ah, may pinanggagalingan yung pagiging kontrabida niya.'

 

"Yung siya yung kontrabida na kakaawaan mo kung bakit siya naging ganun. Yung mature role, pero very touching yung character niya, yung ang lalim ng pinanggagalingan niya, ‘tapos hindi siya humahagugol. Nagsasalita lang siya, pero ang sakit ng sinasabi niya.

 

"'Tsaka sa emosyon, nakabase lang sa emosyon lahat, kung paano niya dineliver yung line. Pero ako, yun lang yung... Hindi naman siya dream role talaga, pero isa sa mga gusto kong subukang gampanan. Kung kaya ko bang maging kontrabida, kung kaya ko ba yun or what," pagtatapos ni Judy Ann.