Aminado si Roxanne Guinoo na malaking pressure para sa kanya ang magbida at magdala sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN sa hapon, ang Ligaw na Bulaklak. Sa karakter niyang si Lea daw magmumula ang buong kuwento ng Ligaw na Bulaklak, na magsisimula na sa Lunes, May 26, pagkatapos ng Wowowee.
"Kumbaga, naging break din sa amin yung Natutulog Ba ang Diyos?, unang nagbida kami doon. Pero ito kasi solo, ganun. Siyempre iniisip ko kung merong pumalpak man sa show or hindi ko maibigay ang lahat, magre-reflect sa akin. So, extra-effort kaming lahat para gawin ang lahat," umpisa ni Roxanne sa PEP (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng Q&A portion sa presscon ng Ligaw na Bulaklak kahapon, Martes, sa Sta. Ana Race Track.
FOCUSED ON WORK. May sleepless nights daw si Roxanne dahil sa show, and at the same time sa kanyang personal life.
"Oo naman, pero ngayon talagang focused na ako sa trabaho, dahil knowing nga na eere na ito on Monday. And ngayon, today, may taping kami kahit ganyan, rain or shine, talagang tuloy ang trabaho."
Papalitan ng show ni Roxanne ang Prinsesa ng Banyera ni Kristine Hermosa na magtatapos na ngayong Biyernes.
"Sana maging successful yung show. Hindi rin madali kasi, ‘di ba kapag hindi minahal ng tao yung show, maraming puwedeng mangyari na maganda at hindi maganda?"
Walang dudang si Roxanne na ang pinakabagong prinsesa ng teleserye.
"Sa hapon," dugtong naman niya sa sinabi namin.
Hindi ba mahirap magtrabaho ng walang karelasyon unlike noon sa Natutulog Ba ang Diyos? at Palos na magkasama sila ng ex-boyfriend niyang si Jake Cuenca?
"Hindi naman. Ah, first time ko rin na mangyayari ito, e. So, yun. Feeling ko naman hindi ako mahihirapan dahil si Sid [Lucero], nakatrabaho ko na. Kumbaga, ngayon ang focus ko, work lang. Unlike before, ilan yung priorities ko...love life, family, work. So, ngayon, work-work din."
Mas nadadalian siya ngayon?
"Siyempre hindi ganun kadali pero makakapag-adjust naman ako, e."
CRYING TIME IS OVER. Tapos na ba yung crying nights niya?
"Binonggang-bonggang crayola ko na talaga," kasunod ang malakas na tawa ni Roxanne.
"Hindi na. Kasi araw-araw sume-‘segue' po ako kaya wala ring time umiyak. Nilalabas ko na lang sa eksena."
Mas matindi ba ang pag-iyak niya sa breakup nila noon ng boyfriend din niyang si Joross Gamboa kaysa kay Jake?
"Secret! Ha-ha-ha!" napahalakhak pa siya pagkatapos.
NO REGRETS. Wala naman daw pinagsisisihan si Roxanne sa naging relasyon nila ni Jake.
"Inano ko muna na siguro magkanya-kanya na kami muna [ni Jake].... Ngayon, ‘eto na ang karera ko, sa karerahan," natatawang sabi pa ni Roxanne.
May mga nagsabing naulit lang daw kay Roxanne ang ginawa ni Joross nung makipag-split sa kanya ngayon si Jake.
"Uh...magkaibang istorya naman yun, e. Masakit man yung nangyari sa amin ni Jake pero may dahilan po. Kung anuman ang reason niya naintindihan ko.
"Ako from the very beginning iniintindi ko talaga kung anu't anuman. So, wala akong pinagsisihan talaga.
"And yung kay Joross, tapos na yun, e. Super bagets pa ako noon. Kay Jake, iba. Nung naging kami naman marami na akong natutunan sa buhay."
LEARNING TO ADJUST. Ano naman yung mga natutunan niya
nung sila pa ni Jake at nung naghiwalay na sila?
