Ginagawan ng isyu ngayon ang anak ni Robin Padilla na si Kylie tungkol kay Mark Herras. Magkakasama silang tatlo sa action-adventure series ng GMA-7 na Joaquin Bordado, at napabalita ngang pinopormahan ni Mark si Kylie.
"Hindi ko yata alam 'yan," medyo napag-isip si Robin nang kausapin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol dito. "Pagdating sa ganyang bagay, nirerespeto ko naman ang privacy ng anak ko. Personal na bagay rin 'yan, kung ganoon.
"Pero hindi ako naniniwalang may namamagitan sa kanila ni Mark. Sa akin kasi, eventually, liligawan at liligawan ang mga anak kong babae. Pero ang pakiusap ko lang sa kanila, yung makatapos sila ng pag-aaral at kaya nga pinayagan ko silang mag-artista, para tumutok din sila rito.
"Para sa akin kasi, hindi laro lang itong pinasok nila. Nagtitiwala ako sa kanila na mag-aartista sila, hindi lang dahil sa hilig nila, kung hindi yung kahit paano, may ma-achieve sila rito," pahayag ng action superstar.
Hindi naman daw kailangang makipag-usap ni Robin kay Mark dahil nga nagtitiwala naman siya kay Kylie. At saka nalalagyan lang daw yun ng malisya dahil nagkakasama-sama sila sa taping ng Joaquin Bordado.
IKAW PA RIN. Bonggang-bongga naman ang pagka-comic ni Binoe sa Ikaw Pa Rin (Bongga Ka, Boy!), ang pelikula niya with Ai-Ai delas Alas under Viva Films. Sa trailer pa nga lang ng pelikula, kitang-kita na pinaguwapo pa siya nang husto sa mga close-up niya.
"Kaya nga pinakasalan ko na si Direk Wenn [Deramas]!" natatawang sabi ni Binoe. "Seriously, masaya talaga ako habang ginagawa ang pelikula dahil nag-a-adjust ang lahat sa akin. Ayoko sana ng ganoong klaseng star treatment, pero yung energy ko kasi, tao lang ako.
"Grabe kung mag-taping kami para sa Joaquin Bordado habang sinu-shoot namin ang pelikula. May time na kagagaling ko lang sa taping, naka-schedule na ako para sa shooting. Ang ginagawa ni Direk, kahit pumunta ako sa set, pinababayaan na muna niya akong matulog sa van, 'tapos uunahin niya yung mga eksenang hindi ako kasama.
"Kapag nakatulog na ako nang mahaba-haba, at saka niya ako ipagigising. Kaya kahit paano, fresh na fresh ang dating ko, bukod sa inaalagaan ako sa makeup, sa style ko sa pelikula," nakangiting kuwento ng aktor.
Sinabi rin ni Binoe na ang leading lady niya sa Ikaw Pa Rin na si Ai-Ai delas Alas ang tila totoong ka-match niya sa maraming bagay.
"Si Ai-Ai kasi, kumbaga sa lalaki, gentleman," sabi ni Robin. "Lagi niyang inaalala ang kapakanan ko. Kailangan, kung may interviews na ganito, kasama ako. Lagi niyang tinatanong kung nakakain na ba ako, yung ganoong maliliit na bagay para sa akin, malaki ang kahulugan. Naa-appreciate ko yun."
Kilala si Binoe sa pagiging gentleman at kapag may leading lady siya, first and foremost, ang kapakanan nito ang iniintindi niya.
"Sa amin ni Ai-Ai, mas higit yung pag-intindi niya sa akin," sabi niya. "Ngayon pa lang nga, hinahanap-hanap ko ang ganoong pag-aasikaso niya sa akin sa set sa iba kong nakatatrabahong babae.
"Hindi naman sa nagde-demand ako, pero masarap lang sa pakiramdam na kung ganyang pagod ka, mayroong nagtatanggal ng pagod mo at puyat kasi naaasikaso ka. Honestly, yun ang naramdaman ko kay Ai-Ai habang tinatapos namin yung pelikula namin sa Viva."
THE "SOP" INCIDENT. Naging isyu rin ang sinasabing pagkapikon ni Binoe sa pagbibiro ni Rico J. Puno sa remote segment ng SOP noong April 20. Nagbiro kasi si Rico na mas "malaki" naman daw ang kay Ogie Alcasid kaysa kay Robin dahil minsan ding na-link si Binoe kay Regine Velasquez na very much in a relationship with Ogie.
"Wala naman yun, kaya lang, parang shocking yata na sa katanghaliang tapat on national TV, ganoon ang maging paksa ng usapan. Hindi sa nagmamalinis o nagmamagaling, kaya lang, yung reaksiyon ko, normal lang yun. May mga natatawa siguro, pero paano yung mga batang hindi makakaintindi ng ganoong biro, di ba?
"No, hindi ako napikon kay Rico J. Alam ko na ganoon na siya. Kaya lang, nakapag-react ako, kasi parang nalagay na naman sa alanganin si Regine, at pati si Ogie, e, pareho kong kaibigan 'yan.
"Nasangkot pa ako sa situwasyong ganoon, na parang nakakahiya. E, ganoon talaga si Rico J. Kailangan lang na ma-call natin yung attention. Pero no big deal sa akin," paliwanag ni Robin tungkol sa bad joke.