Hinihingal pa nang bumalik sa Imperial Palace Suites si Judy Ann Santos kagabi, April 27, past 6:00 p.m. Sumaglit kasi siya sa The Buzz para sa live guesting niya with her fellow Pantene image models na sina Gretchen Barretto, Claudine Barretto, and Ruffa Gutierrez na co-host din ng naturang showbiz talk show ng ABS-CBN.
Naghintay kasi sa kanya ang boyfriend na si Ryan Agoncillo, si Mother Lily Monteverde at ang anak nitong si Roselle Monteverde-Teo, ang manager ni Juday na si Alfie Lorenzo, at ang manager ni Ryan na si Noel Ferrer.
Sabi ni Juday ay 30 minutes lang daw siyang mawawala dahil promo lang ang gagawin nila, pero hinuli pala ang segment nila kaya natagalan bago siya bumalik. Kaya todo sorry si Judy Ann sa mga naghintay sa kanya at may "peace offering" siyang kiss kay Ryan.
Nag-sign kasi ulit ng one-year contract sina Juday at Ryan sa Regal Entertainment. Last year, bago rin nag-birthday si Juday, nag-sign sila ng two-picture contract each.
NEW CONTRACT WITH REGAl. Natapos na ni Ryan ang My Kuya's Wedding at si Juday ay natapos na rin ang shooting ng Kulam with Dennis Trillo. Ngayon, two-picture contract pa rin ang pinirmahan nila.
Si Ryan ay may isa pang solo movie and a movie na katambal si Juday. Si Juday naman ay one movie na pagtatambalan nila ni Ryan and another movie na pagtatambalan nila ni Richard Gutierrez.
Ang naiwan nilang contract last year na sila ang magkatambal ay magsisimula na rin ang shooting sa August. This will be directed by Jose Javier Reyes, na direktor din nila sa Kasal, Kasali, Kasalo at sa sequel nitong Sakal, Sakali, Saklolo.
After the contract signing, magka-holding hands na sumagot sina Juday at Ryan sa mga tanong ng entertainment press.
PINOY DREAM ACADEMY. Unang tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Judy Ann ang pakiramdam niya nang malaman niyang hindi na si Ryan ang magho-host ng Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN kundi si Billy Crawford na.
"Ayokong mag-isip ng hindi maganda," pauna ni Juday. "Pero siguro may nangyayari talagang ganoon. Siguro ang feeling, yung nagulat lang kami dahil sa diyaryo na lang namin nabasa. Okey lang siguro kung kami ang unang nakaalam, hindi na kami magugulat."
PANGKABUHAYAN SHOWCASE. Nilinaw na rin ng PEP kina Juday at Ryan ang balitang aalis sila at mag-i-stay sa abroad for one year.
"Yes, nakaplano na yun kapag natapos na namin ang mga commitments namin," pagkumpirma ni Ryan. "After we have settled down, may plano na kami for the future. Iyon, ipagpapatuloy niya [Juday] ang studies niya ng Culinary Arts sa abroad. Sasama ako, hindi para bantayan siya. Baka mag-work din ako doon at mag-aaral naman ako ng photography.
"We have our individual dreams, pero lahat ng mga nangyayari ngayon, para sa pangkabuhayan showcase namin!" nagbibirong wika ni Ryan.
Inulit namin ang paglilinaw kay Ryan sa pagsasabi niyang "after we have settled down." Ibig bang sabihin ay mangyayari ito kapag kasal na sila?
Natawa muna si Ryan bago sumagot.
"Actually, maaaring kasama na nga ‘yon," sabi niya. "Basta lahat ng plano namin, hindi mangyayari hanggang hindi namin natatapos ang mga commitments dito. Wala kaming iiwanang trabaho na nakabitin."
Sabi naman ni Juday, "Yes, ang plano ko kasi, ituloy ang studies ko sa Culinary Institute of America (CIA) dahil marami pa akong gustong matutunan para makapagpatayo ako ng business pagbalik namin dito. Naghanap kami ng branch ng CIA, although ang main school nila ay nasa New York, either sa Los Angeles or San Francisco, pero napili ko na kung saan, sa San Francisco.
"Si Ryan, ang main school din ng photography ay nasa New York. Pero napili na rin niya na sa West Coast, sa San Francisco siya mag-aaral para magkasama na rin kami.
"Pagdating sa kasal, wala pa kaming exact time frame. Basta aayusin muna namin lahat, mga papers... Lalo na ang papers ng anak kong si Yohan, at wala kaming iiwanang hindi tapos na trabaho," saad ng aktres.
Dagdag ni Ryan, "Marami na rin kaming pinasok na trabahong bago ngayon ni Judy Ann. Siguro sabihin na nating ito ‘yong life namin before and after Ploning dahil talagang inayos namin lahat ito.
"Siguro, tama na rin na hindi natuloy ang Pinoy Dream Academy sa first quarter of this year dahil nasamahan ko si Judy Ann sa shooting sa Cuyo, Palawan, at nagawa ko nga itong coffeetable book ng Ploning.
"May mga bumili nang mga friends namin ng book noong premiere night ng Ploning sa SM Megamall. Inaayos na namin kung saan ito puwedeng mabili kasi limited lang ang copies nito, 2,000 copies lang ang ipina-print namin. Ia-announce din namin kung kailan at saan ang book signing para sabay-sabay na."
BIRTHDAY PLANS. Malapit na rin ang 30th birthday ni Juday sa May 11. Ano ang plano ng aktres sa birthday niya?
"Usually naman, hindi talaga ako nagpapa-party sa birthday ko," sabi niya. "Basta may dinner lang ako with my family and sa family ni Ryan. Sa araw ng birthday ko, basta mawawala na lang kaming parang bula, sina Ryan at ang anak ko. Kung saan, hindi ko sasabihin dahil gusto ko sarili ko ang araw na ‘yon."
Last week of May ang schedule nila for their European trip with some friends. Pero hindi raw ‘yon bakasyon lamang dahil may shows din sila sa London, Milan, at Rome. ‘Tapos ay may pictorial din si Juday sa Ireland para sa TFC card. Last week of June na rin ang balik nila sa bansa.
So, ano ang unang trabaho ni Juday pagbalik nila?
"Baka mag-resume na ako ng taping ng Nars with Derek Ramsey dahil last year pa namin ito sinimulan. Sa movie, kung meron nang ready, puwede ko na ring simulan," sabi niya.
Ano na ang nangyari sa sitcom na pagsasamahan nila ni Ryan sa ABS-CBN?
"Wala pa po silang sinasabi sa amin," sagot ni Juday. "Hindi namin alam kung kailan ba sisimulan ‘yon. Noon, sabi nila magte-taping na raw kami, pero as of now, hindi pa nila kami ulit kinakausap," nakangiting pagtatapos ni Juday.