Ang larawang ito ay kinuha matapos ihatid ng mag-asawa sa pinto ang mga nagpapaalam nilang bisita. Bago pa man nag-pose ng ganito ang mag-asawa para sa PEP ay nag-lips-to-lips muna sila. Halatang-halata na masayang-masaya—lalo na si Goma—sa masayang gabing nagdaan.

 

Click here for more photos.

Photo: Emerson Sy

 

Kagabi, May 1, ay masayang idinaos ng mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres ang kanilang ika-sampung anibersaryo bilang mag-asawa. Ang tunay na date ng kanilang kasal ay April 28, pero itinaon na nila sa holiday na May 1 (Labor Day) ang kanilang party.

 

Matatandaang ikinasal sila sa St. Peter and Paul Parish Church sa Ormoc City (bayan ni Lucy) noong April 28, 1998, isang taon matapos makamit ni Richard ang matamis na "oo" ni Lucy, na aminadong long-time crush niya ang matniee idol ng dekada otsenta.

 

Nagkakilala ang dalawa noong gawin nila ang isang TV commercial para sa Lux shampoo noong 1993, na nasundan ng isa pa noong 1997.

 

Samantala, isang formal sit-down dinner ang inihanda ng mag-asawa para sa kanilang malalapit na mga kaibigan, na karamihan ay masasabing non-showbiz.

 

Ang pagtitipon ay ginanap sa Felix restaurant sa Greenbelt 5 sa Makati City na sosyong pag-aari ng magkakaibigang Ben Chan (na siyang ring may-ari ng Bench chain of stores), ang pamosong chef na si Florabel Kho (na siya ring may-ari ng Florabel sa Podium sa Ortigas, kung saan kasosyo rin niya si Ben Chan), at si Lucy Torres, na first time mag-venture sa food business.

 

"Naku, maliit na maliit lang naman ang amin dito," natatawang sabi ni Lucy nang batiin namin ang pagsabak niya sa business.

 

May dalawang linggo ring pinaghandaan ng mag-asawa ang anniversary party nilang ito. Sa paunang text invitation ni Goma (palayaw ni Richard) sa YES! magazine at PEP (Philippine Entertainment Portal) ay pabirong sinabi ng aktor, "Kailangan nating mag-celebrate dahil konti na lang kami [sa showbiz] na nagtatagal ang pagsasama."

 

At dahil espesyal ang pagtitipon, nais na ring ipagmalaki ni Lucy—pati na rin nina Ben at Florabel na kapwa naroon at nakiki-istima—ang masasarap na putahe ng Felix restaurant, na ipinatikim nila sa kanilang mga bisita.

 

Bukod sa nonstop na paghahain ng mga appetizers at wine (both red and white), binusog ang lahat ng mga bisita sa espesyal na menu na binubuo ng: Crispy Prawns Salad with Tropical Fruits and Assorted Greens in Sesame Oil, Essence of Malunggay Soup with Tofu, and a choice of US Beef Top Blade in Truffle Sauce Served with Twice bake Potato & Broccoli Flowers or Grilled Lapu-lapu wrapped with Bacon in Lemon Butter sauce Served with Vegetable Risotto & Fresh Green Asparagus bilang main course.

 

Kabilang sa celebrities na nagsidatingan kagabi upang bumati at makisaya sa mag-asawa—pati na rin sa kanilang magandang unica hija na si Juliana—ay sina Armida "Tita Mydz" Siguion-Reyna, kasama ang asawang si Atty. Leonardo at ang kanilang manunulat na manugang na si Bibeth Orteza (sumunod lamang ang asawa nitong director na si Carlitos Siguion-Reyna); ang mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama na sinundan ng kanilang anak na si Raymond Gutierrez, host ng Philippine Idol, na kasama naman sina Ehra Madrigal at Bubbles Paraiso (mga kliyenteng talent ni Annabelle).

 

Pasado alas-diyes na ng gabi naman nang patakbong dumating ang kakambal ni Raymond na si Richard Gutierrez. Inabutan kasi ito ng biglaang pagbuhos ng summer rain habang binabaybay ang boardwalk Greenbelt 5. Si Richard ay very open sa pagsasabing idol niya ang kapangalan at ka-initial niya, si RG o Richard Gomez.

 

Samantala, nagsidatingan din ang ilan pang kaibigan ng mag-asawa, katulad na lamang ng Regal Films producer na si Mother Lily Monteverde; ang kanilang "Ma'am Wilma" sa GMA-7 na si Wilma Galvante; si Ms. Susan Roces, kasama ang manager at kaibigang si Dolor Guevarra at ang asawa nitong director na si Boots Plata; at ang co-manager ni KC Concepcion na si Shirley Kuan.

 

Naroon din si "Bespren" John Estrada ni Goma, gayundin ang malapit ding kaibigan ng aktor na si Jayvee Gayoso, na player ng Ginebra dati.

 

Namataan din namin sa isang sulok ang aktor na si Dino Guevarra, kasama ang kanyang non-showbiz lady love.

 

Present din siyempre ang mga magulang ni Lucy, kasama ang kanyang kapatid na si Mat; ang manager ng Gomez family na si Douglas Quijano; ang Bench at HerBench family nina Lucy, Goma, at Juliana; ang mga taga-L.E.N. Plus, Inc. (isang event organizing-venture) sa pangunguna ni Marilen Nuñez; mga kaibigang makeup artists, gaya nina Juan Sarte at Chechel Joson; ang paboritong fashion designer ni Lucy na si Randy Ortiz; at ilang mga katropa ni Goma sa kanyang mga hilig, gaya ng baseball, fishing, golf, at kung anu-ano pa.

 

Sa maikling pakikipagtsikahan sa mag-asawa, nalaman ng PEP na ang kanilang anniversary wish ay ang mabigyan na ng kalaro si Juliana.

 

"We've been trying," nakangiting sabi ni Lucy.

 

Click here for more photos.