Pumirma na ng exclusive three-picture contract si KC Concepcion sa Star Cinema kaninang umaga, April 30, sa 14th floor ng ELJ Bldg. sa ABS-CBN.
"I feel like a star!" sabi ni KC sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makausap namin siya over lunch.
Magsisimula ng shooting si KC for her first movie sa third week of May pagbalik niya from France. Bukas, May 1, ay aalis si KC papuntang Paris, kung saan siya nag-aral. One week lang daw siya doon at titira siya sa bahay ng kanyang kaibigan.
Bakit siya pupunta ng Paris?
"Ay, vacation," sagot ni KC. "Kasi this is the longest I've been away since four years ago. Paris is my second home. Yung the moment na nag-debut ako, umalis na ako para tumira mag-isa doon."
Hindi kaya sumunod sa kanya sa Paris ang nababalitang leading man niya for her first film na si Richard Gutierrez?
"Pero, di ba, may Dubai siya for ano [Asero]? Di ba, nasa TV? Nasa PEP? I do my research," natatawang sabi ni KC.
RICHARD AS KC'S LEADING MAN? Sa August nakatakdang ipalabas ang first movie ni KC. Ayaw pang kumpirmahin, pero malaki ang posibilidad na si Richard na nga ang leading man ni KC. In fact, nakita namin ang ina at manager ni Richard na si Anabelle Rama na nakipag-meeting sa opisina ni Malou Santos sa Star Cinema last Friday, April 25.
"Tita Malou, naka-meeting ninyo si Tita Annabelle? Ano yung meeting na yun, Tita?" birong sabi ni KC sa head ng Star Cinema.
Bukod kay Richard, si Piolo Pascual ang naka-line up na maging leading man ni KC for her third film sa Star Cinema.
Ano ang tingin ni KC kay Richard bilang leading man?
"Ay, nirerespeto ko naman ang leading men ng ABS-CBN at GMA kasi yung trabahong yun, hindi madali. Puyatan, ‘pag tao pagod, pagod. Sila yung nagli-lead ng mga shows nila, ng mga leading lady nila, ng buong cast... Kumbaga, sila ang tinitingala ng mga tao. So kahit sino'ng leading man, kung sino ang mapili ng Star for me, sobrang magiging appreciative ako."
What about her personal feelings for Richard?
"Hindi, friend lang kami ni Chard. Parang ang showbiz ng dating? Friends lang!" tawa ulit ni KC.
May constant communication ba sila?
"Oo," sagot ng dalaga. "Ano naman kami, e, we're getting to know each other. Friend ko siya. Walang pressure, wala kaming ibinibigay na pressure sa isa't isa. Kung ano ang mangyayari, yun ang mangyayari. Masaya siyang kasama. Masaya siyang kausap. Hindi naman siya mahirap mapalapit sa akin. Hindi naman siya mahirap lapitan."
Nanliligaw na ba sa kanya si Richard?
"Ayokong sabihin na ligaw yun. I'm sure siya rin ayaw niyang sabihn na panliligaw ang nagaganap. Pero friends kami. I mean, talagang we're getting to know each other. Kung anuman ang mangyari in the future, basta kami, we're young, we're free, we're both single, we're happy, and marami kaming gustong gawin sa buhay. Doon, pareho kami," pahayag ni KC.
Sabi ng ate ni
Richard na si Ruffa Gutierrez sa The Buzz, ang bagal-bagal daw ng kapatid niya
sa panliligaw kay KC. Ano ang masasabi niya rito?
"Talaga? Yun din ang naririnig ko. Mabagal siya...daw!" tawa niya.
Nababagalan ba siya kay Richard?
"Wala naman hong nangyayari, e," ngiti ni KC.
SHARON-GABBY MOVIE. Naitanong din namin kay KC kung ano ang mga paborito niyang pelikula ng ina niyang si Sharon Cuneta. Favorite daw niya ang Friends In Love, Madrasta, at Maging Sino Ka Man. Sana nga raw ay makagawa ulit ng movie ang Mommy Sharon at Papa Gabby niya.
"Kasi nga, di ba, doon naman nangyari ang pamilya namin? Doon naganap ang mga pangyayari. Doon ako nabuo, di po ba?" sabay tawa ni KC.
Alam ba niya kung anong pelikula noon ng kanyang mga magulang siya nabuo?
"Parang ayokong ma-imagine. Mixed emotions ako diyan sa scenario na ‘yan," sagot niya.
Ipinaalala namin kay KC ang ilang memorable lines sa past movies ng kanyang mga magulang, gaya sa My Only Love, kung saan sinabi ni Sharon kay Gabby nang binigyan siya ng bracelet na ayaw niya ng dedication dito na ‘My No. 1.': "Kasi ‘pag number one, may number two, may number three... Gusto ko my only love."
"Naku, kailangan kong mag-research para may ibabato rin ako na linya sa movie nila!" natatawang reaksiyon ni KC. "Sana yung mga linya ko sa pelikula, one day ganyan din. Di ba, nakakatuwa?"
Ano ba ang favorite line niya sa isang pelikula?
"I'm just a girl... Standing in front of a guy. Asking him to love me," kinikilig na pag-e-emote ni KC sa eksena ni Julia Roberts kay Hugh Grant sa pelikulang Notting Hill.
"Julia Roberts, ikaw ba ‘yan?" biro namin kay KC.
"Hindi pa. Pang-teatro pa rin daw ang acting ko, e. May nagsasabing ganun," sabi naman ni KC.
NEGATIVE COMMENTS. Hindi ba siya napipikon sa gano'ng comments?
"I love it!" bulalas niya. "Ibig sabihin, puwedeng stage, puwedeng TV, puwedeng pelikula. Kapag nag-imporve ako, siyempre, nako-conscious pa rin ako. Pero maganda yun, e. Kasi at least nalalaman mo. Kasi pag lahat ng tao nag-a-agree lang, tapos puro na lang positive, ay, ano na ang mangyayari sa ‘yo? Hindi ka na mag-i-improve. E, di magtago ka na lang sa bahay."
Ano ang birthday gift sa kanya ng Mommy Sharon at Papa Gabby niya?
"Ay, magkikita kami after here. Baka doon niya [her father] ibigay. Si Mommy, well, kasi umalis din siya papuntang London. Yung mga ibinigay niya for now, mga popcorn dates. Na nanonood kami ng mga episodes ng I Am KC na alam niyang special sa akin, na sabay kaming manood habang kumakain ng tsitsirya. Tapos tumatawa siya at nagbibigay siya ng comment," lahad ni KC.
