Ang ika-limang araw ng burol ng yumaong aktor na si Rudy Fernandez sa Heritage Park ang maituturing na pinaka-star-studded. Nagdatingan kasi ang napakaraming mga artista upang magbigay-pugay sa aktor sa necrological service na isinagawa kagabi, June 11.
Pero bago ang necrological service ay dumating noong hapon ang Governor ng Lipa City at tinaguriang Star For All Seasons na si Vilma Santos. Nagkatambal sina Vilma at Daboy sa pelikulkang Makahiya at Talahib noong 1977.
More than one hour din nag-stay si Vilma sa wake at may ilang minuto rin siyang nakipagkuwentuhan sa ilang mga kaibigan ni Daboy—na araw-araw ay siyang nangangasiwa sa lamay at nagbibigay ng suporta sa maybahay ng aktor na si Lorna—na sina Gina Alajar, Amy Austria, at ang mag-asawang Tirso Cruz III at Lyn Ynchausti.
Sa pagdating ni Vilma sa wake, muling naalala ang pelikulang pinagsamahan nila, ang Makahiya at Talahib. May trivia pa raw ang personal assistant ni Vilma na si Aida Fundallan na si Daboy pala ang very first kissing scene ni Vilma sa pelikula.
Hindi na nag-abot sina Vilma at Aga Muhlach, na dumaan din sandali sa wake bago ito tumuloy sa kanyang taping for That's My Doc.
NECROLOGICAL SERVICE. Sa huling gabi ng wake ni Daboy ay isinara na sa publiko ang viewing para sa necrological service.
Nagbigay ng kanilang mga mensahe ang pinakamalalapit na kaibigan ni Rudy na sina Jinngoy Estrada, Bong Revilla, Phillip Salvador, Lolit Solis, at si Sharon Cuneta na sobra ang pag-iyak. Siyempre, nagbigay rin ng kanilang mensahe ang misis ni Daboy na si Lorna at ang tatlong anak na lalake ng aktor na sina Mark Anthony, Ralphe, at Renz.
Dumating din ang ilan sa pinakamalalaking bituin sa showbiz—Maricel Soriano, Christopher de Leon and wife Sandy Andolong, Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez, Cesar Montano, Piolo Pascual, Eddie Garcia, Amy Austria, Dingdong Dantes, Karylle, Raymart Santiago, Paolo Contis, Mark Herras, Jestoni Alarcon, ang mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama kasama ang anak na si Ruffa Gutierrez, Janice de Belen, Charlene Gonzalez, Ronnie Ricketts and wife Mariz, Rosa Rosal, Toni Rose Gayda, LJ Reyes, LJ Moreno, Snooky Serna, Johnny Delgado and daughter Ina Feleo, Celia Rodriguez, Alicia Alonzo, Bayani Agbayani, Bobby Andrews, Mat Ranillo III, Gloria Sevilla, Miriam Quiambao, Lotlot deLeon, Joyce Jimenez, Polo Ravales, Sylvia Sanchez, at marami pang iba.
Nagsilbing emcees noong gabing ‘yon sina Lani Mercado at Ricky Davao. Naghandog naman ng mga awitin sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Pops Fernandez, Christopher de Leon., Tirso Cruz III, Jamie Rivera, at ang The Company.
Ginawaran naman ng posthumous award—ng kasalukuyang President ng Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT) na si E.R. Ejercito—si Daboy bilang isa sa pinakamatagal na presidente ng naturang samahan ng mga artista.
