Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang managing director ng Star Cinema na si Ms. Malou Santos sa contract signing ni KC Concepcion kaninang umaga, April 30, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.
More or less, si Malou ang best person to ask kung ano talaga ang status ng possible team-up nina KC at Richard Gutierrez sa big screen at ang kauna-unahang produksiyon na pagsasamahan kung saka-sakali ng Star Cinema at GMA Films.
"Namimili pa lang kami ng leading man," sabi ng soft-spoken Star Cinema head. "Kumbaga, isa siya [Richard] sa choices, definitely. Kasi, di ba, marami namang leading man? So hindi namin inaalis na puwede rin."
Kung gayon, malaki talaga ang posibilidad na matuloy ang tamablang KC-Richard sa big screen?
"Depende sa agos ng buhay," matalinhagang sagot ng lady executive. "Sa ngayon, maaliwalas. Maaliwalas ang sikat ng araw. Kaya baka mag-continue maging maaliwalas."
Ano ang initial reaction nila nang dumating ang offer ng GMA Films na willing silang makipagkasundo sa Star Cinema sa isang proyekto?
"Maraming bagay na puwedeng mag-work together, not necessarily magsama, di ba? Parang ganun lang ang ibig kong sabihin at this point. Kumbaga, positive naman sa lahat, e. There are a lot of business opportunities na puwedeng gawin together, not necessarily magsama."
Sa naturang contract signing ay humabol si Joyce Bernal na siyang magdidirek ng first film ni KC sa Star Cinema. Dito nakita naming magkaabay sila ni Malou.
Matatandaan na nagulat si Direk Joyce nang malaman niya na hindi na pala siya ang magdidirek ng comeback movie ni Joseph Estrada, kasama si Ai-Ai delas Alas. Hindi raw siya nasabihan ng Star Cinema na pinalitan na siya ni Direk Wenn Deramas for the said movie project.
"Ah, actually, fault ko yun na hindi ko nasabi sa kanya. Pero may understanding kami because meron pa siyang ibang gagawin na pelikula. But now, alam na niya," paliwanag ni Malou.