Apat na taon ding nawala sa sirkulasyon ang dating bold actor na si Anton Bernardo. Sumikat si Anton sa ilalim ng Seiko Films. Ilan sa mga sexy films na ginawa niya noon ay Patikim ng Pinya, Anakan Mo Ako, Kesong Puti, Red Diaries, Saranggani, at Sa Paraiso ni Efren. Nominated siya bilang Best Actor ng ilang award-giving bodies.
Inamin ni Anton na matagal siyang nagtrabaho sa Japan bilang bartender at entertainer. Ginawa raw niya ito noong mga panahong wala siyang mga projects sa TV at pelikula.
"Hindi madaling magtrabaho sa ibang bansa. Malungkot at marami kang pakikisamahan. Kung hindi lang dahil may pamilya ako, hindi ako aalis ng Pilipinas. Pero may mga binubuhay ako. Ayoko namang magutom sila kaya nagtiis akong malayo sa kanila," saad ni Anton nang nakusap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Kuwento pa ni Anton, marami ring ibang male stars ang nakasabay niyang magtrabaho sa Japan. Yung iba pa nga raw ay nagtrabaho na bilang mga escort. Pero nakiusap si Anton na huwag na lang banggitin ang mga pangalan nila. Baka raw mag-deny pa sila at masabihan pa siya na tsismoso.
Nagpapasalamat si Anton na hindi siya nakakalimutan tulungan ni Direk Maryo J. de los Reyes. Last year ay napasama siya sa soap drama na Impostora at nagkaroon din siya ng maliit na role sa Joaquin Bordado. Ngayon ay kasama siya sa Magdusa Ka bilang padrasto ni Dennis Trillo at ama ni Prince Stefan.
Ready na raw si Anton na gumanap bilang tatay sa mga baguhang aktor ngayon. Ang importante raw ay may trabaho siya para hindi na niya kailangang magtrabaho pa sa ibang bansa at malayo sa pamilya niya.
Bagama't nasa tamang porma pa ang katawan ni Anton at kaya pa niyang makipagsabayan sa paseksihan, tapos na raw ang panahon na ‘yon para sa kanya. Ipinapaubaya na raw niya ang pagpapa-sexy sa mga gaya nina Dingdong Dantes, Jake Cuenca, at Dennis Trillo.
"Tapos na tayo diyan, e. Pero hindi naman malilimutan ang mga naging pictorials ko noon, di ba? Kaya ba nila ang magpakita ng kung anu-ano? Ako lang nakakagawa ng gano'n noon, di ba?" sabay tawa ni Anton.
"Yung mga pictorials nga ngayon ng mga baguhan, masyadong conservative, e. Unlike noong mga pictorials namin nina Leandro [Baldemor], Mike [Magat], at Gino [Ilustre] na nakakagulat kasi bakat ang mga dapat bumakat, di ba? Para naman matuwa ang mga babae at bading sa amin.
"Ngayon kasi, hindi na nila kayang gawin ‘yon. Wholesome na sexy ang mga lalake ngayon. Iba talaga ang panahon namin. Kung wala kang ipapakitang iba, hindi ka papansinin," pagtatapos ni Anton.
