Hindi ikinuwento ni Ricky Davao sa mga malalapit niyang kaibigan na kasama siya sa telefantasya ng GMA-7 na Dyesebel. Tahimik lang kasi ang aktor kapag may offer sa kanya ang anumang TV network hangga't hindi pa sigurado.
"Alam mo naman sa trabaho natin, hindi ka sure not unless nakakapag-taping ka na," ngiti ni Ricky. "Kaya noong sabihan ako for Dyesebel, quiet muna ako kasi ayokong ma-preempt ang pagkakasali ko sa cast. Baka ibida ko pero bigla pala akong pinalitan. Nakakahiya, di ba? Noong nakapag-taping na ako for Dyesebel, doon ko na lang sinabi sa mga friends ko. At least, sure na kasama talaga ako."
Na-experience na pala before ni Ricky na may offer sa kanya para sa isang TV drama pero napurnada. Inakala niya na okey na kaya may tinanggihan siyang ibang offers. Sa huli ay hindi pala napunta sa kanya ang role kaya naging jobless siya ng ilang buwan. Ang mga tinanggihan niyang offers ay napunta na sa iba.
"That's why I learned my lesson. Hindi ka dapat magpakasigurado muna. Not unless na rumorolyo na ang kamera na kasama ka na, doon mo na lang puwedeng makumpirma na kasama ka," sabi niya.
Freelancer naman daw si Ricky at puwede siyang tumanggap ng trabaho sa GMA-7 at sa ABS-CBN. Matagal na nga raw siyang hindi nakakagawa ng soap drama sa Dos dahil parating nauuna ang offer ng Siete.
"Kung sino naman kasi ang mauna, yun ang priority ko," diin ni Ricky. "It just so happens na nagugustuhan ko ang offer ng GMA-7 sa akin. But I can still work with ABS-CBN basta hindi katapat ng ginagawa kong show sa GMA."
Ang Dyesebel ang ikatlong show ni Ricky sa GMA-7 after Captain Barbell at Lupin, both with Richard Gutierrez. This time sa Dyesebel, sina Marian Rivera at Dingdong Dantes naman ang kasama niya. Ginagampanan ni Ricky ang role na Don Juan, ang ama ni Fredo (Dingdong).
Naging busy rin si Ricky sa paggawa ng pelikula, mostly indie films: Mga Pusang Gala, Tambolista, Signos, Endo, Tukso Durog, at Adela. Nakasama rin siya sa mga mainstream films tulad ng Katas ng Saudi at Sakal, Sakali, Saklolo.
