Mariing itinanggi ni Dingdong Dantes ang balitang may friction sa pagitan nila ni Richard Gutierrez. May mga nang-iintriga kasi na ang tinatamasang kasikatan ngayon ni Dingdong—after the highly successful Marimar and the upcoming Dyesebel—ang isa sa mga dahilan kung kaya't nagsimula ang intrigang may tampo si Richard sa GMA-7 at nagbabalak daw lumundag sa bakuran ng ABS-CBN.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Dingdong, sinabi niya na hanga siya sa paraan ng pagha-handle ng career ni Richard, pati na rin sa mabuting pakikitungo at pakikisama sa mga kapwa niyang artista. Kapag nagkikita nga raw sila, walang nagbago, hindi sila nagpapaapekto sa mga intriga.
"Ever since naman, wala kaming... Lahat ng pakikitungo namin sa isa't isa, walang kinalaman ang trabaho. We're always talking to each other on a personal level; we never talk about work, career, walang ganyan. Kumbaga, kung ano kami noon, walang nagbago ngayon," pahayag ni Dingdong.
Nang hingan namin ng reaksiyon sa diumano'y paglipat ni Richard sa Kapamilya network, ang nasambit lang ni Dingdong ay "huwag naman sana" dahil isa raw si Richard sa mga bankable stars ng GMA-7.
Kuwento ni Dingdong, nagkita raw sila ni Richard two weeks ago sa birthday ng direktor na si Mark Reyes at wala silang pinag-usapan tungkol sa mga kontrobersiya.
"Wala, wala. Kasi like I said naman, 'pag nagkikita naman kami hindi na namin napag-uusapan 'yan. Always on a personal level, hindi namin pinag-uusapan 'yang bagay na 'yan," saad niya.
DINGDONG AS FREDO. Pagkatapos ng Marimar kung saan gumanap siya bilang Sergio, sa Dyesebel ay gagampanan naman ni Dingdong ang papel ni Fredo.
Kuwento niya, "Ako kasi, tao ako dito, e. So ang challenge ko lang is mai-in love ako sa kanya [Dyesebel] na tao siya. Pero in love ako sa parang Dyesebel [na sirena] na nakilala ko dati. Pero siya, mag-iiba yung hitsura niya sa lupa, e. Pero magkakagusto din ako sa kanya, so parang ganun."
Marami raw dapat abangan sa Dyesebel na pamamahalaan din ng direktor nila sa Marimar na si Joyce Bernal.
"Magkakaroon pa ng mga twists ‘yan somewhere along the way," banggit ni Dingdong.
Paano niya iibahin ang atake sa role ni Fredo kay Sergio?
"Actually, mahirap, mahirap!" ani Dingdong. "Yung sa look, minor lang yung buhok, pero yung approach talaga... Si Fredo, seryoso siya sa buhay masyado, business-minded. Mas happy-go-lucky si Sergio, mas parang wala siyang pakialam, mas brat. Si Fredo, mas seryoso. Kumbaga, siya yung panganay."
Mas daring ba si Fredo kesa kay Sergio?
"Well, wala pa namang sinasabi sa akin. Si Marian, nasa kanya lahat ng mga hubad [topless] scenes, kasi talagang wala talaga. Pero sa akin, wala pa namang sinasabi. Magkaroon man ng hubaran na kailangang gawin ko, naghahanda na rin ako," sabi ng young actor.
Kinonsulta ba niya si Richard Gomez na gumanap na leading man sa Dyesebel movie noon ni Alice Dixson?





