"Sabi ko nga, si John Lloyd, nasa kanya na yung mga qualities ng isang lalake na hinahanap ng kahit na sinong babae—mabait, guwapo, humble," says Sarah Geronimo about the good qualities of leading man John Lloyd Cruz.

Photo: Noel Orsal

Bukod sa estado niya bilang isa sa pinaka-in demand na singer at celebrity endorser, ilulunsad na rin si Sarah Geronimo sa pelikula via A Very Special Love, co-produced by Star Cinema and her mother studio Viva Films. Makakapareha ni Sarah dito ang mahusay na young dramatic actor na si John Lloyd Cruz.

 

Kaugnay nito, agad na lumabas ang balita na may mga banta diumano ang John Lloyd-Bea Alonzo fans na ibu-boycott nila ang pelikulang John Llyod-Sarah.

 

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Sarah sa opisina ng Star Cinema ay inamin ng young singer-actress na worried siya sa balitang lumabas, lalo't launching movie niya ang A Very Special Love.

 

"Siyempre, worried din ako kasi launching movie ko ito," sabi niya. "Pero gaya nga ng sinabi ni John Lloyd, walang rason ke anuman ang kalabasan ng pelikula, ke maging positive man o negative. Basta ang alam namin sa sarili namin na ibinigay namin ang maibibigay namin, so wala kaming magiging pagsisisi sa huli."

 

Unang ipinareha sina Sarah at John Lloyd sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya [MMK]. Dahil kinakitaan sila ng chemistry, nagdesisyon ang Star Cinema at Viva Films na pagsamahin naman sila sa pelikula.

 

Hindi naman itinatanggi ni Sarah na ilang siya kay John Lloyd noong una. Pero dala ng pagiging approachable at friendly na rin ng young actor ay unti-unting nawala ang pagkailang niya sa leading man.

 

"Nung una talaga, naiilang ako sa kanya especially nung MMK. Di ako tumitingin sa kanya, kasi siyempre John Lloyd Cruz ‘yan, ‘tapos MMK pa. Pressured ako nung araw na yun. Eventually, nung shooting, nag-uusap na kami. Ang nakakatuwa kay John Lloyd, nag-i-initiate siya, siya yung nag-a-approach," lahad ni Sarah.

 

Lumabas din ang balita na crush daw ni Sarah ang young actor. Nahihiya man dahil magkaharap sila ni John Lloyd nang ini-interview namin ang young singer-actress ay inisa-isa niya ang magagandang katangian ng kanyang kapareha.

 

"Sabi ko nga, si John Lloyd, nasa kanya na yung mga qualities ng isang lalake na hinahanap ng kahit na sinong babae—mabait, guwapo, humble," lahad ni Sarah.

 

Bagamat hindi pa nagkakaroon ng boyfriend ang 20-anyos na si Sarah, sa tulong ni direktor nilang si Cathy Garcia-Molina, ay nabibigyan naman niya ng justice ang role niya sa A Very Special Love.

 

"Sabi ko nga kay John Lloyd, ‘Pasensiya ka na ha, never been in love.' Kaya minsan ang hirap humugot, pero siyempre nandun naman si Direk Cathy para i-motivate kami. So hindi naman nagkakaroon ng problema. Actually, hindi pa nakukunan yung mga mabibigat na scenes, light pa lang, hindi pa kami nag-iiyakan dito."

 

Sa mga nakarang panayam kay Sarah ay naging palaisipan ang sinasabi niyang singer-actor na taga ASAP ‘08 na nanliligaw sa kanya. Nang tanungin namin uli ito kay Sarah, sinabi niya na pinahinto na niya ang singer-actor kahit bumubuwelo pa lang ito na manligaw sa kanya.

 

"Hindi na. Hindi naman siya kasi nanligaw talaga, parang nag-attempt pa lang. Pero ako na ang nagbigay ng wall. Hindi pa ako ready for a relationship, hindi pa ako matured, and hindi pa ako prepared mentally, emotionally," pagtatapos ni Sarah.