Naaliw kami kay Iwa Moto sa press conference ng Magdusa Ka kagabi, May 6, sa Plaza Ibarra, Timog Ave., Quezon City. Nang hingan kasi ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng reaksiyon si Iwa tungkol sa pagiging second choice niya sa role bilang Millet sa naturang Sine Novela ng GMA-7 pagkatapos itong tanggihan ni Cristine Reyes, ang naging sagot ng young actress ay "E, wala na po siya, e!" at bigla siyang natawa.
Mas pinili kasi ni Cristine na lumipat ng ABS-CBN para gampanan ang lead role sa TV remake ng Eva Fonda, 16 ni Alma Moreno. Tanong namin kay Iwa, puwede kayang sabihin na nakinabang siya sa pagkawala ni Cristine?
"Hindi naman... Hindi naman ako nagiging masaya sa failure ng ibang tao, masaya po ako at may trabaho ako," diretsong sagot ni Iwa.
Pinalinaw namin agad sa kanya ang sinabi niyang "failure." Ibig ba niyang sabihin ay failure ang naging desisyon ni Cristine na lumipat sa ABS-CBN?
"Hindi... Ano ba?!" bulalas niya at saka bigla siyang nagpaliwanag na hindi raw ganoon ang ibig niyang ipakahulugan doon.
"Ang sinasabi ko lang, kung may problema man ang iba, hindi ako magiging masaya for someone na nagkakaroon ng problema. Basta ngayon, nagtatrabaho ako, masaya ako. Kahit na second choice lang ako, I don't care," paliwanag ni Iwa.
Sa tingin kaya niya ay mas mabibigyan niya ng justice ang character na ibinigay sa kanya sa Magdusa Ka, more than Cristine?
"Hindi ko alam. Siguro kung mapapanood ko siyang gumanap sa role, baka malaman ko pa!" tawa niya.
Patuloy ni Iwa, "Pero siyempre, mas matagal na siya sa akin sa showbiz at mas marami na siyang napatunayan [kaysa] sa akin. So mas okey siya siguro.
"Magkaibigan naman kami, magka-text nga kami. Nang malaman ko nga [na lilipat si Cristine], tinext ko siya. Sabi ko, ano na A [palayaw ni Cristine], ano'ng problema mo? E, sabi niya, ganito talaga... Kailangang mag-work at good luck daw sa akin."
HEART'S FAN. Kung si Cristine na dating Kapuso ay nasa ABS-CBN na ngayon, ang dating Kapamilya na si Heart Evangelista ay nasa GMA-7 naman ngayon. Pagka-mention pa lang sa pangalan ni Heart, mabilis na agad nag-dialogue si Iwa na gusto raw niyang magpa-picture kay Heart. Kapag nakita raw niya ito, magpapa-picture siyang talaga dahil idol niya raw ang young actress.
"Bata pa lang ako, napapanood ko na si Heart during G-mik days. E, kasi noong mga panahon na yun, hindi pa naman ako artista," lahad niya.
"Magpapa-picture talaga ako!" natatawa niyang sabi. "Alam n'yo kasi, noong G-mik days, tuwang-tuwa ako sa love team nila ni John Prats. Nanonood talaga ako at, alam n'yo yun, parang ang ganda-ganda niya."
Kung sakaling dumating ang time na magkontrabida siya for Heart, natatawang sinabi ni Iwa na: "Naku, baka hindi ko siya makayang apihin!"
Bukod kay Heart, binilang din ni Iwa kung sinu-sino pa ang mga paborito niyang artista.
"Eto ang mga idol ko ha... Si Heart sa ABS-CBN. Si Katrina noong StarStruck days nila, si Jennylyn Mercado, si Angel Locsin...dati. Idol ko pa rin siya, pero ngayon, mas idol ko na si Heart!" natatawa pero very honest niyang sabi.
Inamin din ni Iwa na isa siyang fan nang tuksuhin siya ng mga entertainment press na isa siyang "fangina." Ikinuwento kasi ng StarStruck 3 First Princess na bukod sa mga nabanggit na young actresses, nagpa-picture din daw siya sa iba pang sikat na artista tulad nina Regine Velasquez, Sharon Cuneta, at Maricel Soriano. Maging sa Freestyle na paborito raw niyang banda ay nagtatakbo pa siya para lang makapagpa-picture siya, at ang handler pa raw niya ang napakiusapan niyang kumuha ng litrato
Sa naabot niya ngayon, tingin kaya niya, may mga artista ring gustong magpa-picture sa kanya? Natatawang sagot ni Iwa, "Meron, yung mga kapatid ko sa StarStruck. Nauuto ko pa sila. Siyempre, sila Prince Stefan...‘yang mga ‘yan!"
HONEST ABOUT LOVELIFE. Kung may isa mang bagay na nagugustuhan ng marami kay Iwa ever since nag-join siya ng showbiz, ito ay ang pagiging honest niya when it comes to her lovelife. Hindi siya katulad ng ibang artistang obvious na, pero idine-deny pa rin kung sino ang karelasyon nila.
Inamin ni Iwa na may boyfriend siya ngayon na nagngangalang Michael Ablan, 28 years old. Balitang may anak na raw si Michael, pero hindi raw isyu ito kay Iwa.
"E, hindi naman siya ang kauna-unahang boyfriend ko na may anak. If ever, pangalawa na siya. Pero kung may pangatlo pa, dun n'yo lang puwedeng sabihin na mahilig ako sa may anak na. Over na yun!" natatawa niyang sabi.
"Ako kasi, mahilig talaga ako sa bata. Nagkataon lang na yung taong nagustuhan ko, may anak. So yung bata, itinuturing kong parang kapatid, kalaro... Kasi isip-bata pa naman ako!
"Actually, noong time na makilala ko siya [Michael], hindi ko pa alam na may anak siya. ‘Tapos noong nanliligaw na siya sa akin, doon ko lang nalaman. Hindi naman niya itinago. Hindi naman kasi kami ganoon ka-close noon, ang ka-close ko yung kapatid niya.
"Mahilig ako sa bata," ulit niya. "Nagkataon na may anak siya. Nagkataon na minahal ko siya. At dahil mahal ko siya at yung anak niya ay mabait sa akin, tatanggapin ko. Tatanggapin ko ang lahat ng taong mahal ng mahal ko."
Although mahilig sa bata, kung magkakaroon man daw siya ng sariling anak ay baka kapag 25 years old na siya.
"Matagal pa. Nineteen pa lang ako ngayon, so six years from now pa," pagtatapos ni Iwa.
