No vacation for Robin Padilla after Joaquin Bordado. He is set to do a Sundo, Ang Tatay Kong Hoodlum (sequel of his Ang Utol Kong Hoodlum) and remakes of classic movies Totoy Bato and Pepeng Shotgun.

Photo: Noel B. Orsal

Pagkatapos makipag-lunch si Robin Padilla sa mga executives ng GMA Network at Herbs & Nature Corporation, na kumuha sa kanya bilang latest celebrity endorser ng Liveraide, sa Annabel's Restaurant last Wednesday, April 8, matagal siyang nakipagkuwentuhan sa amin, kahit may editing pa raw siya ng Joaquin Bordado sa GMA Network.

 

Marami siyang kuwento sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na ngayon lamang namin narinig.

 

NO TO FOUR WIVES. Napunta ang kuwentuhan namin sa pagiging Muslim niya. Tinanong namin kung kaya rin ba niyang magkaroon ng apat na asawa, since puwede naman sa relihiyong Islam ang polygamy.

 

"Hindi po, kahit puwede. Hindi ko po kayang magkaroon ng apat na asawa. Sa sarili ko po lamang, kulang na ang oras ko, magkaroon pa ‘ko ng apat na asawa?" natatawang wika ni Robin.

 

"Sa dalawa lang sa apat kong anak, parang may asawa na rin ako. Sobrang selosa po kasi nitong sina Queenie [16 years old] at Kylie [15 years old]. Mas selosa pa sa asawa kong si Liezl. Maramot din silang manligaw ako, gumaganti yata dahil sabi ko nga hindi sila puwedeng basta ligawan.

 

"Si Kylie, sa set namin ng Joaquin Bordado, hindi iyan nagsasalita. Pero lagi iyang may sweet notes sa akin. Pero si Queenie, ang mga notes niyan: ‘I'm watching you!' or ‘I'm here, I am watching you!' Pero sa akin, parang paalaala lang niya iyon sa akin.

 

"Si Queenie ang laging nagsusumbong sa mama niya. Noong nasa Baguio nga kami noong Holy Week, lahat ng kilos ko—kung anong oras ako gumising, kung anong oras ako naligo—alam lahat ng ina nila, wala akong maitatago.

 

"Sa akin naman, siguro ay dahil gusto rin nilang matuwa ang kanilang ina.

 

"Kung si Liezl nga lang ang masusunod, ayaw niya talagang mag-artista ang mga anak namin. Mas gusto niyang mag-aral ang mga ito, magkaroon ng asawa at magkaanak. Kaya nang isama ko rito sina Queenie at Kylie, para ko raw siyang pinutulan ng dalawang paa.

 

"Pero sabi ko sa kanya, tanggapin na niya iyon dahil malalaki na ang mga anak namin at marunong na silang magdesisyon para sa sarili nila.

 

"Tuloy ang studies ng dalawang bata, pareho silang third year sa Angelicum School sa Sto. Domingo Church [Quezon City]. May modules sila pero uma-attend sila ng regular classes ng Wednesday, Friday and Saturday.

 

"Ang sabi kasi ni Liezl sa kanila, kapag hindi sila nakatapos ng studies nila, pababalikin sila sa Australia at doon na mag-aaral. Gusto ko namang may school sila talaga para pagdating ng araw may tatawagin silang Alma Mater."

 

THE RADICAL AND THE THRIFTY. Sino ba kina Queenie at Kylie ang nagmana sa kanya?

 

"Si Queenie, nagmana siya sa akin. Kahit may kinikita na sila, sarili nilang ipon iyon, binibigyan ko pa rin sila ng allowance. Madalas, laging nauubos ang allowance ni Queenie. Kapag tinanong ko iyong security niya kung ano ang binili at naubos ang allowance, mayroon daw kasing tinulungan.

 

"Minana rin sa akin ni Queenie iyong parang pagiging rebolusyunaryo. Kasi noong time na nagtagal ako sa Australia, she was only 14 noon, na-involve ako sa mga nangyayari dito sa atin, lalo na sa mga kapatid kong Muslim sa Mindanao. Nang umuwi ako rito, naisama ko pa siya roon, kaya na-expose siya sa mga nangyayari.

 

"Pero sinabihan ko siya ngayon na kung hindi niya babaguhin ang kanyang paniniwala, mapapadali ang buhay niya. Kaya nga natuwa ako nang sabihin niya sa akin na papasukin na rin niya ang showbiz.

 

"Si Kylie naman, sobrang kuripot iyan. Mana ‘yan kay Rustom [his brother]. Natawa nga raw iyong mga taga-HSBC [Hong Kong Shanghai Bank Corporation] nang dumating doon si Kylie para mag-withdraw. Ayaw na ayaw kasi niyang nababawasan ang savings niya, pero noong nabangga ang sasakyan niya, sabi ko mag-offering siya dahil walang nangyari sa kanya, pero dapat sa pera niya iyon manggaling.