"Ah, natutunan kong mag-adjust. I-accept kung ano talaga ang totoo at mag-adjust ka na lang, parang ganun. Unlike dati, ‘Hindi, ito ang gusto ko. Gagawa ako ng way,' alam mo yun?"
Na-trauma na ba siyang magmahal after ng dalawang breakups?
"Hindi naman. Pero feeling ko parang hindi pa talaga yata para sa akin yung love life. Parang kahit anong pilit ko, ayaw, e."
Hindi rin daw nakaka-traumang boyfriend si Jake. In fact, mabait naman daw ito.
"Hindi naman naging masamang boyfriend sa akin si Jake. Never," diin ni Roxanne. Tao lang...ano lang, hindi naman nagloko during the time na kami. Siguro talagang hindi pa balance ang lahat."
JAKE CHOSE CAREER. Career daw talaga ang dahilan ni Jake kaya nakipag-break kay Roxanne.
"Uhm, naiintindihan ko kasi na ayaw niyang makasakit. Kasi hindi niya maba-balance ang time. Ang tagal din naman niyang hinintay ‘tong career. So, binigay ko naman yung time na gusto niya."
Mas okey ba sa kanya yung ipinagpalit siya sa career nung lalaki?
"Oo naman," sagot niya. Kesa naman daw kaya nakipag-break ang lalaki ay dahil may iba pala ito. "Masakit naman yung akala mo kayong dalawa lang pero marami pala kayo. Tatlo pala kayo or something."
Sa tingin ba niya sagabal siya sa career ni Jake?
"Ah...basta yun lang. Inunawa ko lang yung mga dahilan niya. Yun lang. Basta inuunawa ko na lang kung anuman yun.
"Naintindihan ko naman kung bakit [nakipag-break sa kanya si Jake] at wala akong choice kundi intindihin kasi mahal ko siya."
Hindi kaya nasobrahan siya sa pagmamahal kay Jake?
"Hindi naman siguro."
Hindi ba siya nainsulto na yung lalaki pa ang nakipag-break sa kanya?
"Hindi naman. Tinanggap ko na lang."
What if balikan siya ni Jake after a few weeks at ma-realize na mahal pa rin siya ng dating kasintahan?
"Hintayin muna nating mangyari...hindi, ewan ko. Bahala na. Basta...I mean, maganda naman ang naging kapalit. And ako, yun nga ang sinasabi ko, hindi naman naging madamot ang Diyos sa akin. Kumbaga, nasasaktan man ako na bonggang-bongga, bonggang-bongga rin naman ang kapalit, ‘di ba?"
FAMILY SUPPORT. Sino ang hinihingahan niya kapag may problema siya?
"Nand'yan naman ang pamilya ko. Ang pamilya naman, magkamali ka man o hindi, nandyan lagi ang pamilya mo para sa ‘yo."
Hindi ba sila galit kay Jake?
"Hindi, kasi ako naman sinasabi ko sa kanila na pakialaman ninyo na ibang bagay huwag lang yung love life. Ako na yung makakaano ninyo."
Feeling ba niya nagamit siya ni Jake?
"Ay, hindi naman po."
May communication pa ba sila ni Jake?
"Wala na muna. Kailangan ng space. So, ‘pag kailangan ng space, bakit pa [makikipag-communicate], ‘di ba?
"Hindi naman ako galit. Hindi masama ang loob ko sa kanya. Kasi alam niya ‘pag ako ang galit."
KEEPING ALL JAKE'S GIFTS. Type ba niyang magkaroon ng non-showbiz boyfriend gaya ng isang pulitiko?
"Hindi, hindi po. Kapag tinatanong ako sinasabi ko gusto ko yung kaedad ko naman. Minsan naiisip ko, siguro healthy kung non-showbiz, yun ang ina-advise nila sa akin."
Itinago raw ni Roxanne lahat ng mga binigay sa kanya ni Jake.
"Wala akong itinapon. Nakatago silang lahat. Wala akong planong isoli sa kanya. Napaka-immature naman ng move na ganun," tapos ni Roxanne.
