Once and for all ay nagpaliwanag na ang young actress na si Marian Rivera tungkol sa hindi niya pagkakatuloy sa first movie together ng King and Prince of Comedy na sina Dolphy at Vic Sotto, ang Dobol Trobol mula sa APT, M-Zet, at RVQ Productions.
Matatandaang si Marian sana ang original choice upang gumanap sa role na anak ni Dolphy, na magiging love interest ni Vic. Pero at the last minute ay pinalitan siya ng beauty queen at Pinoy Big Brother Celebrity Edition ex-housemate na si Riza Santos.
Pagkatapos nito ay kung anu-anong nang espekulasyon ang lumabas. Isa na rito ay ang usap-usapan na nag-back out diumano si Marian sa pelikula dahil sa talent fee.
Pero nagpahayag na si Malou Choa-Fagar ng APT Entertainment na ang totoong dahilan ng hindi pagkakatuloy ni Marian sa Dolphy-Vic movie ay dahil sa conflict sa schedule ng taping ng young actress para sa sisimulan pa lang noon na Dyesebel. Dahil na-delay ang pagsisimula ng shooting ng Dobol Trobol ay hindi na pumuwede si Marian dahil sisimulan na nga niya ang taping ng Dyesebel.
Sa grand launch ng Dyesebel last April 21 ay nagsalita rin si Marian tungkol sa issue.
"Actually, nakiusap na ako kay Tita Malou na magsalita na siya," simula ni Marian sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Nagsalita naman si Tita Malou, ipinagtanggol naman niya ako.
"Ang point ko lang naman kasi, gustung-gusto ko talagang gawin yung movie na ‘yon. Kahit sinong artista, talagang gugustuhing makasama si Vic Sotto and Dolphy. My God, nung nalaman ko na hindi puwede yung schedule ko, kulang na lang mag-tumbling ako!"
Four times a week daw kasi ang taping nila para sa Dyesebel.
Patuloy ni Marian, "At saka gusto ko lang ikorek yung sinasabi na tinanggihan ko yung project dahil sa talent fee. Never. Kahit wala akong bayad, tatanggapin ko ‘yan dahil malaki ang utang na loob ko kay Mr. Tuviera, tatay ko ‘yan. Kay Tita Malou na sobrang nag-build up sa akin. Sila yung unang-unang nagtiwala sa akin. Kaya kahit walang bayad tatanggapin ko ‘yan."
Matatandaang nagsimula si Marian sa paglabas sa mga afternoon soap operas ng TAPE Inc., gaya ng Kung Mamahalin Mo Lang Ako, Agawin Mo Man ang Lahat, at Pinakamamahal.
"Sayang na sayang talaga. Alam ni Tito Vic kung gaano kami ka-okay, kung gaano kami close dahil nung nag-Enteng Kabisote kami, okay kami, e," pahabol pa ng young actress.
Speaking of talent fee, dahil sa phenomenal success ng Marimar nila ni Dingong Dantes, hindi ba nagpataas ng talent fee si Marian para sa Dyesebel?
"Wala akong karapatang magsabi sa GMA na, ‘Gusto ko pa mataas ang talent fee ko.' Kung alam nilang karapat-dapat akong taasan ng talent fee, tatanggapin ko ‘yon. Kung hindi, okay lang. Ang importante sa akin, may trabaho ako," pahayag ni Marian.
