Pagkatapos magmudmod ng pera through a raffle—all in all, P100,000—sa kanyang birthday presscon si Angel Locsin noong Linggo, April 26, nagpaunlak ng interview ang young actress sa entertainment press at sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Ayon kay Angel, bukod kay Piolo Pascual na isa sa mga pangarap niya noon na makatrabaho, marami pa rin daw sa bakuran ng ABS-CBN ang dream niyang makasama. Ilan sa mga ito ay sina Aga Muhlach at ang comebacking actor na si Gabby Concepcion.
Masaya rin si Angel nang malaman na isa ang pangalan niya sa nabanggit ni Gabby na gusto nitong makatrabaho. Kung si Angel naman ang tatanungin, isa rin daw sa gusto niyang makatrabaho in the future ay ang anak nina Gabby at Sharon Cuneta na si KC Concepcion.
"Fan po ako ni KC," sabi ni Angel. "Alam po niya ‘yun. Nang magpunta po kami ng Cebu, sabay ho kaming nagpunta ng Cebu... Wala, starstruck talaga ko sa kanya. Ang bait ni KC. Kung paano n'yo siya hangaan sa TV, kapag na-meet n'yo na siya in person, ganoon din ho ang magiging reaction n'yo. Sobrang mai-in-love po kayo sa kanya."
Expected na raw ni Angel na may mga isyu talagang lalabas na posibleng mai-insecure siya sa pagpasok ni KC sa Kapamilya network. Pero, aniya, hindi totoo 'yon.
"Wala, wala akong masasabi," saad ni Angel. "Ganoon talaga yun. Parang ine-expect namin na paglalaruan nga ho yung anggulong ‘yon. Pero kami kasi, kapag kami ang nag-uusap, wala naman kaming ganoong napag-uusapan. Wala namang tension. Kasi, alam naman naming trabaho lahat.
"At saka, masaya kami dahil nadadagdagan pa ang nakakatrabaho namin. At saka, fan ako. Fan ako ni KC. Fan nga ako ng nanay niya. So, malabo, malabong mag-react ako ng ganoon."
Mas ayaw naman nang mag-react ni Angel sa isyung pagkikita raw nina KC at ng kanyang rumored boyfriend Luis Manzano sa isang restaurant sa ABS-CBN. Ayon kay Angel, walang dahilan para maapektuhan siya ng pangyayaring ‘yon.
"Bakit? Bakit, di ba? Wala akong nakikitang masama. Porke ba nagkita yung dalawa, may isyu na? Nakakahiya kay KC at nakakahiya rin naman kay Luis," sambit ng leading lady sa Lobo.
OYO'S TATTOO. Napag-usapan din at kinumusta kay Angel ang dati niyang boyfriend na si Oyo Sotto.
Kahit pareho na silang Kapamilya ngayon ay never pa raw silang nagkikita sa bakuran ng ABS-CBN. Hindi rin itinanggi ng dalaga na, unlike before, may nabago na talaga sa closeness nila.
"Noong birthday ko, binati naman niya ako. Pero medyo may nagbago na rin. Siyempre, noong dati, bago naging kami, utol... Nang mag-break kami, utol pa rin. Pero medyo may nabago na run ng konti. Hindi na kami ganoon ka-close.
"I mean, ganoon pa rin yung respeto sa isa't isa. Yung care, nagki-care pa rin. Pero hindi na kami yung ganoong every day nag-uusap.
"Well, siguro ganoon na rin talaga yun. Hindi na ako magkukunwari pa...wala na, di ba? Parang imposible rin naman na ibalik pa yung dati. Pero ganoon pa rin. Nagke-care pa rin naman ako sa kanya. Nirerespeto ko pa rin siya," pahayag ni Angel.
Naitanong din kay Angel ang tattoo na ipinalagay ni Oyo noong sila pa. Nandoon pa rin daw kaya yung pangalan niya?
Natawa ito nang sabihing, "Hindi ko nga alam, e. Baka imbes na Angel, Angelo na! Hindi ko alam, e. Hindi ko alam. Sabi niya sa akin, hindi niya ipapatanggal. Pero katawan niya yun, e. Siya yun. Desisyon niya yun."
Kung maisipan man daw ni Oyo na ipatanggal ang tattoo na ‘yon, hindi raw siya masasaktan.
"Hindi, kasi hindi naman ako ang nagpalagay ng tattoo na ‘yon. At saka, importante naman siya sa akin. Wala naman yun sa tattoo-tattoo," pagtatapos ni Angel.
