Natatawa na lang ang sexy comedienne na si Rufa Mae Quinto sa mga kumakalat na balitang hiwalay na raw sila ng kanyang boyfriend na si Bobby Lopez. Nakarating daw kasi sa Mexican-American businessman na nagkabalikan sina Rufa Mae at Dennis Trillo habang nagsu-shoot sila ng I.T.A.L.Y. sa Europe.
Ayon kay Rufa Mae, wala raw itong katotohanan. Sa katunayan nga raw ay magkikita sila ni Bobby sa Pilipinas dahil may business meeting ito and at the same time ay bibisitahin daw ang sexy comedienne.
"Saan naman daw galing yung chika na wala na kami ni Bobby?" nagtatakang sabi ni Rufa Mae. "Dyusko, nagsisimula pa lang nga kami ‘tapos may ending na! Ang pangit, huh! Naku, painitin naman muna namin bago kami maghiwalay. Nasa getting-to-know-you stage pa lang kami ‘tapos biglang may ganyan. Hindi naman maganda ‘yan."
Ikinuwento rin ni Rufa Mae na may nag-email kay Bobby tungkol sa mga lumalabas na tsismis tungkol sa kanya at kay Dennis. Galing daw ang mga balitang ito mula sa interviews sa kanya dito sa Pilipinas.
"Nagtanong siya kaya sinagot ko naman," lahad niya. "In fact, magkasama kami noong i-open niya yung email niya at ipabasa sa akin. In-explain ko naman sa kanya na may pelikula kasi kami ni Dennis. Kaya nagagawan kami ng tsismis because of the movie. Pero wala naman na ‘yon kasi friends na lang kami ni Dennis.
"In fairness kay Dennis, siya itong gumawa ng effort na maging okay kami habang nagsu-shooting. Mabait at masipag na tao ‘yang si Dennis kaya he doesn't deserve na matsismis ng hindi maganda.
"Naintindihan naman ni Bobby ‘yon. Sinabi ko naman din na ganyan dito sa showbiz. Kailangan sakyan mo lang or else, mapipikon ka talaga. Hindi ko naman siya masisisi kasi nga hindi naman showbiz yung tao. Corporate ang mundo niya kaya iba talaga kami," paliwanag ni Rufa Mae.
Malapit na nga raw ipakilala ni Rufa Mae si Bobby nang pormal sa mga kaibigan niya sa showbiz. Gusto naman daw niya na maging kumportable si Bobby sa mundo niya.
"Kasi yung mga friends naman niya, kilala ko na. Okey sila sa akin. Kaya gusto ko naman na makilala niya ang mga friends ko sa trabaho ko. Gusto ko kasing ma-feel niya na kahit magulo ang showbiz, okey din naman dito. Marami akong mga kaibigan na nagmamahal sa akin. Hinahanda ko naman na siya for that big event! Parang may launching siya, di ba?" tawa niya.
VIVA ARTIST. Pormal nang lumagda si Rufa Mae bilang isa sa talents ng Viva Artist Agency (VAA). Sunud-sunod ang mga projects na inihanda sa kanya sa taong ito. Kabilang na rito ang launching ng isang lite CD titled Four Sides of Rufa Mae at isang solo film titled Civil Status: Single na ididirek ni Jose Javier Reyes.
"Never naman akong pinabayaan ng Viva, e," sambit ni Rufa Mae. "Sa kanila na ako lumaki talaga. Mula sa pagiging extra, supporting, nag-sexy na ako, naging komedyante ako, pinagbida ako hanggang sa maging co-producer na nila ako. You name it, sa Viva nangyari lahat ‘yan. Kaya nga noong mag-renew ako ng kontrata ulit sa GMA-7, si Ma'am Veronique [del Rosario] ang kasama ko. VAA na talaga ang mag-represent sa akin."
Bukod sa SOP, Showbiz Central, at Bubble Gang, kasama rin si Rufa Mae sa bagong telefantasya ng GMA-7, ang Dyesebel.
