Beth Tamayo is already 30 years old.
Pero sa Ploning, pinabata ang kanyang edad. May eksena pa nga raw roon na sinabi niyang 24 years old lang siya't magtu-25 pa lang.
"Anak kasi ako ni Mylene Dizon. Nung tumanda na siya, she was played by Tessie Tomas, ‘tapos ako nga ang naging anak niya."
Kinailangan daw talagang pagmukhang bata pa siya sa Ploning. Isa sa mga paraang ginawa nila ang pagbabagong-ayos ang kanyang buhok.
"Kaya nga nagtatawanan na kami nung press preview ng Ploning. Kasi naka-braids nga ako. Sabi ko nga kay Ga [Dante Nico Garcia, Ploning's director], ‘Ga, papasok ba? Magmumukha ba akong nasa early twenties lang? Naku, tawanan talaga kami nung preview na nung movie."
Natuwa nga raw siya nang husto sa itsura niya sa movie kaya in-upload at naka-post na ang photos niyang naka-braid siya kanyang multiply account.
WANTED TO CO-PRODUCE. Co-producer si Judy Ann ng Ploning. Bilang matalik na magkaibigan, muntik na rin palang maging co-prod dito si Beth.
Nagkausap na nga raw sila ng isa sa producers ng Ploning na si Guia Gonzales.
"Nag-set na nga kami ng place and time to meet. Ang kaso lang, nung aalis na ako, kinuha lahat ni Johnny [Wong, her businessman husband] ang mga sasakyan sa bahay. May mga guests daw kasi siya from Hong Kong."
Although tinext niya si Guia na male-late siyang makakarating sa kanilang meeting, hindi pa rin siya nakarating dahil sa kawalan ng masakyan. Tinext na lang uli niya ito na i-move na lang ang oras at araw ng kanilang pag-uusap. Hindi na raw ito nag-reply.
Nanghihinayang man, umaasa na lang si Beth na sa next venture nina Juday at iba pang kapartner nito sa Ploning ay makaka-join na siya.
"'Di bale, marami pa naman silang ipo-produce," aniya pa.
