Sa ikalawang pagkakataon ay gagampanang muli ng young actor na si Dennis Trillo ang role na unang ginampanan ni Christopher de Leon sa pelikula.
Pagkatapos ng Sine Novela na Kung Mahawi Man ang Ulap, mapapanood ang young actor sa remake ng 1986 Viva Films movie na Magdusa Ka. Makakasama rito ni Dennis sina Katrina Halili sa role dati ni Dina Bonnevie at Iwa Moto sa papel dati ni Pinky Amador. Magsisimula ang Magdusa Ka, na idinirek ni Maryo J. de los Reyes,sa mismong araw ng kaarawan ni Dennis, May 12, sa Dramarama sa Hapon ng GMA-7.
Sa presscon ng Magdusa Ka na ginanap kagabi, May 7, sa Plaza Ibarra sa Timog Ave., Quezon City, naitanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Dennis kung kumportable na siyang gampanan ang mga dating roles ng Drama King na si Christopher sa movies.
"Hindi naman sa kumportable na," simula ni Dennis. "Kasi dalawang beses pa lang naman akong gaganap ng mga roles dati ni Christopher de Leon. Pero siguro it's more on masaya na ako ang napiling gumanap ng magagandang role at mas natsa-challenge ako."
Ang Zaido ang last regular primetime series ni Dennis sa GMA-7, pero wala raw kaso sa kanya kung bigla siyang ibinalik sa afternoon series.
"Actually, ang nangyayari kasi, after kong mag-primetime, meron akong Dramarama sa Hapon. Natutuwa ako nang husto dahil nararamdaman ko na nandiyan ang GMA para suportahan ako sa lahat ng mga endeavors ko sa buhay. Lalo na sa trabaho ko at mga projects na natatanggap ko. At masayang-masaya ko dahil isang obra maestra ang pagbabasehan namin ngayon," pahayag ng young actor.
Hindi rin naniniwala si Dennis na kapag afternoon series ang programa ay hindi ito kasing garbo ng mga primetime series.
"Alam n'yo, depende ‘yan," sabi ni Dennis. "Yung huling ginawa naming pang-hapon, Kung Mahawi Man ang Ulap, siya yung nag-set ng record na pinakamataas na rating sa hapon—naka-27.8 [percent] siya. At kahit na pang-hapon siya, yung performance namin at quality or output ng mga projects namin, kasing-quality siya ng primetime.
"So, alam n'yo yun, mapa-Dramarama sa Hapon or mapa-primetime, basta magaling ang trabaho mo, magaling ang mga katrabaho mo, director... Sa tingin ko, papantay yun kahit anong primetime shows pa ang itapat mo diyan."
MACHO-DANCING SCENE. Medyo offbeat ang character na ginagampanan ni Dennis sa Magdusa Ka dahil may pagka-barumbado siya rito, na malayung-malayo sa good roles na ginagampanan niya noon.
Napapalakpak nga ang karamihan ng entertainment press sa presscon nang ipinakita ang AVP (audio-visual presentation) ng Magdusa Ka, kung saan may macho-dancing scene si Dennis. Tinanong ng PEP si Dennis kung paano siya napapayag na gawin ang naturang eksena.
"Oo nga, e!" natawa rin niyang sabi. "E, kasi, di ba, minsan meron tayong ginagawa na tayo lang mag-isa, di ba? Kapag wala kang magawa, susubukan mo lang gawin. So naisip ko, kaya ko rin pala, e. Naiisip ko baka in the future, kailangan kong gawin. So hayan nga, may ganyan nang pagkakataon."
Inamin din ni Dennis na bago pa man niya gawin ang naturang eksena sa Magdusa Ka ay mga mga pagkakataon na sinusubukan niyang sa harap ng salamin kung paano ang tamang paggiling na parang macho dancer.
Pero nilinaw ng young actor na hindi macho dancer ang papel niya sa naturang Sine Novela. Sa eksena raw kasing ‘yon ay hinamon siya ng character ni Katrina na makikipag-date lamang siya kay Dennis kung sasayaw siya na parang macho dancer.
Tinanong din namin si Dennis kung posible bang simula na ito ng more daring roles for him
"Siguro... Actually, wala pa ‘yan. Pero wala akong planong mag-bold, okay?" nakangiti niyang sabi. "Patikim lang ‘to. Kumbaga, para maging interested ang mga tao sa akin at may makita silang bago sa akin."
TOP KAPUSO LEADING MEN. Sa hanay ng mga young actors sa Kapuso network, isa si Dennis sa maituturing na top leading man. Pero tila ngayon, kung ira-rank ang top three actors ng GMA-7, tila pumapangatlo na lang siya kina Dingdong Dantes at Richard Gutierrez in terms of popularity or hotness. Ano ang reaksiyon dito ni Dennis?
"Actually, ano, e, hindi ako nakikipagkumpitensiya sa kahit na sino. At basta may trabaho ako... pare-pareho naman kaming may trabaho. Para-pareho kaming may mga tagahanga. So ako, hindi na ako makikipagkumpitensiya kahit kanino. Basta kami ay nabibigyan ng magandang roles, masaya na ako ro'n.
"Kasi ever since naman na pumasok ako rito sa show business, wala naman akong balak na maging superstar. In fact, yung una ko ngang pelikula [Aishite Imasu], hindi nga ‘yon pang-heartthrob. So, alam n'yo yun, hindi ako masyadong nagpo-focus sa mga kakumpitensiya ko. Basta binibigyan kami ng trabaho at nagagampanan namin nang maayos, masaya na talaga ako sa bagay na ‘yon," mahabang paliwanag ni Dennis.
Pero may nagsasabi rin naman na kung sa popularidad ay mas lamang sa kanya sina Dingdong at Richard, in terms of acting ay si Dennis pa rin daw ang maituturing na may alas sa aspetong ito. Bukod dito, sa kanilang tatlo ay si Dennis pa lang ang nanalo ng acting awards.
"Iba-ibang opinion ‘yan," sambit ni Dennis. "Pero sa mga taong nagsasabi ng ganoon, thank you na lang. At saka masaya ako kung ganoon ang iniisip nila. Siyempre, konti lang naman kami sa GMA, so thank you sa mga nag-iisip ng ganoon."
Sang-ayon ba si Dennis sa opinyon ng iba na nagkaroon ng epekto sa kanyang career ang pagkakaroon niya ng anak sa beauty queen na si Carlene Aguilar?
"Alam n'yo, sa totoo lang, nararamdaman ko na wala naman masyadong... kasi tuloy pa rin ang trabaho, magagandang projects pa rin ang natatanggap ko. Kapag nagsu-show ako, like mall shows or others, okay pa rin ang pagtanggap sa akin ng mga tao. So, hindi ko muna iniisip yung mga negative-negative. Positive outlook lang ako sa lahat ng bagay ngayon. Which is, sa tingin ko, nakakatulong din sa akin dahil maganda ang nangyayari sa career ko at sa buhay ko.
"Wala akong pinagsisihan sa kahit na ano," patuloy niya. "Bawat experience sa buhay mo, may lesson kang natutunan, e. So, wala akong babaguhin, wala akong iibahin. Ito ang destiny ko. Hindi naman ako ang nag-plano nito, di ba?"
