Pinag-uusapan ngayon ang tungkol sa alitan nina Gabby Concepcion at ng kanyang manager na si Mrs. Rose Flaminiano laban sa entertainment columnist-radio host na si Jobert Sucaldito. Ito ay kaugnay ng isang whitening product na dapat ay ie-endorse diumano ni Gabby na si Jobert ang nakipag-deal sa halagang P2.5-million.
Pero nagulat na lang daw si Jobert dahil kahit "nag-commit" na sa kanya sina Gabby at Mommy Rose para maging endorser ng MET Tathione ang nagbabalik na aktor, may kontrata na palang pinirmahan sina Gabby at Mommy Rose sa kalabang produkto na Lucida na nagkakahalaga ng P5-million.
MOMMY ROSE SPEAKS UP. Nakatanggap kami ng tawag sa telepono mula kay Mommy Rose at nagpaliwanag siya sa isyu ng pagkakaudlot na offer kay Gabby.
"Sa totoo lang, dalawa ang nakapag-alok sa akin," simula ni Mommy Rose sa kabilang linya. "As a business manager, ako yung titingin kung alin ba ang tama. Yung kay Jobert, P2.5-million at dalawang flat screen [TV] na 56 inches na para sa akin at kay Gabby.
"Kung ako ang magsasalita, hindi naman siya [Jobert] dumadaan sa protocol. Laging si Gabby ang kinakausap niya, pamilya ni Gabby. Siyempre, narito ako, e, as business manager. Siyempre, yung business ni Gabby, pinapangalagaan ko bilang artista.
"Sabi ko nung mag-usap kami sa Rembrandt, 'Sige ipadala mo yung contract. Tingnan natin kung alin ang una.' Tumawag siya kinabukasan, ang sabi niya contract signing kami ng April 24.
"All of a sudden, dumating yung isang kausap namin, dala-dala na niya pati owner at tseke, so pinirmahan ko. E, yung kay Jobert, nandoon na pala sa birthday party niya [may-ari ng MET], hindi man lang ipinakilala sa amin. Ano'ng ibig sabihin nun?
"Sana maintindihan din niya na sa akin lang ay vested interest lang para kay Gabby. Kung hindi ko kukunin ang P5-million para kay Gabby at yung P2.5-million niya ang kinuha ko, pababayaan ko yung five million, ano ang sasabihin sa akin ni Gabby? E, kung nabalitaan niya na may alok na five million, ‘tapos tinanggihan ko, baka isipin niya, nagsabwatan kami ni Jobert at binigyan kami ng extra para sa amin. Ano ang malay mo, di ba?
"Kahit bigyan ka ng one million, maging 3.5 million na ang cash component niya, e, di may P1.5-million na na-minus. Natural, may nag-offer na maganda at nakikita ko mismo ang adverstisers, ang produkto, at kung sino ang kausap, ipinakita lahat, e, di natapos ang usapan namin," mahabang paliwanag ng manager ni Gabby.
Tinanong namin si Mommy Rose kung bakit hindi niya sinabihan si Jobert tungkol sa isa pang offer at kung kaya bang tapatan ang P5-million offer ng kabila.
"Alam ko may mali na hindi ko siya tinawagan. Pero siyempre, sa dami na transaksyon, nalimutan ko na yun. Nalimutan ko na ganun.
"Kasi sabi niya [Jobert], mahirap lang daw ito [owner ng MET]. Three million nga ang sinasabi ko. E, yung three million na sinasabi ko, tinawaran na, yung five million pa kaya? Dapat kasi pinapirma na niya agad ako. Pinapirma na niya ang dapat pumirma. Ang diperensiya, dinadaan niya sa pakikipagkaibigan ang business, e. Siyempre, iba yung business, iba yung friendship.
"Ang nangyari ay nanusok lang siya ng perdible, pero ang ginagawa niya ay nananaksak siya. Walang iniwan ‘yan sa isang transaksyon at sa pangyayaring ikakasal ka na lang, ayaw mo pang magpakasal. Ganoon lang yun. May nangyayari, hindi mo suwerte. Siguro this time, hindi namin suwerte na magkatuluyan. Eventually, ano'ng malay mo, may product na naman siyang io-offer, this time we will be more cautious at magiging careful na kami.
"Sana huwag nang idamay si Gabby dito," pakiusap ng FLT Films producer. "Kung kaibigan niya ito, huwag niyang sinasalanta ng ganun. Maski papaano, pinaghirapan ko ‘yan na dalhin dito. Lahat ng karisma at dunong ay ibinigay ko na sa kanya. Nakita mo na kung sinu-sino ang nagpabalik sa kanya dito sa Pilipinas, pero sa akin siya sumama.
