For the first time ay nataranta raw ang aktres na si Ana Capri sa kissing scene nila ng matinee idol na si Dennis Trillo sa Sine Novela ng GMA-7 na Magdusa Ka.
Ginagampanan ni Ana sa Magdusa Ka ang papel ni Hedy, ang sugar mommy ni Dennis bilang Rod. Kapag wala raw pera ang character ni Dennis sa soap drama, si Hedy ang nilalapitan nito para hingan ng pera pero ang kapalit ay matinding romansa.
Kuwento ni Ana, noong kunan ang first kissing scene nila ni Dennis ay parang may naramdamang kakaiba ang aktres. Feeling niya ay first time niya ulit na makipaghalikan sa lalaking hindi niya boyfriend.
"Naku, sa totoo lang, parang may umikot-ikot sa loob ng tiyan ko! Yun ang feeling ng first time kong makipaghalikan sa lalake. Ewan ko ba bakit gano'n? Matagal din kasi akong di nakipaghalikan sa ibang lalake, maliban sa boyfriend ko," nakangiting kuwento ni Ana sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Ayon pa sa award-winning actress, parang nagulat din siya sa biglang halikan nila ni Dennis. Dapat kasi ay aggressive sila sa isa't isa sa eksena kaya napalaban si Ana sa pagpupog ni Dennis ng halik sa kanya.
"In fairness kay Dennis, malambot ang lips at mabango ang hininga. Amoy at lasang imported na chocolate!" malakas na tawa ni Ana.
"Natural lumaban ako sa halikan, di ba? Para hindi halatang natataranta ako kay Dennis. Pero after nung scene, parang kinabagan ako. Feeling ko, first time ko ulit."
So, parang kinilig siya kay Dennis?
"Slight!" tawa ulit ni Ana. "Bagets ba ako para kiligin pa? Kaloka naman, di ba? Pero why not? May karapatan pa naman ako kiligin. 'Tsaka hindi naman issue ‘yon sa boyfriend ko. Wala naman siya parati sa bansa, e. 'Tsaka alam naman niya ang trabaho ko kaya kahit makipaghalikan ako kahit kanino ay okey lang. Hindi makitid ang utak ng mahal ko."
Magbibilang pa raw si Ana ng mga halikan nila ni Dennis sa Magdusa Ka dahil bukod sa kissing scenes ay may bed scenes din daw sila.
"Sana payagan, di ba? Sino ba naman ang ayaw maka-bed scene si Dennis Trillo? Lukaret na lang ang babaeng tatanggi at hindi ako lukaret, ‘no!" patuloy na halakhak ni Ana.
