Hindi naman itinanggi ng young actor na si Mark Herras nang itanong sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung totoong crush niya ang bagong Kapuso star na si Heart Evangelista.
Ayon kay Mark, "Actually, noon pa naman po yun. Even before pa lang po na mag-artista ako, crush ko po siyang talaga."
Pero dahil magkaiba sila ng network na pinagtatrabahuan noon, no chance for him na makilala at makasama si Heart. Noong mag-production number sila sa SOP lang daw sila nagkasama.
"Nag-meet po kami before, I think sa isang awards night. Pero ganun lang po, sa rehearsal po namin sa GMA lang po yung talagang nagkakilala. Okey naman po siya, mabait naman po. ‘Tsaka crush lang naman, wala naman pong masama dun," tila pagre-remind pa niya dahil, aniya, baka maging isyu na naman.
"At saka, high school pa po ako noon. Lalo na noong hindi ko pa po siya nakikita, siyempre mas curious. Pero ngayon po, siyempre matagal na naman po yun," paglilinaw ni Mark.
Dahil pareho na silang Kapuso stars, kung may opportunity, okay raw kay Mark na makatrabaho si Heart sa mga show ng GMA-7.
A DIFFERENT MARK. Sa ngayon, bukod sa SOP, ang Joaquin Bordado pa lang daw ang ginagawa niya. Hanggang July 6 pa raw ang taping nila kaya wala pa siyang balita kung ano ang susunod niyang project.
Aniya, okey naman siya sa Joaquin Bordado dahil ibang Mark naman ang napapanood dito.
"Mas heavy talaga siya kumpara sa ibang mga nagawa ko na," paliwanag niya. "May part na masama ako rito, which is mas maganda para sa akin na nakakagawa ako ng mga ganitong klase ng character. Natsa-challenge ako. So siguro sa mga susunod na projects, kung mabibigyan muli ng chance na iba pa rin yung character na gagawin ko, mas okey sa akin."
Sa movie naman ay malapit na rin daw silang matapos ng shooting for I.T.A.L.Y., kung saan may sarili raw silang kuwento ni Rhian Ramos. Almost two weeks din daw siya sa Italy, pero hindi raw siya gaanong nakapag-shopping.
"Maganda yung place, sobra! Kaya nag-enjoy rin kami, lalo na sa pamamasyal. Pero yung mga bilihin, sobrang mahal. So nakapag-shopping man ako, konti lang talaga," natawa niyang sabi.
TEAM-UP WITH JENNYLYN. Speaking of Rhian, aware daw si Mark na maraming hate e-mails or petition campaign na natatanggap ang young actress. Hindi na rin naman masyadong nagulat si Mark nang sabihin namin sa kanya na ang mga fans ng love team nila ni Jennylyn Mercado ang isa sa mga against sa team-up nila ni Rhian.
"Hindi naman kasi natin sila magagawang pakiusapan na mahalin din sana nila yung bagong love team. Kung ayaw, talagang ayaw nila, hindi mo mapipilit. Pero sana, maintindihan din nila na kami naman ni Rhian, hindi naman kami yung may gusto na kami ang ipareha. Kumbaga, management decision naman ‘yan. Wala naman kaming magagawa."
Pero aminado si Mark na kahit ang dami na nilang pinagdaanan ng dating ka-love team at ex-girlfriend na si Jennylyn Mercado, ang tambalan pa rin nila ang clamor ng mga fans.
"Totoo po yun, kahit nagkaroon na ako ng ibang girlfriend. Si Jen, ganoon din. Kahit nabuntis na siya, kami pa rin yung gusto nila. Iniisip ko na lang, siguro marami lang ang naka-relate sa naging relasyon naming dalawa noon at sa naging trabaho namin.
"Nakakatuwa lang din na after lahat ng mga nangyari sa amin, gusto pa rin nila na kami pa rin ang mapanood. Siguro po, someday, mapagbibigyan naman din ng GMA."
Payag ba si Mark na after makapanganak ni Jennylyn ay makipagtambal pa rin sa dating girlfriend?
"Willing naman po," sagot ng young actor. "Ako naman po, wala naman pong problema sa akin kahit na ano ang ibigay ng GMA. At saka, kung maganda naman po ang kakalabasan, bakit naman po hindi?"
