Masaya si German Moreno dahil sa magagandang review na natanggap niya sa performance niya sa pelikulang Paupahan ng ATD Entertainment Productions. Kuya Germs's last big movie role ay noon pang 1986 sa pelikulang Payaso na siya rin ang lead role. Pagkatapos noon ay halos mga guestings na lang daw ang ginawa niya.
Naniniwala si Kuya Germs na malaki ang nagawa ng director nila na si Direk Joven Tan para muling mapansin ang husay niya sa pag-arte.
PLAYING SERIOUS GAY. "Well, minsan lang ako na-nominate noong araw, kasama ko pa ro'n si Dolphy, sa pelikula naming Artista Ang Aking Asawa kunsaan, na-nominate ako for Best Supporting [Actor]. So, sabi ko nga, kung mauulit, kahit ma-nominate lang ay malaking bagay na," masayang pahayag ni Kuya Germs nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
"Siyempre, masarap din na sa edad ko na ito, meron pa ring nagtiwala na director, producer, writer, at nagplano na sa dinami-rami na pupuwedeng gumanap na gay at meron naman na talagang gay, e, ako ang nasa isip nila. It's really an honor."
For the first time daw kasi, ngayon lang siya gaganap ng papel na isang gay na seryoso. Marami na siyang nagampanan na gay roles in the past, pero kadalasan ay mga tipong eskandalosang bading. Kaya naging challenge for him ang pelikulang Paupahan.
Aminado si Kuya Germs na miss na miss na raw niya talaga ang pag-arte or ang mag-drama.
"Miss na miss kong talaga! Para sabihin ko sa inyo, I've been working in GMA, pero hindi ako napapasama sa mga soap opera. Parang siguro naiisip nila na kapag lumabas ako sa drama, tatawa ang mga tao.
"Pero na-prove ko na rin naman 'yan noong panahon ng telesine kunsaan, ang dami kong ginampanan. Kahit sa ABS-CBN noon, nakalabas ako with Judy Ann Santos. Naipakita ko naman ang pagiging seryoso ko."
Natatawang tila may hamon pa nga si Kuya Germs sa kanyang network na sana raw, panoorin ang movie niya para makitang kaya naman niyang mag-drama.
MS. GLORIA CURSES, AT LAST. Bukod sa pagiging aktor sa Paupahan, may isa pa raw naging importanteng role si Kuya Germs. At ito ay siyang mangumbinse sa kanyang kumadre na si Ms. Gloria Romero para gawin ang pelikula at higit sa lahat, mapapayag ito na magmura sa kanyang dialogue. Naging prinsipyo na raw pala ng iginagalang aktres simula pa noon ang hindi pagbibitiw ng bad words sa kanyang mga dialogue.
"Isa yun sa mahirap na ipinagawa sa akin ng aming direktor, yung kumbinsihin ko si Mareng Gloria na gawin yung movie. Nang ma-convince ko na siya, sumunod naman dito ay yung i-convince ko siya na magmura sa pelikula dahil kailangan talaga.
"Sabi sa akin, ‘Pare, huwag naman ‘yan dahil hindi ko ginagawa ‘yang talaga. Kahit simula pa nang magkasama tayo sa Sampaguita [Pictures, kunsaan nagsimula ang kanilang showbiz careers], never akong pinagganyan.' Sabi ko lang, ‘Mare, para naman maging natural. Subukan lang natin at kapag pangit, pakiusapan natin ang direktor na tanggalin na lang."
Ayon kay Kuya Germs, napapayag naman daw niya ang beteranang aktres.
"Hayun, minura niya ang sarili niya, minura niya yung husband niya at minura niya rin ako, kung kaya't ilang mura rin ang nabitawan niya," natatawa pa niyang kuwento.
MORE BILLY BASHING. Nakalabit ng PEP ang sensitibong issue tungkol sa kanyang dating anak-anakan na si Billy Crawford. Noong umpisa ay ayaw pa munang magsalita ni Kuya Germs dahil ilang beses na rin siyang nagbitaw ng pahayag tungkol sa kanyang saloobin sa paglipat nito from GMA-7 to ABS-CBN.
Katuwiran niya ay nasaktan daw talaga siya nang husto.
Nagsalita lang ito nang aminin na totoo raw na nagkausap sila ni Billy noong nasa States pa ito.
"Totoong kinausap niya ‘ko. Pero yung pag-uusap na yun, hindi porke na nakausap ka, e, okey na. For me, it's a commitment na dapat niyang isipin.
"Hindi naman umabot ng isang taon, kailan lang naman siya na nasa GMA. And it was a beautiful project na ibinigay sa kanya ng network. Bago siya magpaalam na may tatapusin lang na album, talagang pagbalik niya, yun na ang gagawin niya, his next project. Nag-i-e-mail na sila ni Rams David [GMA-7 program manager] tungkol dito. So, ine-expect mo ngayon, walang problema. Then, all of a sudden, a guy by the name of ‘Arnold'...telling me that Billy will be working in a different channel at ganito-ganito na gagawin niya. Hindi ako sumagot. Wala akong sinagot. And he told me na tatawagan nga raw ako ni Billy."
