May mga nagsasabing pressured ang singer na si Jan Nieto ngayong naghahanap na ng mga bagong sisikat sa Pinoy Idol. Kahit nasa GMA-7 pa ang simpatikong mang-aawit, hindi naman din nire-recognize ang pagiging isa niyang finalist sa naunang Philippine Idol kasama ang isa pang regular mainstay ng SOP na si Gian Magdangal.
"Honestly, hindi ako dapat magpaapekto kasi iba na ngang batch ito," saad ni Jan. "Kung hindi nga nire-recognize ng GMA-7 ang naunang Philippine Idol, walang dahilan para maikumpara rin kami sa mga bagong susulpot sa Pinoy Idol.
"Wala akong nararamdamang pressure. For what reason? Okay lang kung maging mas mabilis ang pagsikat ng mga mananalo. Kasi masuwerte talaga sila dahil GMA-7 agad ang sumusuporta sa kanila," pahayag ni Jan sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Para kay Jan, tapos na ang mga araw nila sa Philippine Idol noon. Matagal na siyang nakapag-move on para ma-establish ang sarili niyang career.
"Naging mabagal nga lang, at mabuti in-absorb kami ng GMA-7," sabi ng singer. "Thankful pa rin kami sa GMA, kasi may nangyayari sa career namin ni Gian kahit paano. Visible pa rin kami.
"We can only wish the Pinoy Idol finalists the best. Being a Kapuso, susuporta rin siyempre kami sa kanila. The same way na sinusuportahan din kami ng GMA-7."
Gumagawa rin ng impact ang bagong music video ni Jan, ang "Sangandaan," na theme song ng forthcoming drama film na Paupahan (Crossroads). Napakaguwapo ng rehistro ni Jan sa nabanggit na video.
"Yun talaga ang kailangan ko, yung recall ng kanta. Lalo na kung mapu-promote din nang husto ang pelikula," banggit ni Jan.
POTENTIAL LEADING MAN. Six-footer mahigit ang original Philippine Idol discovery, at may qualities na puwedeng sugalan sa pelikula.
"Honestly, interesado ako sa pag-aartista," tahasang sabi ni Jan. "Kung mabibigyan ako ng pagkakataon, gagawin ko ang lahat para hindi ma-frustrate yung mga susubaybay pa sa mga gagawin ko rito sa showbiz.
"Pero kailangang i-prioritize ko ang pagkanta. Dito kasi ako unang nakilala. Hindi pa nga naaayos ang dapat ay una kong album. Sana nga, magkaroon din ako ng mga kantang tatangkilikin ng publiko," asam niya.
Marami na rin silang musical artists na bini-buildup ng GMA-7. Ano sa palagay ni Jan ang ikabubukod-tangi niya sa karamihan?
"Yung presence ko siguro, kahit paano napapansin ako kaagad," sagot ni Jan. "Ang kailangan ko lang talaga ay mga kantang sisikat, at maa-identify sa akin. Pasasaan ba't darating din 'yan. Natutuwa ako dahil tinutulungan na ako ni Leo Dominguez, who's also managing Ogie Alcasid. I just hope na mabigyan din ako ni Ogie ng magagandang compositions.
"Hindi naman ako nagmamadali. Kami nga ni Gian, nag-uusap palagi, suportahan ang gagawin namin. Parang kami na lang yung natira talaga sa batch namin na napapanood pa rin palagi, kaya hindi kami dapat bumitaw. Never na naramdaman kong may rivalry sa amin. Kasi lagi kaming nagtutulungan ni Gian, ever since, maski noong kasali pa kami sa contest," pahayag ni Jan.
RIVALRY WITH GIAN. Nabuntis ni Gian Magdangal ang sexy star na si Sheree. Palagay ba ni Jan, malabo na talaga ang rivalry sa kanila?
"Sabi ko nga, ever since, hindi ko naramdaman na may rivalry sa amin," ulit niya. "Kahit nga magkakaanak na si Gian, o kahit nag-asawa na siguro siya, he's more of a singer. Kaya hindi ko naiisip na may epektong negative sa kanya 'yan.
"Naiisip ko rin nga, masarap na rin sigurong maging tatay. Pero hindi magiging madali sa akin. Unang-una, wala pa naman akong girlfriend para mangyari 'yan. Pangalawa, nakatutok ang panahon ko sa pagpupursigi para sa career ko. Sabi ko nga, hindi naman ako nagmamadali," pagwawakas ni Jan.