"Hindi ba siya natutuwa na isang kaibigan niya ay dumating dito at mahal pa rin siya ng kaibigan niya? ‘Mommy, ginawa mo man yun, wala na akong magawa. Nakapirma ka na, ikaw ang manager ko, sana nagpasensya na lang siya.'"
STOP IT, OR ELSE... Nakiusap si Mommy Rose na sana ay tigilan na ni Jobert ang paninira nito sa kanila, lalo na kay Gabby.
"Bakit naman niya kailangang sirain yung pagkakaibigan namin?" sabi ni Mommy Rose. "Kung napahiya siya, puwede naming pag-usapan lahat, pati na ang kanyang advertisers. Hindi naman natin puwedeng isara lahat, e. Pero siya isinasara niya. Tigasin siya. Ba't hindi niya ipunta sa husgado kung iniisip niya na may mali kaming ginawa at doon na lang sa husgado mag-usap?
"Basta sa akin, go! Bahala siya kung ano ang gusto niya. Si Atty. Eduardo Flaminiano [her husband] na ang bahala sa kanya. Siyempre, meron din naman akong abogado para diyan. Baka kasi meron na siyang nilalabag sa batas, di ba? Kung ako naman ang may nilalabag sa batas, sampahan niya ako.
"Yung sinasabi niya na hindi niya ako mapapatawad, hindi bale. Hindi ako masyadong naniniwala sa hindi mapapatawad. Ganyan lang, mainit lang siguro ulo niya, pero eventually lalamig din ‘yan. Kung hindi niya ako talaga mapapatawad, okey lang sa akin. Tatanggapin ko lahat yun. Pero hindi rin naman ako ordinaryong agent. Meron din naman akong negosyo, e, nasisira ako. Doon na lang kami mag-usap sa husgado," banta niya.
Ano naman ang masasabi ni Mommy Rose sa akusasyon ni Jobert na "pera-pera na lang ang labanan"?
"Yun nga ang masama doon," sabi ni Mommy Rose. "Tulad nung isang araw, meron akong nabasa sa isang cover daw ng glossy magazine, nanghihingi raw ako ng P45,000. Ewan ko kung sino ang nanghihingi ng P45,000. My God, kahit tanungin mo si Gabby! Imbestigahan nila kung may hiningi akong ganyan tungkol sa cover-cover. Wala talaga, as in wala. Alam ko na walang negosyo na cover, di ba? At alam ko naman ang negosyo ng mga diyaryo.
"Pakiramdam ko, ako pa nga ang dapat mag-blowout sa kanila dahil binigyan nila ng pagkakataon na ma-cover si Gabby. Lahat ng bagay na nakikita ko na para sa ikagaganda ng career ni Gabby, ako pa nga ang gustong gumastos para sa kanila. Pictorial nga ng isang magazine, ginawa sa bahay ko, nagpa-merienda pa ako. Paano mo sasabihin na pera-pera lang? Kung sino man yung naniningil, sabihin nila sa akin. Lahat welcome sa akin," deklara ni Mommy Rose.
"BINASTOS AKO." Sa radio program ni Ogie Diaz na Wow, Ang Showbiz! ay humingi ng tawad si Mommy Rose kay Jobert, pero nananatiling matigas ang huli.
Ayon kay Jobert, naka-schedule na raw sila para sa contract at napagkasunduan na nila na magbibigay ng P1.5-million downpayment at saka isusunod ang balanseng P1-million pagkatapos ng pictorial
"Kapamilya n'yo ako, pero binastos ako. Dapat pahalagahan nila yun. Wala sa laki o liit ‘yan, wala sa halaga ‘yan. Pero wala tayong kalaban-laban sa ganito. Iba yung negotiation, sa nakapirma na pala.
"Napahiya ako pero puwedeng ilagay ito sa limot. Mahal ko si Gabby dahil minahal ko ‘yan mula pa nung ‘80s. Sinasabi niya, walang iwanan. Pero he betrayed me as a friend. Nag-uusap kami ng umaga, pero hindi niya sinabi na nakapirma na pala siya. Doon ako na-hurt. Alam na niya pala, dapat sinabi niyang 'nakapirma na ako'.
"Yung sinasabi ni Mommy Rose na huwag idamay si Gabby, siya ang dahilan nito. Dahil sa limang milyon? Yun pala ang katapat ng ating friendship?" himutok ni Jobert.
Sagot naman ni Mommy Rose tungkol dito. "Hindi pa alam ni Gabby yun. Hindi nakapirma si Gabby ng umaga, hapon siya nakapirma. At saka ako ang business manager ni Gabby, ako ang dapat magsabi kay Jobert. Hindi niya ako puwedeng pangunahan.
"Siyempre, iba yung pagkakaibigan nilang dalawa, hindi nga ako kumikibo na dumidiresto siya sa kanila dahil kaibigan daw siya. Okey lang sa akin," pagtatapos niya.