Naisulat na rito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang balitang ayos na ang problema sa pagitan ni Gabby Concepcion at ng GMA Films. Nagkasundo na sila na tuloy na ang paggawa ng pelikula ng nagbabalik na aktor sa film arm ng GMA-7.
Ayon sa report, ang pelikula ni Gabby sa GMA Films ay ididirek ni Jose Javier Reyes samantalang si Iza Calzado naman ang makakapareha niya.
"Napag-uusapan ‘yan. Okay na 'yan in principle, sinasala na lang ang mga detalye. Sana lang, matapos na ito para nga mawala na yung burden ko. I am sorry, hindi ko po sinasadya yang mga ganyang mga pangyayari," pahayag ni Gabby sa panayam sa kanya ng PEP.
Okay lang ba sa kanya na makapareha si Iza sa pelikula?
"Kilala ko siya, she's okay," sagot ni Gabby. "Kahit sino naman, okey sa akin. I don't want to say na mas prefer mo si ganyan o si ganito. Basta sa akin, kahit na sino pa, okey naman."
Inamin ni Gabby na hindi niya kabisado ang mga artista ng GMA-7, pero kilala niya si Iza at si Marian Rivera. Napanood din daw niya ang Marimar noong nasa Amerika pa siya.
Hindi pa raw alam ni Gabby kung kailan sisimulan ang shooting ng pelikula niya with GMA Films. Pero malamang na mauna ito kaysa sa pelikula niya sa Star Cinema.
Kinumpirma rin ni Gabby ang paggawa niya ng teleserye sa ABS-CBN na may pamagat na Iisa Pa Lamang. Makakasama niya rito sina Claudine Barretto, Diether Ocampo, Angelica Panganiban, at Ms. Susan Roces.
"Nagulat nga ako, ibang-iba na talaga ang showbiz ngayon. Iba na talaga ang atake nila. Like itong teleseryeng gagawin namin, nagkaroon na kami ng story conference. Lahat talaga, nilinaw sa amin. Kung paano ang itatakbo ng istorya...basta everything about it. Kinukuha nila yung aming opinion and I think that's good. Hindi gaya noon, si Mother [Lily Monteverde] ‘pag sinabi niya, yun na. Nagugulat talaga ako, ibang-iba na," lahad ng aktor.
Sa May 10 na raw magsisimula ang taping ng una niyang teleserye sa Kapamilya Network.
Ano naman ang masasabi niya na di hamak na mas bata kaysa sa kanya ang magiging leading ladies niya?
"Oo nga, like si Claudine, when I was here, she was like this age lang. Ngayon, siya na ang ka-patner ko. I think, mga fifteen years din ang age disparity namin. But it's okay, hindi pa naman ako mukhang matanda, hindi ba?" pagpapakuwela ng 45-year-old actor.
Kilala naman daw ni Gabby halos lahat ng mga sikat na artista dito sa Pilipinas. "Because I regulary watch TFC," sabi niya. "At yung mga friends ko, lalo na yung mga bagong dating, I ask them, ‘Sino bang sikat doon, sino bang magaganda?' And they tell me, kaya kilala ko halos lahat sila.
"Nanonood din ako ng mga teleserye doon. Yung Maging Sino Ka Man, pinanood ko. So I could see kung paano na talaga. Nakikita ko na mas gumanda ang takbo ng mga istorya, lumalalim talaga," lahad ng aktor.