Muling mapapanood si Dennis Trillo tuwing hapon sa kanyang bagong telenovela, ang Magdusa Ka, na magsisimula sa Lunes, May 12.
Halos tatlong buwan din ang nakaraan mula nang matapos ang kanyang huling primetime fantaserye na Zaido. Matapos nito ay tanging sa guest appearances lamang nakikita si Dennis.
Sa presscon ng Magdusa Ka kagabi, May 6, sa Plaza Ibarra, Timog Avenue, Quezon City, naitanong tuloy ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Dennis kung hindi ba siya nainip sa paghihintay ng kanyang next project.
"Hindi naman dahil marami rin naman akong ginagawa," sagot ni Dennis. "Gumawa ako ng dalawang pelikula. Hindi naman din ganun katagal dahil halos ilang buwan lang din naman pagkatapos ng Zaido, meron naman ako ulit."
Wala ring problema kay Dennis kung mula sa primetime slot ay napunta ulit siya sa Dramarama sa Hapon ng GMA-7.
Paliwanag niya, "Okay lang, ayaw ko rin naman masyadong nasa primetime palagi dahil magsasawa naman yung mga tao kapag palagi kang nasa primetime. At saka lagi na rin naman akong nandiyan. Ayoko na pagsawaan ako ng mga tao dahil lagi nila akong nakikita."
Para kay Dennis, maigi na rin ngayon dahil mas challenging ang role na gagampanan niya. Sa 1986 film version ng Magdusa Ka, si Christopher de Leon ang gumanap sa role ni Dennis ngayon.
Ayon kay Dennis, "Parang mas maganda pa nga ngayon dahil mas natsa-challenge ako. Siguro ngayon mas naku-curious ang mga tao dahil makikita nila na ganitong klase ng role ang pinu-portray ko."
DENNIS AS A BAD BOY. Kung dati ay panay "good-boy" image ang role ni Dennis, isang rugged at medyo barumbado na karakter ang gagampanan niya sa Magdusa Ka.
Paano napaghandaan ni Dennis ang ganitong role?
"Wala naman, siguro naipon lang lahat ng angst ko and ito yung vehicle ko para mailabas ko 'yon. Siyempre research din, manood ka ng mga pelikula, mga tough-guy roles, and pinanood ko rin yung original na pelikula para kahit papaano may pagbabasehan ako, may direction yung character na pinu-portray ko."
Bagama't sinasanay ni Dennis ang sarili sa ganitong klaseng role ngayon, hindi naman iniisip ng young actor na magiging ganito na palagi ang makukuha niyang karakter sa mga susunod niyang projects.
Aniya, "Ganito sa ngayon para sa Magdusa Ka, pero siyempre hindi naman puwedeng ganito lagi ang image ko. Ngayon lang nagkataon dahil binagay ko lang sa project na napunta sa akin."
Nang tanungin ng PEP kung ano pa ang role na gusto niyang gampanan, napaisip sandali si Dennis bago ito sumagot.
"Marami pa akong hindi nagagawa," pahayag ni Dennis. "Ito [Magdusa Ka] kasi medyo may pagka-anti-hero, e. Although medyo may pagkabrusko siya, siyempre nandoon pa rin yung good side niya. Siguro mga role ng mga boksingero katulad ng ginawa ni Robert de Niro dati [sa] Raging Bull."
DARING ROLES. Habang ipinapakita ang teaser ng Magdusa Ka, nagulat ang ilan sa miyembro ng media nang ipakita si Dennis na gumigiling na parang macho dancer.
Ibig sabihin ba nito ay bukas si Dennis sa ideya na gumanap sa isang sexy movie?
Sagot ni Dennis, "Depende kung maganda talaga yung role at saka yung project. Wala siguro akong balak gumawa ng bold movies."
Hindi rin niya naiisip na gumawa ng isang pelikula na tulad ng Brokeback Mountain. Paliwanag niya, "Kasi maraming magsa-suffer na ibang project kapag gumawa ako ng ganun ka explicit na content ng pelikula."
Bagama't nasabi niyang gusto niyang maiba naman ang mga karakter na kanyang gagampanan, ipinaliwanag ni Dennis na hindi niya makakaya ang maging parte ng isang sexy film.
Ayon sa aktor, "Gusto ko gumawa ng mga off-beat [role] pero hindi ako ganun katapang para gumawa ng mga bold."
ON CRISTINE REYES. Matapos pag-usapan ang karakter niya sa Magdusa Ka, nakatiyempo naman ang press para kumustahin si Dennis tungkol kay Cristine Reyes. Balitang nagkabalikan kasi sila ng young actress.
"Maayos naman, magkaibigan kami," ang maiksing sagot ni Dennis.
Umiwas naman na ang young actor nang tanungin kung napag-usapan ba nila ang paglipat ng dalagang aktres sa ABS-CBN.
"Ayoko na lang mag-comment tungkol diyan," sagot ni Dennis.
"Ito ang mas magandang pag-usapan, ito na lang Magdusa Ka dahil hindi naman makakatulong sa [programa] 'yan, di ba? Hindi naman makakatulong iyan para i-promote itong show natin, hindi para magdagdag ng issues na luma na."
Sa bandang huli, sinabi na lamang ng aktor, "Okay kami [ni Cristine]—magkaibigan, may communication, walang problema."