From Little Big Star, malayo na rin ang narating ng child actor na si Makisig Morales. After niyang maging bida Super Inggo, heto't may pelikula na siya kasama ang Megastar na si Sharon Cuneta—Star Cinema's Caregiver.
Hindi na lang din sa kanilang lugar sa San Mateo nakakarating si Makisig. Bukod sa iba't ibang bansa na raw na narating niya dahil sa pagkakaroon ng shows, kasama rin si Makisig na dinala ng Star Cinema sa London, kung saan kinunan ang karamihan ng eksena ng Caregiver.
Nanghihinayang lang si Makisig that he was not able to experience snow in London. Pagdating daw kasi niya ay wala na ito.
"Sayang nga po, e. One week lang po kasi ako ro'n. Sila Tita Sharon po yata two weeks. Sila po, nakita pa po nila yung nagye-yelo," kuwento ni Makisig nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Caregiver kahapon, May 14, sa Studio 1 ng ABS-CBN.
Pero ayon kay Makisig, sa one-week stay daw niya sa London, in between shootings, ay nagawa raw niyang pasyalan ang iba't ibang tourist spots doon na dati ay naririnig lang niya. Kahit kaunti ay nakapag-shopping din daw siya.
FIRST MOVIE WITH THE MEGASTAR. Mga bagay raw na kahit sa pangarap noong una ay hindi halos na-imagine ni Makisig na mangyayari sa kanya, tulad na lang ang makasama si Sharon at maidirek ni Chito Roño sa isang pelikula .
Kuwento pa ni Makisig, kung may kaba man siya while doing scenes with the Megastar ay ang magkamali ng lines.
"Siyempre po, nakakahiya po," sabi niya. "Nakakaba po kung sakaling makakalimutan ko po ang lines ko, kaya pinag-aralan ko pong mabuti. Iniisip ko po kasi baka po magalit si Tita Sharon, kahit po si Direk. Siyempre po, makaka-delay po ako. Pero mababait po sila. Sobra nga po."
Makisig plays the role of a Pinoy kid na dinala ng kanyang ina sa London kung saan nakasama niya ang kanyang abusive British stepfather. Doon pumasok sa eksena si Sharon kung kaya't nag-cross ang landas nila.
Ayon kay Makisig, mahirap para sa kanya ang mga crying scenes niya.
"E, kasi po, ang lamig-lamig po talaga sa London. So, yung iyakan po namin ni Tita Sharon, dun po ako nahirapan. Sa sobrang lamig po, yung bibig ko po, nanginginig pong talaga. E, naka-uniform lang po ako noon, wala po akong jacket," kuwento ng child actor.
Para kay Makisig, lahat ay unforgettable para sa kanya, working with the Megastar.
"Ang bait po kasi ni Tita Mega!" sambit ni Makisig. "Lahat po talaga, sobrang memorable. Kahit po kapag halimbawa wala kami sa set, si Tita Sharon, sasabihin po niya, ‘O, Makisig, kain ka muna. Daddy, kain ka muna.' Yung ganoon po."
A GIFT FROM SHARON. Itinanong din ng PEP kay Makisig ang tungkol sa iPod na iniregalo ni Sharon sa kanya at kay John Manalo, na gumanap na anak ng Megastar sa Caregiver. Ayon kay Makisig, hindi niya inaasahan ang bagay na 'yon.
"Hindi ko po talaga ine-expect yun. Bale noong nasa London po kami, sinabi po niya sa akin na, ‘Makisig, I have something for you.' Tapos po, noong nasa pictorial po kami, ibinigay niya po sa akin ang iPod.
"Bale po noong nasa London po kami, tinanong niya po ako, ‘Makisig, ano ba ang gusto mong regalo? Kasi si John, binigyan ko ng iPod.' Tapos sabi niya, ‘Gusto mo ba ng iPod? Naku, baka meron ka na nun, mayaman ka na!'
"Sabi ko, ‘Hindi po, wala nga po ako nun.' ‘Talaga? Wala ka nun?' Yun po ang sabi ni Tita Sharon. Tapos sabi niya sa daddy ko, ‘Daddy Mac, huwag mong bilhan ng iPod si Makisig, kasi ako ang bibili sa kanya.' Tapos tinotoo niya nga po. Akala ko po noong una, joke, joke niya lang," masayang kuwento ng Makisig.
Totoo bang mga Hollywood movie na gustong ipapanood sa kanya ng Megastar kaya siya binigyan ng iPod?
"Opo, gusto po niyang mapanood ko yung mga film," kumpirma ni Makisig. "At saka yung Sixth Sense po. Sabi po kasi niya, sobrang ganda raw po. Ang ganda nga po, pero nakakatakot."
"THANK YOU, LORD." Bukod sa pagkakaroon ng sariling negosyo ang kanyang pamilya—ang kwek-kwek stall sa Marikina na pinangalanan daw nilang Super Inggo—napagawa na raw ni Makisig ang bahay nila at may sariling sasakyan na rin siyang nagagamit.
Aniya, "Thank you po kay Lord, kasi binigyan Niya po kami ng bahay, ng kotse at saka ng space po [lote]. Kaya tuwang-tuwa po ako na nagkakaroon po kami ng lahat ng ito at nakakapag-aral din po kaming lahat na magkakapatid."
Trailer courtesy of Star Cinema
