Daring ang role na ginaganap ni Joross Gamboa sa Eva Fonda. Ngayon nga lang daw niya ginawa ang torrid kissing scene nila ng co-star na si Hazel Mendoza.
"Torrid ba ang tawag ro'n? Yung open mouth kissing?" paninigurado pa niya sa amin nang makapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Kuwento pa niya, hindi nga raw naiwasan ni Hazel na maiyak nang first time na kunan ang eksena nilang yun.
"Naiyak siya, kasi yun ang pinaka-first time naming magkaroon ng ganoong eksena. May gusto kasing mangyari si Direk na parang si Hazel yung nasa ibabaw. So, bago namin kinuhanan yun, napaiyak siya. Siguro, hindi siyempre maiwasang hindi siya mailang, first time niyang gagawin, ‘tapos, marami pang tao.
"Pero ako ang ginagawa ko na lang, pinapatawa ko na lang siya."
Feeling ni Joross, nakatulong din ang pagiging magkasama nila dati ni Hazel sa Gulong ng Palad para mabawasan ang pagkailang nila sa isa't isa sa maselang eksena nilang iyon. Magkapatid ang papel nila sa dati nilang show, pero ngayon sa Eva Fonda, sa isang intimate na eksena naman sila magkasama.
"Mabuti na lang na nagkasama na kami, magkakilala na kami. Mas malaking bagay yun. Although, lahat naman kami rito, may mga love scenes yata. Kami kasi nina Cristine [Reyes] at Jason [Abalos] ang magkakaibigan dito."
THE MAGTATAHONG. Deglamorized daw silang lahat dito. Siya nga, isang magtatahong ang ginaganapang karakter, kung kaya't ang location shoot nila ay madalas nasa tabing-dagat. Magka-live-in daw sila ni Hazel sa kuwento.
Ganunpaman, masaya naman daw siya na nakasama siya sa bagong series ng Dos. Para raw sa kanya, wala namang malaki or maliit na role. "Siyempre happy ako, it's a blessing," sey nga niya.
Ayaw nang pag-usapan pa ni Joross kung anuman ang kinahinatnan ng character niya noon sa Natutulog Ba Ang Diyos. Bagamat sa Eva Fonda, hindi siya ang maituturing na bida, he's hoping na sana nga raw, hindi na ulit mangyari yung nangyari sa kanya dati sa Natutulog.
"Yeah, sana lang nga huwag na lang maging katulad noon. Siguro ngayon, medyo iba naman ang character ko. Hindi na katulad dati na mabait lang. Ngayon, dadaanin ko na rin siguro sa comedy kasi, wala namang masyadong nagko-comedy sa amin."
NOT STAR MAGIC TALENT ANYMORE. Aminado si Joross na may mga nagtatanong at nagtataka kung bakit sa halip na siya, si Jason ang ipinareha kay Cristine. Katuwiran niya, wala naman daw kaso sa kanya ‘yun.
"Ako naman kasi kung ano ang ibigay, walang problema sa akin. Sila naman ang nagdedesisyon niyan. At saka siguro, kung kanino nga lang babagay ang role. E, yun ang ibinigay sa akin."
Dahil nga wala na siya sa Star Magic at lumipat na nga kay Becky Aguila as his manager, hindi kaya may kinalaman ito kumbakit hindi na siya ang pina-prioritize na artista, at kay Jason na ibinigay ang role bilang kapareha ni Cristine? Si Jason kasi ay Star Magic talent.
"Hindi ko rin alam, e. Hindi ko rin naman masabi siyempre yung mga ganoong bagay. Kumbaga, hindi ko naman na iisipin yung ganoon. Para naman sa akin, wala namang nagbago with my relationship pa rin with Star Magic. Kasi, sa kanila naman ako galing.
"With Tita Becky naman, happy naman ako ngayon dahil nakikita ko naman na inaalagaan naman niya ‘ko."
Sa ngayon, hindi pa raw siya sure kung kailan ipalalabas ang teleserye nila. Pero, malamang daw na baka sa July.
WORKING WITH CRISTINE. Wala na naman daw ilangan sa kanilang dalawa ni Cristine, although, aminado siyang hindi pa rin sila masyadong madalas na nagkakakuwentuhan.
"Siyempre, nasa taping...hindi ko alam kung may ilangan pa ba? Pero, sa palagay ko naman, wala na. Siguro kung may naging kaibahan man ngayon, parang hindi ko lang din siya mabiro nang todo pa ngayon. Parang...tama lang.
"Nabibiru-biro ko na rin. Kasi, ang tagal din naman naming hindi nagkita. Napag-usapan lang din namin yung mga nangyari nang mag-workshop kami."
Gusto raw niyang isipin na closed book na naman kung anuman ang naging isyu sa kanila before ni Cristine kunsaan lumabas pa nga yung tila pagki-kiss nila na kuha sa cellphone.
A VERY SPECIAL LOVE. Bukod sa Eva Fonda, kasama rin si Joross sa A Very Special Love na movie ng Star Cinema. Feeling daw niya, may pagka-mala-Devil Wears Prada ang tema ng movie nila.
"We work for John Lloyd here, kaso, parang feeling namin, kahit ano ang gawin namin, hindi pa rin namin ma-please yung boss namin."
Last movie pa raw niya ay ang D' Anaders with Toni Gonzaga and Vhong Navarro kaya happy siya na finally, may ginagawa nga siyang muli for Star Cinema. At kung yung iba, nasasabing tila mabagal ang pag-usad ng career niya, para sa kanya, mas nakikita pa rin daw niya ang advantages ng marahan na pag-usad nito.
"Mas gusto ko yung dahan-dahan. Mas madali kasing sumikat, pero, mas mahirap ang magtagal sa business na ito."