The following day na raw after na tumawag ng tumatayong booking agent ni Billy na si "Arnold," tumawag si Billy sa kanyang ama-amahan. At ayon kay Kuya Germs, diretso niya raw sinabi kay Billy na naha-high blood siya.
"He asked me, why raw ako high blood. Sinabi ko na dahil narinig ko na may plano ka palang mag-work na sa kabilang channel. Sabi ko sa kanya, bakit mo gagawin yun?"
HIS U.S. MANAGEMENT'S DECISION. Sinabi ng PEP kay Kuya Germs ang katuwiran ni Billy na decision ng kanyang bagong management company sa U.S. ang pagbalik niya ng Pilipinas at pagkakaroon ng show tulad nga ng Pinoy Dream Academy sa ABS-CBN, pero ayon kay Kuya Germs, hindi raw siya naniniwala sa katuwiran na yun ni Billy.
"Hindi ako naniniwala ro'n. I don't believe that. Because when he came back sa GMA, wala yung ganyan, wala yung mga agency na yan or management. So, I even told him, you're a liar dahil may commitment ka, meron kang e-mail na sa pagbabalik mo, ganito-ganyan.
"'Tapos sinabi niya, mabuti pa raw na hindi na lang siya babalik sa Pilipinas. So, sinabi ko naman, mas mabuti. At sinabi ko na, ‘Billy, it's so easy. Kung kailangan mong mag-trabaho...' and even the mother told me, kailangang magtrabaho ni Billy, hindi dapat magutom. So, sabi ko, teka, ginutom ba siya sa GMA?"
Dugtong pa rin ni Kuya Germs na obviously ay malaki talaga ang sama ng loob sa anak-anakan, "Ako ba, ‘kako, hinayaan ko siyang hindi kumain? I gave everything and I did everything for him, kaya sabi ko, anong problema? Walang ganoon.
"Sinabi ko rin na kung walang in-offer ang GMA, kung wala siyang commitment, okey lang, tanggapin mo [ang offer ng ABS-CBN], why not, bakit kita pipigilan? Trabaho yun, ‘di ba? Pero meron kang commitment!"
Billy reasoned na wala naman daw siyang commitment sa GMA-7 to do another show dahil wala naman daw kasi siyang kontrata sa Kapuso Network. Pero sinagot ito ni Kuya Germs ng, kailan ba nagkontrata si Billy?
"Alam n'yo, doon na ‘ko nasaktan. It's no longer the same. Kung nangyayari sa ibang artista na lumilipat-lipat because of something...you know."
DO NOT HURT YOUR "TATAY." Aware daw si Kuya Germs na tatay ang turing sa kanya ni Billy, pero aniya, iba raw ang konsepto niya sa salitang tatay.
"Ang tatay kasi hindi sinasaktan. Ang tatay, hinihingan ng advice kung, ‘Puwede ko bang gawin ito?' Sasabihin ko sa kanya na, ‘Tapusin mo itong dito, after that, saka ka pumunta sa kabila. Wala ka nang problema.' So, kung talagang ginamit niya yun. Walang problema."
Kuwento pa ni Kuya Germs, ‘yung last concert daw ni Billy sa Araneta ay siya ang nag-produce. Siya ang nag-save sa concert na free for his fans dahil muntik na raw itong hindi matuloy.
"Actually, even his manager, Raul Laurente, sinangla yung lupa para lang matuloy ang concert na yun. But at the end, ako pa rin ang sumalba dahil yung lupang isinasangla, hindi naman dito kundi sa Cebu. So, ayaw pumayag ng bangko. Ako ang nag-guarantor kaya kung anuman ang halagang kailangan, sinagot ko sa bangko.
"Then, after that, ganito ang mangyayari? Siguro naman, kahit kayo ang lumugar sa lugar ko, hindi maaaring hindi kayo masasaktan. Kuya Germs did everything. Lahat ng ginawan ko, even a single centavo, hindi ako nangomisyon. Bagkus nag-aabono ‘ko."
Sa huli, tinanong ng PEP si Kuya Germs kung ano kaya ang puwedeng gawin ni Billy para mawala ang sama ng loob niya sa singer?
"I think, that's a big question mark...siguro hindi ko na...para que? Wala...wala na yung feeling ko. Alam ko naman na ang sasabihin niya, kakausapin niya ko. Pero kapag tinanggap ko na, ano pa, wala rin. Kailangan niyang ma-realize. Kailangan niya rin matuto. Dahil kapag ginawa kong ganyan, hindi pa rin siya natuto.
"Ako kasi, may iba pa rin akong mga artista na nandoon na sa kabila, pero, never akong namerhuwisyo. Ever since, ang itinuturo ko lang, maging marespeto at professional. Pero mahirap kapag mismong ang company na ang nagtuturo sa mga bata na maging ganoon. Mahirap, mahirap pala...kumbaga, dumarating na tayo sa point na masaktan na kung sino ang masaktan," emosyunal pa rin na paglalahad nga ng maituturing na pinaka-loyal na Kapuso star.