 

"Naku, nakasimangot daw po nang mag-withdraw, hindi raw maipinta ang mukha, ang sama ng loob ganoong P5,000 lang naman ang kinuha. Saka kung magpa-load iyan ng cellphone, P20 lang every three days pa.

 

"Pero natutuwa po ako sa kanila dahil sa ngayon pa lang, may schedule na sila sa buhay nila at ayokong sirain iyon."

 

LAY-OFF DEAR HEART. Nabalitaan ng PEP na gagawa raw ng movie si Queenie sa Viva Films?

 

"Opo, love story raw po, iyong Dear Heart ni Ma'am Sharon [Cuneta]."

 

Binanggit ng PEP kay Robin na alam kaya ni Sharon na gagawin ni Queenie ang movie. Very vocal kasi si Shawie sa pagsasabing ayaw niyang i-remake ang Dear Heart na para sa kanya ay napaka-sacred na bagay. In fact, balitang nabili na raw ni Sharon ang master negative nito.

 

"Naku, ganoon po ba? Iba na lang po ang ibigay nilang movie kay Queenie, ayoko pong maka-clash kay Ma'am Sharon. Magalit na pong lahat ang tao sa mundo sa akin, huwag po lamang si Ma'am.

 

"Pero baka unahin ni Queenie ang recording ng debut album niya sa Viva Records, namimili na po sila sa mga songs ni Ma'am Sharon at ni Ka Freddie Aguilar.

 

"Hindi pa rin po mailayo ni Queenie ang pagiging makabayan niya kaya ilan sa mga songs ni Ka Freddie na kakantahin niya ay ang "Anak," "Ipaglalaban Ko" at "Mindanao" [na kinanta pa sa amin ni Robin dahil hindi kami familiar sa song]."

 

KYLIE STAYS WITH JOAQUIN. Tuloy ba si Kylie sa Codename: Asero ni Richard Gutierrez kunsaan gaganap itong sister sana ni Richard at mag-a-action din?

 

"Hindi na po. Kinausap siya ni Ms. Redgie [Magno] na aalisin na ang character niya sa Joaquin Bordado at ililipat siya sa Asero. Pero ayaw raw po niyang iwanan ang nasimulan na niya. Kinausap ko rin siya na baka magsisi siya kung hindi niya tatanggapin ang Asero. Sagot ba naman sa akin, ‘Bakit po, Papa, may lakad ka ba at nagmamadali ka?' Kaya wala na akong masabi."

 

May gagawin daw movie si Kylie sa Viva Films?

 

"Opo, kaming dalawa, ang Tatay Kong Hoodlum, sequel ng Ang Utol Kong Hoodlum. May offer din sana ang GMA-7 na isang TV show na makakasama niya ang kapatid niyang si Ali, pero hindi po kami parehong pumayag ni Liezl.

 

"Ako, ayoko na pa-English-English si Ali. Hindi po kasi siya marunong magsalita ng Tagalog."

 

TOTOY BATO. So, paano siya makapagpapahinga kung sunud-sunod pala ang gagawin niyang projects?

 

"Si Queenie nga, ginamit pa para kausapin ako dahil ang susunod kong TV show sa GMA-7, iyong Totoy Bato at siya naman ang makakasama ko.

 

"Kung bakit nagkukuwentuhan kami nina Direk Mac [Alejandre], mga 4:00 a.m. na iyon, katatapos lang namin ng taping ng Joaquin Bordado at kalong ko sa lap ko si Queenie, nasabi ko na magbabakasyon muna ako pagkatapos ng Sundo, iyong suspense thriller na gagawin ko sa GMA Films with Sunshine Dizon and Rhian Ramos. Bigla akong hinawakan ni Queenie sa leeg ng shirt ko at huwag na raw akong magbakasyon, gawin na namin agad ang Totoy Bato.

 

"Napatawa na lang ako at binulungan ko si Queenie na huwag niyang gawin sa akin iyon dahil maraming nakakakita. Kaya hindi ko alam kung makapagbabakasyon pa ako. Wala pa namang casting ang Totoy Bato, pero kailangang singer ang katambal ko rito."

 

PEPENG SHOTGUN. Nakumusta namin si Robin kung nagkita na sila ulit ng pinsang si Rudy Fernandez?

 

"Hindi pa po ngayon. Pero nagkita kami noon at hiningi ko nga sa kanya ang movie niyang Pepeng Shotgun at pumayag naman siya. Indie lang po ang gagawin ko, gusto ko lang makagawa ng Pilipino action.

 

"Kapag ginawa ko po itong malaking pelikula, baka hindi na panoorin ng tao. Baka ako na rin po ang magdirek nito, pero hindi ko pa alam kung kailan ko masisimulan."