Hindi man matuloy sa big screen ang pagsasama ng dating mag-asawa na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, pasok naman ang ibang Cuneta-Concepcion tandem sa concert scene.
Magsasama sa isang konsyerto ang Asian Novela Diva na si Faith Cuneta (pamangkin ni Sharon) at si Gabby sa concert na pinamagatang Celebrate Faith on May 25, Sunday, sa Teatrino sa Promenade, Greenhills sa San Juan. Birthday mismo ni Faith on May 25.
"I don't think magagalit sa akin si Tita Sharon kung si Gabby man ang makakasama ko sa concert. She's very supportive naman of my career. Hindi ko pa nga lang nasasabi sa kanya dahil medyo busy kami sa pagpe-prepare for the concert," pahayag ni Faith nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Wala nang ibang male singer na pinagpilian sina Faith at ang producer niyang si Jacob Fernandez kundi si Gabby. Kaya naman kung kinailangan noon na mag-urong ng bundok at dagat si Jacob, matuloy lang si Gabby sa concert ni Faith, ay ginawa na niya. Ang Celebrate Faith kasi ang kauna-unahang concert na lalabasan dito sa Pilipinas ni Gabby.
Ang totoo, ayaw talaga ng kampo ni Gabby na umapir siya sa isang concert. Hindi naman kasi singer ang nagbabalik na actor. Pero ngayong nagsisimula na si Gabby na mag-record para sa kauna-unahan niyang solo album, kaya naman pumayag na rin ang manager ni Gabby na si Mommy Rose Flaminiano.
Nagulat kami nang malaman namin ang talent fee ni Gabby sa concert for only three songs, kasama na ang duet with Faith. Pero ayon kay Jacob, ngayon pa lang ay bawi na nila ang ayaw niyang ipabanggit na talent fee ni Gabby sa rami ng sponsors na nakuha nila, gaya ng PAGCOR, PCSO, Isuzu GenCars, Calayan, Milcu, MET Thatione, Governor Chavit Singson, at marami pang iba.
Sobra ang kagalakan at excitement na naramdaman ni Faith nang ibalita sa kanya ng kanyang manager at ni Mommy Rose na special guest niya si Gabby sa kanyang birthday concert. Bata pa lang kasi si Faith ay superfan siya ng Sharon-Gabby love team.
"Lahat ng pelikula nila, talagang pinapanood ko at pangarap ko talaga na makasama si Gabby," lahad pa ni Faith.
Dahil ‘di pa naman daw niya nasusubukang mag-artista, akala ni Faith ay malabo na niyang makasama si Gabby.
"The best birthday gift talaga ito sa akin," ani Faith.
Sa kanyang concert, meron silang production number ni Gabby. Pagkatapos ay may dalawang spot numbers si Gabby.
Katatapos lang ni Faith sa kanyang successful three-night sold-out concert sa Mandarin Oriental Hotel na Faith Sings Sinatra early this year. Meron ding show si Faith on May 30 sa Metro Bar.
