Hindi na bago kay Mylene Dizon ang gumanap na kontrabida dahil ilang beses na niyang ginawa ito sa mga soap operas at pelikula.
Inaamin naman ni Mylene na enjoy siyang magkontrabida lalo na kung maganda ang character na ginagampanan niya. Ilan sa mga naging memorable na contravida roles ni Mylene ay sa mga soap opera na Sa Dulo ng Walang Hanggan, Tabing Ilog, at Princess Charming.
Hindi rin choosy si Mylene pagdating sa trabaho. Sa panahon ngayon na dalawang TV networks lang daw ang nagbibigay ng trabaho sa mga artista, kapag okey daw ang offer, gina-grab agad ito ni Mylene.
"Mag-inarte pa ba ako?" sabay tawa ni Mylene. "May pinag-aaral at binubuhay akong bata, I have no right to be choosy, di ba? Ang sa akin lang, trabaho ito at kung sino ang mauna, doon muna ako. Like dito sa Dyesebel, ang bongga ng role na ibinigay sa akin bilang si Dyangga. Siya ang pinaka-inggiterang kontrabida ni Dyesebel, kaya I'm honored to do it.
"Tsaka, ang project ay Dyesebel. Talagang panonoorin ito ng marami. Kaya hinahanda ko na ang sarili ko na maraming magagalit sa akin kasi pahihirapan ko nang husto si Marian Rivera dito. At ang ganda ng costume ko dito. Hindi ko kinaya ang buntot ko! First time ako na naging sirena at enjoy!" bulalas ng aktres nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Wala nga raw taping na hindi nagagalit at nagsusungit si Mylene kay Marian. Pero kapag wala raw silang taping ay nagkukuwentuhan sila parati.
Kuwento ng aktres, "Nakatrabaho ko na si Marian sa isang soap drama na ginawa ko for TAPE, yung Agawin Mo Man ang Lahat. Nagsisimula pa lang that time si Marian. As usual, kontrabida na niya ako noon. Parang nag-reunion lang kami sa Dyesebel. Pero this time, mga isda na kaming nagtatarayan.
"Masaya ako for her kasi she's really doing good. Natupad na rin ang mga dreams niya na maging maganda ang takbo ng showbiz career niya. Wish ko na magtuluy-tuloy pa ang magandang kapalaran na ito for Marian," asam ni Mylene.
