"I'm very sure, mayroon namang plano. Kaya lang, mas magandang pag-usapan kung nariyan na. So far, busy naman kasi ako sa sunud-sunod na projects at may inaasikaso pa akong business," says Ai-Ai delas Alas about her next TV project.

Photo: Noel Orsal

Magkaiba ang pahayag nina Ai-Ai delas Alas at Direk Wenn Deramas tungkol sa proyektong may pamagat na Ang Tanging Ina Ninyong Lahat. Sabi ni Ai-Ai, pang-Metro Manila Film Festival daw ito para sa Disyembre; samantalang ang sabi naman ng direktor, nakatakda na silang mag-shoot this May for a July playdate.

 

Anyway, magkaiba man ang sinabi nila sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa nakatakdang sequel ng matagumpay na Ang Tanging Ina (2003), heto at sabay silang nagpu-promote para sa forthcoming Viva movie na Ikaw Pa Rin (Bongga Ka, Boy!).

 

"Ibang klaseng excitement dahil nga si Robin Padilla ang kapareha ko, for the first time," sabi ni Ai-Ai. "Iba talaga si Robin, at silang dalawa lang ni Bong [Revilla] yung gumanap na leading men ko talaga, na kami yung masasabing mga bida talaga sa pelikulang nagawa namin.

 

"Mahirap ikumpara sila ni Bong. Noong ginawa namin ang Kapag Tumibok ang Puso with Senator [Bong], para kaming mga cartoons doon. This time, kami ni Binoe [palayaw ni Robin], as in may love angle talaga na na-develop, and I'm sure matutuwang sundan ito ng mga manonood."

 

Usap-usapan siyempre ang ilang intimate scenes nila ni Binoe sa kanilang bagong movie.

 

"Okey ang lasa ng lips ni Robin!" nakatutuwang sabi ni Ai-Ai. "Mayroon kasing halik na mararamdaman mo at malalasahan mo yung laway, pero yung kay Robin, parang hindi ganoon. He's a good kisser. May chemistry ang mga laway namin!

 

"Basta, tinira ko si Robin! At kung paano ko siya tinira, nangyari yun sa loob ng kotse. Hanapin na lang ninyo ang eksenang yun sa pelikula," at napahalakhak si Ai-Ai.

 

Ang malaking pagkakaiba nga raw ay yung hindi animated ang kilos at paraan ng pagpapatawa niya sa Ikaw Pa Rin.

 

"Naisip kasi namin nina Direk Wenn, ibahin yung style. Para hindi naman kasawaan. Yung this time, sa istorya at situwasyon nakatutok. Hindi ako parang cartoons dito sa movie. At ang kaibahan din nito, isa akong doktora sa kuwento nito. As in doktora ng mga hayop [veterinarian]," nakatawang dugtong uli ng komedyana.

 

BONGGACIOUS MOVIE CAREER. Bongga ring maituturing ang movie career ni Ai-Ai. Kahit nga pagkatapos ng Volta ay mukhang walang immediate plans sa ABS-CBN for a new show na magtatampok sa kanya, kampante pa rin si Ai-Ai sa mga kaganapan sa kanyang buhay.

 

"I'm very sure, mayroon namang plano," sambit niya. "Kaya lang, mas magandang pag-usapan kung nariyan na. So far, busy naman kasi ako sa sunud-sunod na projects at may inaasikaso pa akong business, yung Ai Sarap sa may tapat ng ABS-CBN, na twenty-four hours, at dapat na hands-on ako doon."

 

Kinumusta rin namin kay Ai-Ai ang pelikulang pagtatambalan nila ng dating pangulong Joseph Estrada.

 

"Mukhang made-delay at baka sa August na kami mag-shoot," banggit ng comedienne. "Ang alam ko, ipapaayos ni Erap yung tuhod niya, at saka gusto niya in top shape siya 'pag nagsu-shoot kami"

 

What excites Ai-Ai even more ay makakasama niya halos ang original cast ng blockbuster na Ang Tanging Ina sa sequel nito.

 

"Pati si Nikki Valdez na wala na sa limelight, may mga eksena siya sa Canada kung saan doon na siya naka-base ng husband niya," masayang sabi ni Ai-Ai. "Umoo si Marvin Agustin, at okey naman daw sa GMA-7 na lumabas uli siya sa Star Cinema. Sila kasi yung original na mga anak ko sa movie, di ba?

 

"Ang hindi na lang talaga pupuwede ay si Heart Evangelista dahil nakalipat na siya sa GMA-7 at exclusive na siya doon, and we're sure mahirap na siyang payagan pa."

 

Naitanong din ng PEP kay Ai-Ai kung ano pa ba ang gusto niyang magawa sa comedy.

 

"Yung parang sa Borat, pero hindi naman ganoon ka-brutal na may ipinapakita na!" sabi ni Ai-Ai. "Mahirap kasing ma-achieve yun dito sa Pilipinas dahil kilalang-kilala na ako. Mas maganda talaga kung isu-shoot sa ibang bansa, na parang reality show ang dating.

 

"Palagay ko, magki-click yung ganoon. Yung talagang unpredictable kung ano ang mangyayari. Basta shoot lang nang shoot, at bahala na kung anong klaseng katatawanan ang lumabas," pagwawakas ni Ai-Ai.