Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Michelle Madrigal sa press conference ng My Monster Mom kung totoo ba ang tsismis na pinopormahan siya ngayon ng co-star niya sa Dyesebel na si Marco Alcaraz. Ayon pa sa report, kaya raw ayaw niyang magpatanggal sa cast ng Dyesebel ay dahil kay Marco.
"Talaga? May ganyang tsismis talaga sa amin?" malakas na tawa ni Michelle. "Kami pa ni Marco, e, barkada kami niyan even before we got into showbiz. Pareho kaming nag-start sa modeling noon and we've treated each other na parang barkada lang. Never siyang nagtangkang manligaw sa akin."
Dagdag ni Michelle, ayaw niyang magpa-pull out sa Dyesebel dahil gustung-gusto niya ang role niya bilang kontrabidang sirena ni Marian Rivera.
"It's true na ayaw kong magpatanggal sa Dyesebel because I love my role as Berbola. Gusto nga akong i-pull out ni Tita Annabelle [Rama] at ilagay ako sa ibang show. Nagmakaawa talaga ako na huwag akong tanggalin.
"Pero marami na akong na-shoot na mga eksena for Dyesebel that time at nag-e-enjoy ako sa role ko. Plus, number one ang Dyesebel nationwide. Natural na I want to be part of a number one show, di ba?
"Kaya sinabi ko kay Tita Annabelle na huwag na niya akong alisin sa show because gustung-gusto ko ang ginagawa ko. ‘Tsaka I made good friends na sa set ng Dyesebel. Para na kaming magkakapatid sa set tuwing taping," lahad ng young actress, na produkto ng Star Circle Quest ng ABS-CBN.
Idiniin ni Michelle na hindi magiging dahilan ang lalake kung aalis o mananatili siya sa isang show. Gusto ni Michelle ay loveless muna siya para maka-concentrate siya sa kanyang trabaho.
"Kaya hindi totoo na dahil kay Marco kaya ayaw kong magpatanggal sa show. Bakit naman siya pa? Wala na ba silang ibang ma-link sa akin?" malakas na tawa ni Michelle.
"Uy, pero mabait ‘yang si Marco," bawi niya. "He respects me a lot kasi nga parang sabay kaming lumaki niyan. Mga bagets pa kasi kami noong magkakilala kami. Pero never niyang nanligaw. Hindi naman ako ang type niya, e.
